Thursday, September 26, 2013
Tama na!
Ang mga maalam ay malaya mula sa masalimoot, ang mga uliran ay malaya sa mga bagabag, at ang mga marahas ay malaya sa mga pagkatakot. Kung nakakapanakit na, kung nakakasugat na, kung umaabuso na at hayagan ng kababuyan ang ginagawa, institusyon na ito at wala nang pagbabago pang maaasahan.
Katungkulan ng bawa't mamamayan na siyang naghalal na alisin ang mga salaula at wasakin ang sanhi ng mga kasalaulaang ito sa mga inihalal ng bayan. Isa itong kanser ng kailangang putulin. Katulad ito ng isang pusali na patuloy na mangangalisaw ang mabahong amoy at ibayong makakasira pa ng iba. Sa isang lipunang nasabing malaya, ang ganitong uri ng pamamahala na binababoy ang paglilingkod sa bayan ay sobra-sobra na!
Naturingan daw na mga lingkod ng bayan, na may sagradong tungkulin na ginagampanan,
at may taguring mga kagalang-galang, subalit mga pagnanakaw ang kinahiligan sa kaban ng bayan.
Mga tusong magnanakaw sila na gahaman at walang pakundangan sa salapi ng bayan, mga makasarili at kinababaliwan ang pagpapayaman.
Hindi kulungan ang dapat nilang kabagsakan kundi ang bitayan, sapagkat mahaba nang panahon ding dinadaya nila ang sambayanan!
Mayroong mga artista at sadyang madrama, nagagawang umiyak tulad ng buwaya. May mga abugado na kuntudo de kampanilya, ang alibi na katibayan daw nila ay pilipitin ang katotohanan para sa kanila.
Humihirit din ang mga may asawang artista, na mayaman sila at hindi na kailangan ang manguwarta pa, ngunit pabaya at kasali sa lahat ng kababuyan sa kamara.
Mayroong ding mga negosyante at makabayan daw, subalit nahuhumaling sa pambubulsa ng pera at hindi ang bayan ang mga nasa isipan nila.
Gayundin ang Malakanyang; na pawang kamag-anak, kaeskuwela, kapartido, at kabarilan ang samahan, at bilyun-bilyon piso na kaban ng bayan ang pinagkakaguluhan, at ginagawang puhunan upang lalong yumaman nang magpatuloy ang kapangyarihan sa kasuwapangan.
Anupa't nakalublob na sa pusali ang lahat, at ang sambayanan ay patuloy naman sa matinding paghihirap, na kailangang tigilan na at tahasang wakasan, ang mga kababuyan sa ating pamahalaan.
Humihiyaw ang bayan na sila ay parusahan hindi sa kulungan kundi sa bitayan.
Labels:
Batingaw
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment