Thursday, September 26, 2013

Naligaw AKO


Huwag maniwala sa anuman dahil binanggit lamang ito sa iyo. Huwag paniwalaan ang binabanggit ng guro mo nang dahil lamang sa paggalang mo sa kanya. Huwag ding intindihin ang mga pagpuna at panunuyo ng mga relihiyon sa pagpupumilit na ipatupad ang kanilang mga patakaran, upang supilin ang pagkatao mo, at maging ng iyong kaluluwa. Subalit magkagayunman, matapos ang masusing pagsisiyasat at mataos na paglilimi, at napag-alaman mong ito ay makatao, na nakapagdudulot ng kabutihan, ng masaganang pakinabang, ng mahusay na pagkupkop sa lahat ng nilalang -- ang alituntuning ito ay siyang paniwalaan at yakaping mahigpit, at kunin bilang sariling panuntunan. Kailanman sa tanang buhay mo, hindi ka na muling maliligaw pa.
   Ikaw lamang sa lahat at wala ng iba pa, ang tanging may karapatan at kapangyarihan sa iyong sarili. Huwag pabayaang maging kopya ka ng iba. Huwag payagang maglaho sa mundong ito na kasamang malilibing ang iyong musika. Tumindig at harapin ang katotohanan! Ito ang magpapalaya sa iyo upang magkaroon ng pananalig at pagtitiwala sa sarili.
    Huwag sumilong sa nakaraan, huwang pangarapin ang hinaharap, ang pagtuunan ng isipan ay ang kasalukuyang sandali nang magampanang maayos ang katotohanan. Nasa sarili nating isipan, hindi sa kaaway o kalaban, ang humahalina sa isipan sa masamang pag-uugali.
   Sisirin ang kaibuturan, narito ang lahat ng iyong kaganapan. AKO ay talagang ako. AKO ito, tunay at wala ng iba pa. 

No comments:

Post a Comment