Saturday, January 07, 2017

Gantimpalaan ang Sarili




 
12. GANTIMPALA -Anuman ang iyong tinapos, nakamit, at nagawa; bigyan ito ng gantimpala.
Lahat tayo ay kailangan ang aprobal o pagtanggap, kasama na dito ang mga papuri at pagdakila. Ang matanggap ng iba ay siyang pangunahing gantimpala o kalakasan na kailangan natin upang magpatuloy pa sa buhay na ito. Narito ang ating layunin, ang makagawa ng mga bagay na may kaibahan at katangap-tangap sa ating lipunan. 


   Kung sinusukat at tinatasahan natin ang ating mga sarili, ang gantimpala na inuukol natin para dito ay walang kahulilip na kasiyahan. Sapagkat katungkulan natin na ilipat ang atensiyon patungkol sa iba at sa halip ay maging tagahanga mismo tayo ng ating mga sarili. Nagagawa nito na itaas ang antas ng pagpapahalaga, pagtitiwala, at pananalig para sa ating mga sarili.
   Karamihan sa atin ay nalilimutan na magpugay o ipagdiwang ang mga nakayanan mapalaki o mapaliit man ito. Hindi magawang bigyan ng kaukulang atensiyon para purihin ang sarili. Nahihiya silang buhatin ang sariling bangko, gayong kapag binigyan ng pagpapahalaga ang sarili, higit kang pahahalagahan ng iba. Sa halip ay nagpupumilit na makakuha ng aprobal o pag-respeto mula sa iba at maging biktima para mawalan ng halaga sa paningin ng marami. Hindi kataka-taka kung karamihan sa atin ay ginagawang pamunasan at pamahiran ng paa, dahil wala silang katapangan na ilagay ang mga sarili sa pedestal at tingalain ng iba. At.nagkakasya na lamang sa patanaw-tanaw, naghihintay, at umaasa na kahit papaano ay may makapansin sa kanilang mga nagawa o naitulong. Ang problema dito, sino nga kaya ang makakapansin sa iyo. kung mismong ikaw ay hindi kinikilala ang iyong sarili.
   Kung nais ng marami pang pagpapala, unahin ang sarili na bigyan ng gantimpala.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment