Saturday, January 07, 2017

Dakila ang Iyong Buhay



11. Kahulugan: Maging bahagi ng mga dakilang bagay
 Ang mga tao na nakapagbibigay ng malaking kaibahan sa iba at sa lipunang kanilang ginagalawan at may adhikain na makatulong. Sila ay namumuhay na maliligaya, nakadarama nang higit na kontrol sa kanilang mga buhay at nabibiyayaan nang husto anuman ang kanilang tinutupad na mga gawain. Wala silang mga kapighatian, mga panlulumo, mga karaingan, at malalang depresyon sa tuwina. Subalit saan nga ba natin matatagpuan ang “tunay na kahulugan at layunin ng buhay?”
Ang ating tanging Pamana: Maaari nating matamo ito sa ating pananalig na isagawa ang pagmamahal sa ating kapwa, walang kinalaman dito ang mga komersiyal na relihiyon na laging humihingi ng pera. Sapagkat maging si HesuKristo o ang “Diyos” ay walang relihiyon. Papaano? Ang maging huwaran o ulirang kapatid, anak, kapamilya, kaanak, kaibigan, kasama o kakilala. Nasa paglilingkod o paggawa ng kabutihan, nasa pagmamalasakit at nasa hayagang pagdamay lamang natin maipapakilala kung sino talaga tayo.
   Hindi ako naglilingkod para sa aking sarili, AKO ay tagalingkod.
   Lahat ay yayao, ikaw siya, at ako… lahat tayo ay lilisan sa mundong ito pagdating ng tamang sandali. Subalit hindi lahat sa atin ay nabubuhay nang totohanan ayon sa kanyang tunay na mga potensiyal. Marami sa atin ang hindi man lamang napapatugtog ang sariling musika o natatamasa ang kinasasabikang gawain at hilig. Gayong may kakayahan naman tayo na piliin at ipamuhay ang buhay na makabuluhan at nagpapasaya sa atin.
   Magkakaiba ang ating mga pananaw, subalit ang mga ito ay magkakaugnay sa mahiwagang mga bagay na higit na malaki at dakila kaysa atin. Nasa ating nagagawa at naibibigay higit na nakikilala kung ano ang tunay na pagkatao ang nasa ating kaibuturan.
   Ang buhay na walang paglilimi, ay walang katuturang ipamuhay

Isang Dalangin
“Harinawa… anuman ang bumabagabag at nakakalito sa iyo ay mabawasan,
at magpatuloy pa ang maraming pagpapala, at wala nang iba pa kundi pawang
mga kaligayahan ang manaig at patuloy na lumukob sa iyong buong katauhan
at maging sa mga mahal mo sa buhay.”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment