Thursday, January 12, 2017

Tatag at Tibay



3. KATATAGAN  -Katulad ng salamin, patuloy, matatag, walang ipinagbabago. Ibinibigay lamang ang repleksiyon ng nakatingin dito.

Lahat tayo ay dumaranas ng mga pasakit, mga kawalan, mga kabiguan o mga kapighatian sa ating buhay. Subalit kung papaano tayo makakabalikwas o makakabangon mula sa mga ito ay malaking panggising sa ating pagkatao. Narito ang pagkakataon para masubukan ang ating katatagan kung tayo ay panalo o talunan sa buhay.
   Kadalasan ay hindi natin mapipili kung anuman ang nangyayari sa atin, ngunit magagawa naman nating piliin ang ating sariling saloobin sa anumang nagaganap sa atin. Tayo ay may kapangyarihang komontrol at supilin ang mga bagay na walang katuturan, at tanggapin lamang ang mga makabuluhan. Pahintulutan ang sarili na mabigo. Kung hindi ito matatanggap, kailanman ay hindi tayo matututo. At kung walang natutuhan, pawang mga kabiguan ang laging kaulayaw natin sa buhay.
   Sa pagtupad, hindi ito madaling magawa, subalit dito nasusukat kung gaano ang ating katatagan upang ang mga paghamon at mga pagsubok na ipinupukol sa atin ng tadhana ay mahusay nating mapagtagumpayan. Gawin lamang kung ano ang tama at makakabuti, hindi kung ano ang madali at basta makaraos na lamang.
   Huminto muna sa sandaling ito; pagmasdan at limiin kung anong papel o uri ng katauhan ang ginagalawan mo sa iyong buhay. Ito ba ay talagang IKAW o yaong nais ng iba para sa iyo? Magsanay ng mga kaparaanan na tahasang magampanan ang tunay mong katauhan. Katulad ng repleksiyon mo sa harap ng salamin, anumang gawin mo ay gagayahin nito. Ganito din ang isinusukli ng iyong mga karelasyon ayon lamang sa ipinapakita mo.
   Iwasan na lisanin ang mundong ito bilang kopya ng iba. Hindi mo kailangan ang sinuman na ipaalam sa iyo kung sino ka. Ikaw ay kung sino ka at tanging IKAW lamang ang may kapangyarihan para sa iyong sarili. 
   Maging matatag, upang anumang unos ay hindi ka mailatag.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment