Thursday, September 26, 2013

Makibaka


Kapag nakakakilala tayo ng magagaling at natatanging mga tao, kailangang isipin natin na mapantayan sila; ang marating ang kanilang kalagayan, ang makamit din ang kanilang mga tagumpay. Subalit kapag may nakasalamuha tayong mga tao na salaula at nakapandidiri ang mga pag-uugali, binababoy ang mga sagradong tungkulin at walang pakialam kung bakit sila inihalal ng bayan, ay kailangang saliksikin ang ating mga kalooban at limiin kung bakit nadarama natin ang mga kaligaligan na ito.
   At lalong nakakahigit pa kapag ang mga iniluklok natin sa pamahalaan ay walang inaatupag kundi ang pagpapayaman at ang ubusin ang salapi ng bayan. Tahasang mga panlilinlang at pandaraya ito sa pagtitiwala at pag-asa ng sambayanan. Sa halip na makatulong at solusyon sa ating mga problema ay sila pa ang sumisira at karagdagang kapighatian ng ating bayan.
Wala ng kalamidad na makakahigit pa sa makamundong mga pagnanasa. Wala ng pinakamahapding kasalanan kaysa matinding kaligaligan. At wala ng makakapantay pa sa malubhang kapahamakan dulot ng talamak na kasuwapangan. 
   Hangga't tayo ay watak-watak, walang pakialam sa isa't-isa, at nananatiling makasarili, walang positibong pagbabago tayong magagawa kundi ang manggalaiti at maghinayang na lamang sa mga kaganapang naghahari sa ating kapaligiran. Kung nais ng pagbabago huwag hintayin ang iba na kumilos para dito, simulan na mula sa ating mga sarili. 
   Ikaw MISMO, at wala ng iba pa ang tanging may pananagutan sa daigdig na iyong pinapangarap. Walang bagay na magaganap at makakasira sa iyo kung wala kang pahintulot. Habang tinatanggap mo mga pangyayari, at patuloy na wala kang kibo ay kusa mong sinasang-ayunan ito. Nagiging kapanalig ka ng mga mapagsamantala sa patuloy mong hindi pagkilos upang mawakasan ang mga kalagimang umiiral.
   Tanging nasa pagkakaisa at pagbabago lamang mahahango sa kanyang kinasadlakan ang ating bayan. 

Kumilos na! Huwag nang maghintay at umasa sa iba.

No comments:

Post a Comment