Lahat
tayo ay may ugali ng kayabangan. Mabuti ito kung may katotohanan at walang
bahid ng kasinungalingan. Subalit kung ang intensiyon ay manloko at
pagsamantalahan ang iba, ito ay isang kabuktutan at may nakalaang parusa.
May
kawikaan tayo, “Iwasang maglubid ng buhangin upang hindi mauwi ang lahat sa
hangin.”
Maging totoo sa lahat ng sandali, at tuparin ang bintitiwang pangako. Maging tapat at walang halong pagkukunwari sa mga relasyon. Kung asal hunyago o may balatkayo, ikaw mismo ang kumakalaban sa sarili mo. Ang magdagdag o gumawa ng sariling kuwento mapaganda lamang ang kalagayan ay humahantong sa pagkawala ng pagtitiwala at pagpapahalaga sa katauhan mo.
Huminto
muna sa sandaling ito; pagmasdan at limiin kung anong papel o uri ng katauhan
ang ginagalawan mo sa iyong buhay. Ito ba ay talagang IKAW o yaong nais ng iba
para sa iyo? Magsanay ng mga
kaparaanan na tahasang magampanan ang tunay mong katauhan. Katulad ng
repleksiyon mo sa harap ng salamin, anumang gawin mo ay gagayahin nito. Ganito
din ang isinusukli ng iyong mga karelasyon ayon sa ipinapakita mo.
Iwasan na lisanin ang mundong ito bilang
kopya ng iba. Hindi mo kailangan ang sinuman na ipaalam sa iyo kung sino ka.
Ikaw ay kung sino ka at tanging IKAW lamang ang may kapangyarihan para sa iyong
sarili.
Maging matatag, upang anumang unos ay hindi ka mailatag.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment