Pabatid Tanaw

Monday, August 29, 2016

Ang Pangit Mo Naman

Ang kapangitan lamang ang nakakakita sa mga pangit; at ang kagandahan lamang ang siya namang nakakakita sa maganda. Anumang mayroon ka sa dalawang ito, ay siya mong gagampanan.
   Hindi kataka-taka kung bakit may mga tao na ugali at ritwal na para sa kanila ang magsabog ng lason sa paligid. Sila ay mga sanay sa pagbigkas ng mga negatibong pananalita, mga pasaring na sumusugat ng damdamin, mga sulsol at dikta na sumisira ng pagsasama, mga paninirang puri, mga pagpuna at pamimintas, at marami pang iba upang mapunta ka sa miserableng buhay.
   Walang sinuman ang makakagawa ng mga ito sa iyo, kung hindi mo papayagan. Dalawa lamang ang namamagitan dito. Ang nangbibiktima at ang biktima. May nagsusulsol at may nagpapasulsol. May nilalason at may nagpapalason. May gumagawa ng katangahan, at may tanga na nasisiyahan. Anupat sa dalawang ito, may kasiyahang nadarama sila, at kung bakit ang tsismis para sa kanila ay mahalaga.

    Ang buhay mo ay tanging para sa iyo lamang. Magpakilala bilang ikaw! Ito ang malinaw at kinakailangang magawa mo at kailanman ay huwag talikdan at malimutan ito – na ikaw ay kaisa-isa at walang katulad sa ibabaw ng mundo – at kailangang maging ikaw sa lahat ng bagay, …at hindi isang kopya ng iba.

No comments:

Post a Comment