Wednesday, July 08, 2015

Mababaw na Isipan



Ang maniwala sa sabi-sabi, ay walang bait sa sarili
May dalawang uri ng pagkilos ang nangingibabaw upang madaling harapin ang buhay; ang paniwalaan ang bawat bagay, at ang pagdudahan ang bawat bagay. Sa parehong paraan nakakatulong ito para hindi na tayo mag-isip pa. Dangan nga lamang, madalas humahantong ito sa kapahamakan at kasawian. Gawain ito ng mga tao na may saloobing “bahala na” at may padaskol na desisyon. Pasige-sige lamang anuman ang maging direksiyon o resulta ng desisyon. Ganito din ang mga hindi makapaghintay, mga mainipin at mabilis kung magpasiya na kadalasan ay nagsisisi sa bandang huli.
   Higit na mainam ang magtimpi at pag-isipan muna kung saan hahantong ang kapasiyahan, kung makakatulong o makakasira ito. Hindi ang maniwala o magduda kaagad, bagkus ang magnilay at alamin ang ibubunga nito sa sariling kapakanan, maging sa mga mahal sa buhay at mga kasamahan.

No comments:

Post a Comment