Sunday, January 14, 2018

Pakinggan Mo AKO



   Narito pa ang 100 Kawikaan na gumigising at nagpa-paalaala sa atin. Binibigyan nito ng makabuluhang pagsulyap ang ating mga saloobin at pananaw. Mahalaga na alamin at paglimiing mabuti ang mga ito, at maging kalasag sa ating araw-araw na pakikibaka sa mapagbirong tadhana.
   Pag-ukulan ito ng pansin, sumubaybay at magkaroon ng panibagong inspirasyon, pamantayan, at mabisang kaparaanan upang magtagumpay.

                                                                                                          Jesse Navarro Guevara
                                                                                                         AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                         Lungsod ng Balanga, Bataan

 201- Ang bata ay hindi maaaring turuan ng sinumang namumuhi sa kanya.

202- Kamangha-mangha ka sa ganap na pagiging ikaw.

203- Dalawang tao lamang ang nakakabagot, ang madaldal at ang walang naririnig.

204- Nais kong tumakbo, ngunit sa layo lamang na magagawang maalaala mo ako.

205- Huwag idagan sa iba ang bagay na hindi mo nais na pasanin sa iyong sarili.

206- Pumili ng gawain na talagang ibig mo, at kailanman sa bawat araw ng iyong buhay ay hindi ka na gagawa pa.

207- Lahat ay nagbabago. Ang mga kaibigan ay lumilisan. Ang mga kagamitan ay naluluma at nasisira. Ang yaman ay nawawala. Ang mga papuri ay naglalaho. At ang buhay ay hindi humihinto kahit kanino man. Nararapat lamang na harapin ito nang buong kagitingan.

208- Sa tatlong kaparaanan ay nagiging matalino tayo.
          Una, sa pagbubulay-bulay, na siyang marangal.
          Pangalawa, sa panggagaya, na siyang pinakamadali.
          At pangatlo, sa karanasan, na siyang pinakamahapdi.

209- Walang sinuman ang may kinapuntahan sa daigdig sa pagiging kuntento lamang.

210- Pakaisipin lamang ang trahedyang susuungin kung sakali man, kapag hindi naturuang
        manghinala ang mga bata.

211- Ang pagmamahal ay maliwanag na nag-aalab kaysa sa sikat ng araw.

212- Harapin kung ano ang matuwid, ang iwaglit ito ay tanda ng karuwagan.

213- Ang isang makasalanang tao ay mapanganib; alinman ang sandata niya, maging baril o Biblia.

214- Kung minsan kailangan mong malimutan ang nais mong maalaala na hindi nararapat sa iyo.

215- Walang nagpatiwakal habang nagbabasa ng mabuting aklat, subalit marami ang nagbabalak
         habang sinusubukang magsulat nito.

216- Ang mga bagay ay pasama bago maging mabuti. Kaya pakatandaan;
         kung sino ang umapi sa iyo at kung sino ang nagpahalaga sa iyo.

217- Siya na natututo subalit hindi nag-iisip, ay nawaglit.
        Siya na nag-iisip subalit hindi natututo ay nasa ibayong panganib.

218- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi bawat isa ay
                                          nakikita ito.

219- Isang araw, nahuli ko ang aking sarili na napapangiti nang walang kadahilanan, at napaglimi kong iniisip pala kita. Ako ba'y ginagayuma mo?

220- Naririnig ko at aking nalilimutan. Nakikita ko at aking naaalaala. Ginagawa ko at aking nauunawaan.

No comments:

Post a Comment