Thursday, September 26, 2013
Saan ba Tayo Pupunta?
Lahat ng mayroon tayo ay resulta ng kung ano ang ating naisip. Ang mga bagay na ating pinaniwalaan ang siyang nagdadala sa atin kung saan natin nais pumunta. At kung ito ay hindi nasa matuwid, pawang mga baluktot, kalituhan at mga bagabag ang ating masusumpungan. Wala tayong mapagpilian kundi ang sumunod na lamang sa agos, magpatangay, at kung saan sumabit o masadsad, doon na lamang tayo magpapakalunod.
Kung ang tao ay mangungusap o kikilos nang may masamang kaisipan, ang kapighatian ay susunod sa kanya. Sapagkat kung ano ang laman ng iyong isipan, ito ang iyong mga ikikilos at tatahaking landas. Kung ang tao ay mangungusap o kikilos nang may dalisay na kaisipan, ang kaligayahan ay susunod sa kanya, katulad ng isang anino na kailanma'y hindi siya iiwanan. Bilang katibayan; kung mag-iisip din lamang luminya na tayo doon sa makakabuti at makapagpapaunlad sa ating mga kapakanan. At magawang pakaiwasan ang mga bagay na nagpapasama at nagpapalala ng mga kahirapan, alitan at mga paglalaban.
Tatlo lamang ang mga landas na tatahakin, at isa lamang ang pipiliin; Kaliwa, Gitna, at Kanan. Alinman dito ay makakarating ka sa iyong patutunguhan. Nasa iyo at ikaw lamang ang tanging nakakaalam kung ano ang tunay na pakay mo. Kaligayahan o Kapighatian, Katotohanan o Kasinungalingan, Kaunlaran o Kahirapan, Pagkabuhay o Pagkamatay. Kung anuman ang piliin mo sa magkakasalungat na landasing ito ay tama ka! ... At walang nararapat na purihin o sisihin man, ... kundi IKAW.
Ano pa ang hinihintay mo? Magsimula nang lakbayin ang iyong piniling landas. Ngayon na!
Labels:
Batingaw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment