Masiglang
pagbati sa lahat, narito ang ilan sa mga patnubay na nakasanayan ko na.
Pakibasa lamang at limiin ang mga ito. At higit na mahalaga, itanim sa isipan,
isapuso at gawing bahagi ng pakikibaka sa buhay.
Sa ating ginagawang paglalakbay, mahalaga na
may mga tamang kaisipan na gumagabay sa atin sa mga panahong tayo ay
nakakalimot at nawiwili sa mga panandaliang libangan.
------------
Noong nagsimula akong mamasukan, napansin ko
na sa siyam sa sampung ginagawa ko ay pawang mga kamalian, ngunit madalas kong
binabago ang aking sistema sa bawat sitwasyon na ako ay nahaharap sa katulad na
problema. Kahit magtagal ako sa aking ginagawa, pinipilit kong itama ang
pagkakamali upang ito ay hindi na maulit pa. At sa ganitong paraan lamang
napatunayan ko na lahat ng bagay ay posibleng mangyari kung tahasan mong
ninanasa na magtagumpay sa buhay. Matututuhan mong kilalanin na ang bawat
hadlang sa iyong daraanan ay mga paghamon upang lalo kang magsumikap at maging
matatag. Ang mga pagkakamali ay sadyang nakaukol para lalong paghusayin ang
iyong mga katangian at maging handa ka sa darating na malaking pagpapala.
Pananatili, pagsisikhay at pagpupumilit sa
kabila ng lahat ng mga balakid, kawalan ng pag-asa, at mga kaimposiblehan: ito
ang nagpapatibay, na sa lahat ng mga bagay kapag masidhi ang iyong ninanasa,
patuloy na maglalagablab ito hanggang sa makamtan ang tagumpay.
No comments:
Post a Comment