Siya
lamang ang tanging nakaligtas sa lumubog na barko, at ipinadpad ng malalaking alon
sa isang walang katau-tao na munting isla. Sa sumunod na mga araw, nakaluhod
siyang nananalangin sa Diyos na masaklolohan. Araw-araw ay lumilibot siya sa
isla sa paghahanap ng makakain na bungang-kahoy at kasabay nito ang pagtanaw sa
dagat kung may barko o bangkang dumaraan, ngunit tulad ng dati, lagi siyang
nabibigo sa hinihintay na saklolo.
Sa kawalan ng pag-asa at kapaguran, kahit
papaano ay nakagawa siya ng maliit na kubo mula sa mga kahoy na inanod sa isla
at mga talahib at dahon ng niyog na ginawa naman niyang bubungan. Inipon niya
ang mga napulot na mga kasangkapan at ilang kagamitan at masinop na inilagay
ito sa kubo. Subalit isang araw, matapos maghanap ng makakain dinatnan niyang
nagliliyab at nasusunog ang kubo. Ang itim nitong usok ay mabilis at pataas na
tinangay ng hangin.
Ang pinakamasaklap ay naganap; lahat ng
kagamitan na mahalaga sa kanya ay nasunog. Halos panawan siya ng ulirat sa
pag-iyak. Matinding panlulumo at galit ang namayani sa kanya. “Diyos
ko, hindi pa ba sapat na ako ay mapadpad sa munting isla na ito? Bakit pati
ang aking munting tirahan ay nawala pa sa akin?” ang panggagalaiting hiyaw
niya na sinundan ng mahabang hagulgol. Kinaumagahan, habang nakahiga sa
buhangin ay nakarinig siya malakas na busina ng barko na palapit sa munting
isla upang saklolohan siya. Nang makasakay na sa barko ay mabilis niyang
tinanong ang kapitan kung papaano nila nalaman na siya ay nasa munting isla. “Nakita namin ang iyong paghingi ng saklolo
sa usok na nagmumula sa munting isla. Tao lamang na nasa panganib ang
makakagawa ng usok na tulad nito,” ang pahayag ng kapitan ng barko.
-----------------------------o
Madali tayong mawalan ng pananalig kapag
nalalagay tayo sa panganib at matinding pangangailangan. Subalit huwag
mawawalan ng pag-asa, sapagkat sa lahat ng sandali ang Maykapal ay hindi
nakakalimot. Sa kabila ng mga pasakit at kapighatian, laging tandaan kapag ang
iyong kubo ay nasusunog---isa lamang itong pahiwatig upang saklolohan ka at
pagpalain ng Maykapal.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment