Wednesday, November 29, 2017

Magpasalamat Po Tayo

May nagwika, “Kung ugali mo ay magpasalamat, sapat na itong panalangin upang makarating sa Maykapal.”
Ano ba ang kailangan nating ipagpasalamat?
Sa araw-araw na hinahandugan tayo ng 24 na oras upang magampanan natin ang ating layunin sa mundong ito, bahagi na ang pagnanais nating maipabatid kung anong mga bagay ang ating pinasasalamatan sa ating buhay. Ito ay mga pagpapala na patuloy nating natatanggap sa kabila ng maraming pagsubok at mga kapighatian na ating nakakaharap sa buhay.
   Sa ating mga pakikibaka, sa mga pagharap sa problema, at maging sa mga paghamon o pagsubok na dumarating sa atin, at sa mga paglutas sa mga ito, lagi nating kaagapay ang pasasalamat. Kung maganda at nakakabuti ang mga kaganapan para sa ating kaunlaran, “Maraming salamat po.” Kung pangit at nakakasama naman at pinahihirapan tayo ng samut-saring mga problema, “Maraming salamat din po.”
   Bakit kailangan ding pasalamatan ang mga bagay na pangit, nakakasama at pinahihirapan tayo? Sapagkat ito lamang ang tanging paraan upang lalo tayong magpunyagi, dagdagan ang ating mga pagkilos, ang maging matibay at matalino para higit na maging matatag sa paglutas ng mga suliranin. Narito ang mga leksiyon na nagpapatalino sa atin upang magkaroon ng mabisang pagbabago. Kung minsan, kailangan nating mauntog, para magtanda at makaiwas sa muling pagkakamali.
   Ang paghahayag ng pasasalamat ay isang paraan upang makamit ang mga handog na nakalaan para sa iyo. Ang pinakasusi upang likhain at mahalina ang iyong mga ninanasa sa buhay ay ipokus o ituon ang iyong atensiyon sa mga mahahalagang bagay na nasa iyo na. Kung magagawa ito, ang buong Sansinukob ay kusang mabubuksan upang ipagkaloob ang nakatakda mong mga pagpapala.
“Kung wagas mong pinasasalamatan ang anumang bagay na nasa iyo na, mabilis nitong hinahalina ang marami pang magagandang bagay na mapasaiyo sa iyong buhay.”
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment