Sunday, January 08, 2017

Mahal Mo ba AKO?



7. KALUSUGAN  -Ang kalusugan ang tanging kayamanan,  at magkaugnay ang ating isipan at katawan.

Ang maging aktibo ay nakapagdudulot ng kasiyahan lalung-lalo na kung iniingatan natin ang ating pisikal na kalusugan. Mabilis nitong pinagbubuti ang ating mga pakiramdam upang makawala sa mga pasakit at kapit ng depresyon. Hindi natin kailangang sumali pa sa mga paligsahan—maraming kaparaanan tayong magagawa upang mag-ehersisyo nang tama sa bawat araw, sa bawat oras, at sa bawat sandali. Kung nanaisin natin, makakaiwas tayo sa mga sosyal media (facebook, twitter, atbp.), at maglaan ng tamang mga sandali na mamasyal, maglibang, at maglakbay.
   Sa katunayan, ang ating isipan at katawan ay magkaugnay at hindi magkahiwalay gaya ng nalalaman ng iba. Ang kanilang relasyon ay napakahalaga at hindi mo magagawang mag-isip nang malinaw kapag ang iyong katawan ay puspos ng kapaguran, kalasingan, at karamdaman. Ang malusog na katawan ay pangunahing sangkap para makuha ang pinakamabisang panlunas kaysa kung anu-ano pang mga reseta at preskripsiyong kemikal.
   Ang pinakamaling ginagawa ng tao ay isakripisyo ang kalusugan para lamang kumita at gawing kasangkapan ito maipakita lamang na siya ay masipag.
Malinaw ito: Kung ang selpon ay may lowbat, tayo naman ay may puyat. Kailangan ng selpon ang charge, at tayo naman ang tulog.
Para sa mapayapang isipan at pisikal na kalusugan, narito ang 9 na mga paraan sa buhay
1. Makipagsundo at kalimutan ang nakaraan nang hindi nito wasakin ang kasalukuyan.
2. Anuman ang iniisip ng iba tungkol sa iyo ay hindi mo tungkulin at wala kang pakialam.
3. Nilulunasan ng panahon halos lahat ng bagay, maghintay lamang at ito man ay lilipas din.
4. Huwag ikumpara ang iyong buhay sa iba at hatulan sila. Wala kang kabatiran sa kanilang pinagdaanan at nagawang pagtitiis sa kanilang paglalakbay sa buhay.
5. Huwag gaanong mag-isip, ayos lamang kung hindi mo man masagot ang mga katanungan. Ito ay kusang darating sa iyo nang hindi mo inaasahan.
6. Walang sinuman ang may hawak at may kontrol sa iyong kaligayahan kundi IKAW lamang.
7. Ngumiti. Kumanta. Sumipol. Humimig at Sumayaw. Hindi ikaw ang may-ari ng lahat ng mga problema sa mundo.
8. Hangga’t ginawa ng tao, ito ay hindi perpekto. Iwasan ang mga kemikal at artipisyal na panglunas. Bilang natural at buhay ang ating katawan, ito ay nangangailangan ng mga pagkaing natural at buhay.
9. Malaki ang nagagawa ng pananalig. Higit na mahalaga at pangunahing panlunas ang mga bagay na hindi nakikita subalit nadarama.
   Kung magagawa lang natin na isipan ang siyang makakalunas, halos anumang bagay ay makakaya nitong pagalingin. Hangga’t makakaya, sa tuwina ay tumawa ka. Ito ang pinakamurang gamot ng medisina.
   Ang malusog na katawan ay paraiso ng kaluluwa; at kung maysakit naman ito ay bilangguan.
   Kung nais ay mahabang buhay, mabuting kalusugan ang ipamuhay.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment