Tuesday, November 18, 2014

Matiwasay na Buhay



Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Tiwasay at Di-tiwasay na mga Tao

May humiling sa akin sa Facebook na isalin ang mensahe na ito sa wikang Pilipino, upang ito’y ganap na maunawaan ng ilan nating mga kababayan.


secure,  adj.  tiwasay, panatag, payapa, palagay, di-mapanganib, matatag, matiyak, sigurado. v. pangalagaan, garantiyahan, tibayan, tamuhin, tiyakin, iseguro.
insecure, adj.  di-tiwasay, di-panatag, may inseguridad, walang kasigurohan,
Matiwasay –peaceful    Masalimoot -chaotic

Ayon sa nagpaskel sa wikang Inggles:
Isang bagay na hindi ko matagalan ay ang di-tiwasay na mga tao.
Kailangang tanggapin ko, isinasama ko ang aking sarili na isa sa pinakadi-tiwasay na tao sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko matanggap noon maging ang aking sarili.

Nakatagpo ka na ba ng mga tao na di-tiwasay at laging humihingi ng atensiyon sa iba?
Papaano mo malalaman kung ang isang tao ay tiwasay o, di-tiwasay?

Hayaan ako na ibahagi sa inyo ang aking personal na mga pakikibaka sa di-tiwasay (inseguridad na pakiramdam) at kung papaano ito nadarama ng isang tao kapag siya ay walang katiwasayan.

Ang mga Pagkakaiba
Ang di-tiwasay na mga tao ay nakadarama ng pagka-awa (habag) sa sarili kapag nagtatagumpay ang iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay nagiging inspirado kapag nagtatagumpay ang iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay nakatuon sa kung ano ang mayroon sa iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay nakatuon sa kung ano ang mayroon sila.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay walang utang na loob (maramot), samantalang ang mga tiwasay na tao ay tumatanaw ng loob (mapagbigay) at mapagpasalamat.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay sumpungin at malungkutin, samantalang ang mga tiwasay na tao kadalasan ay mga masiglahin at mga masayahin.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay madalas ipinapahayag ang kanilang mga nakamtan o mga nagawa at laging itinataas ang mga sarili (binubuhat ang sariling bangko), samantalang ang mga tiwasay na tao ay bihirang magsalita nang tungkol sa kanilang mga nakamtan at sa halip ay pinupuri pa ang iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay inaagaw ang kredito (karangalan) na pinaghirapan ng iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay ibinibigay ang kredito kung kanino ito nakaukol.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay may kakayahang mangusap ng negatibo (nakakasira) na mga bagay at palapintasin, samantalang ang mga tiwasay na tao ay madalas na nagsasalita ng mabubuting bagay at mga kabutihan tungkol sa iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay namumuhay na hindi kuntento (walang kasiyahan) at miserableng pamumuhay (masalimoot), samantalang ang mga tiwasay na tao ay masayahin at kuntento sa buhay.

Sadya kong pinasasalamatan ang Maykapal at nagawa Niyang alisin ang mga di-katiwasayan (inseguridad) sa aking sarili.
Ako ba ay tuluyang wala na nga nito? Hindi pa rin hanggang ngayon! Patuloy pa rin na kinikinis ko ang aking pagkatao para sa kabutihan ng lahat.

Ito ay isang pakikibaka sa araw-araw na kinakailangang harapin nating lahat.
   Kailangan natin na manatiling gising o namamalayan na tinataglay natin ang di-tiwasay na pakiramdam, kinakalaban ito o tinatanggihan ito, sinusupil at tahasang iniiwasang magawa.
   Matapos ang maghapon, hindi natin nais na palaging diskuntento at may miserableng mga buhay, bagkus ang manatiling matiwasay at maligaya.

Humingi ng tulong.
   Makipag-usap at makipagtulungan sa mga tao kung papaano makakagawa ng pagbabago.
   Manalangin sa Maykapal na pagpapalain tayo upang malagpasan at magtagumpay para dito.
   Katulad ng pagpapala na ibinibigay Niya sa akin at ako ay nagtatagumpay na malagpasan ito.

MAG-ISIP. MAGLIMI. ISAKATUPARAN.  …At ang lahat ay madali na lamang.

Hindi mo ba naiisip na mayroon ka pang mga hindi katiwasayan (inseguridad) sa iyong buhay?
Ano ang iyong plano upang mapaghusay mo ito para sa iyo at sa mga karelasyon mo?
Nagawa mo na bang ikumpisal at hilingin sa Maykapal na patawarin at pagpalain ka para malagpasan mo ito?
 Harinawa.

Isang pagsasalin mula sa wagasmalaya.blogspot.com


No comments:

Post a Comment