Thursday, September 26, 2013

Umaalingasaw na!


Ang isipan ang pinanggagalingan ng kaligayahan at kapighatian. Ang kalinisan at kapayapaan na minimithi ay nagmumula sa kaibuturan. Huwag tuklasin ito sa panlabas, lalo na sa mga materyal na bagay. Anuman ang gawin, hangga't nakatingin at umaasa ka sa mga kaganapan sa iyong kapaligiran, wala itong kakahinatnan. Ikaw MISMO sa iyong sarili and kailangang mag-umpisa ng lahat sa nais mong maganap. 
   Kung hindi ka kikilos, walang kikilos para sa iyo. At kung ikaw ay pabaya at sadyang palaasa sa iba, huwag pagtakhan kung bakit hindi mabago ang iyong kalagayan. Ikaw at wala ng iba pa ang makakagawa ng pagbabago na iyong ninanasa. Nangyayari lamang na dumumi at bumaho ang isang pook, kapag pinabayaan na ito at iniasa na lamang sa iba. Kung ang mismong bakuran mo ay basurahan at nanlilimahid ang kaanyuan, wala kang karapatan na tumingin sa mga malilinis na bakuran at mainggit na kagalitan ang mga ito. 
   Nagiging basurahan at bumabaho lamang ang isang pamayanan, kung palaging kababuyan at kasalaulaan ang pinag-gagawa ng mga nakatira dito, laluna't kung wala nang natitira pang nag-aaruga at tagalinis nito. Gayundin sa mga kalagiman; nangyayari lamang na magpatuloy ang mga kasamaan at karahasan sa isang pamayanan, kapag wala ng natitira pang mabubuting mamamayan para ito mahadlangan.

Kung alam mo kung ano ang iyong tungkulin, at ninanais na mangyari, makakatiyak ka sa sarili kung saang direksiyon ka patungo.
 


No comments:

Post a Comment