Saturday, July 04, 2015

Madali ang Pumuna


May karapatan siyang pumuna kung tinataglay ng kanyang puso ang makatulong.

 Matapos sa kanyang sermon si pastor Karlo tungkol sa naiibang katangian na ipinagkaloob sa atin bilang regalong ispirituwal, siya ay sinalubong ng isang ginang sa may pintuan na nagpahayag, “Pastor, ako ay naniniwala na mayroon akong regalong katangian bilang kritiko. Mahilig kasi akong  pumuna ng mga mali sa aking kapwa.”

   Tumugon and pastor, “Natatandaan mo ba ang tao na binanggit sa parabol ni Hesukristo na pinagkatiwalaan ng pera?”Masasabi mo ba kung ano ang kanyang ginawa sa perang natanggap niya?”

   Opo,” ang sagot ng ginang, “lumabas siya ng bahay at ito ay ibinaon niya sa lupa para itago.” (basahin ang Mateo25:18).
   Napangiti ang pastor at magiliw na nagmungkahi, “Sige, umuwi ka na, at gawin din ito!
----------------
Kung ang pagpuna ay hindi ginawa nang may pagmamahal at may matapat na hangaring makatulong, ito ay malupit at nakapagwawasak ng pagkatao. Sa mga kataga sa Liviticus 19:17, “Makakatiyak ka na sasawayin mo ang iyong kapitbahay, at hindi mo tataglayin ang pagkakasala nang dahil sa kanya,” ay pinangunahan ng mga babala laban sa paghahasik ng paninirang-puri at kinikimkim na pagkasuklam.
   Sa mabuting pakikipa-relasyon, madaling madetermina kapag kailangan ang pagpuna at kapag hindi kailangan ang pagpuna. Ito ay nakabatay sa tatlong mga katanungan:
   1. Ang motibo ko ba para punahin ang isang tao ay may hangaring makatulong sa kanya?
   2. Mayroon ba akong plano na matapat kong harapin siya, at ganap na unawain?
   3. Sa gagawin kong pagpuna, ito ba ay para sa ikakalugod ng Diyos, o dahil nakasanayan ko na   
        at kinagiliwan ang maging kritikal sa iba?
   Kung ang lunggati mo ay makatulong, kung ang iyong mga motibo ay may pagmamahal at pagmamalasakit, at ang iyong hangarin ay malugod ang Diyos, ipagpatuloy ang pagpuna. Kung hindi naman, at nais mo lamang na malagay sa alanganin at mapahiya ang iyong kapwa, huminto at suriin ang sarili kung bakit tinataglay mo ang malupit at mapangwasak na katangiang ito.
   Ipinadala tayo sa mundong ito para magtayo at magtatag, hindi bumuwag at magwasak. Sa bawat bagay na ating ginagawa, tayo ba ay nagtataguyod o naninira, ...ang makatulong o makapangwasak?

No comments:

Post a Comment