Thursday, September 26, 2013

Gumising!


Ang maalam na tao, kapag nagpapahinga ay tinitiyak ang kanyang kaligtasan, hindi niya kinalilimutan na ang panganib ay darating at ang magagawang pinsala nito sa kanya at sa kanyang pamilya. Kapag maayos at may kapanatagan, hindi niya nalilimutan na darating ang kaguluhan. At sa puntong ito, palaging gising ang kanyang diwa at nakahanda sa anumang biglaang kapahamakan. Kung kaya't malayo siya sa panganib, at ang kanyang mga ari-arian, kabuhayan, at kanyang mga kaanak ay sadyang naiingatan.
   Subalit papano naman ang iba, lalo na ang ating mga pag-asa ng bayan na pinababayaan ng pamahalaan. Kung walang tumitingin sa kanila, makakatiyak kang kahit na sa patalim ay napipilitan silang kumapit. Higit pa nilang nanaisin ang mapalayo sa pamilya at mangibang bayan, ang magpa-alila sa mga banyaga upang maitaguyod lamang na buhayin ang kanilang mga pamilya.
   Kahit na anong gawain ay pikit-matang pinapasok, at ipinagbibili ang mga katawan sa murang halaga magkaroon lamang ng laman ang sikmura at kapirasong bubungan na kanlungan. Kahit tutong na kanin at tuyong isda ay pinapatulan, mabuhay lamang nang may paninindigan.
   Walang mga kinabukasang naghihintay sa sariling bayan at kung may trabaho, ay mistulang mga basahan kung pasuwelduhan ng mga mapang-aping mayayaman.  
   Pinapabayaan at nilulunod sa mga panooring walang katuturan, upang kahit papaano'y malimutan ang mga karapatan. Nang sa gayun ang katarungan ay mapiringan at walang kumibo at manahimik na lamang.
   Palaging kami-kami at tayu-tayo ang katwiran ng mga ganid at gahaman; na walang sawang hinuhuthot ang kaban ng bayan para mawalan ng pag-asa ang mga kabataan, kundi ang lumaboy sa mga lansangan at gawing alila nang walang hanggan.
   Kung walang kikilos, sino ang kikilos? Kung maghihintay, ano ang hinihintay? At bakit umaasa, gayong wala namang pag-asa, kung hahayaan na magpatuloy ang mga kalagiman at mga nakawan sa kaban ng bayan.
   Kundi ang makibaka at lumaban, at wakasan na ang mga paghaharian ng mga kababuyan sa ating lipunan!

   Walang mangyayaring anuman, kung nakatingin at dumadaing lamang. 

 

No comments:

Post a Comment