Pabatid Tanaw

Saturday, November 27, 2010

Gat Andres Bonifacio


Andres Bonifacio y de Castro (Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897)

   Tunay na Pilipino, makabayan, at rebolusyunaryo. Ipinanganak sa Tondo, Maynila, at panganay sa anim na magkakapatid. Dahil sa karukhaan ay huminto sa pag-aaral, naghanap-buhay at tumulong sa kanyang pamilya. Ganap na naulila noong 1882, nang magkasunod na mamatay ang mga magulang at tumayong ama't ina ng kanyang mga nakababatang kapatid. Bagama't hindi nakatapos ng pormal na edukasyon, nag-aral sa sarili at mga pagbabasa ng mga natatanging aklat, tulad ng 'French Revolution', 'Presidents of the United States', mga kolonyal na kodigo penal at sibil, mga nobela na gaya ng 'Les Miserables', ni Victor Hugo, ang 'Le Juif errant', ni Eugene Sue, at ang dalawang dakilang aklat ni Gat Jose Rizal, ang 'Noli Me Tangere' at 'El Felibusterismo'.
   Makabayang inilarawan ni Rizal sa dalawang aklat na ito ang pagiging mamamayan at katangian ng mga Pilipino. Tulad ng katapatan, utang na loob o pakikisama, kaugalian, at mga kinamulatan sa ilalim ng kolonyal na rehimeng Kastila. Malaki ang ginampanang pagpukaw nito sa damdaming makabayan at kagitingan ni Bonifacio.
   Itinatag at naging pinunong Supremo ng Katipunan, (KKK, Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga anak ng Bayan). Isang kapatiran na ang pangunahing adhikain ay mapalaya ang Pilipinas mula sa kolonyal na pamahalaang Kastila. Itinuturing si Bonifacio na Pambansang Bayani at unang Pangulo ng Pilipinas.
   Isa siyang mason o 'Freemason' at kasapi ng 'Gran Oriente Espanol' (Spanish Grand Lodge). Naging kasapi din siya sa 'La Liga Filipina' ni Gat Jose Rizal. Isang samahan na humihingi ng reporma sa pulitika ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Nang hulihin si Rizal at ipatapon sa Dapitan, doon sa Mindanaw, ipinagpatuloy nina Bonifacio, Apolinario Mabini, at marami pang iba ang 'La Liga Filipina'. Sa kalaunan, itinatag ni Bonifacio at ng kanyang kapwa mason ang Katipunan noong ika-7 ng Hulyo, 1862. Ang sistema sa pag-sapi, pag-subok sa kagitingan, pagsusulit, mga ritwal, at pag-buo ng orginasasyon ay hinango sa mason. Ang Katipunan ay isang lihim na kapatiran na nagnanais ng kalayaan mula sa Espanya sa pamamagitan ng sandatahang pag-aalsa at malawakang pakikibaka. Ginamit niya ang pandigmang pangalan ang palayaw na, 'May pag-asa'.
   Nagsimula si Bonifacio sa Katipunan bilang tagapangasiwa at tagasuri ng mga gastusin. Ikatlo siya mula kay Deodato Arellano at Roman Basa, sa mga naging pinuno ng Katipunan. Noong 1895, ginawa siyang Presidente Supremo ng Katipunan bilang pagkilala sa kanyang pamumuno, Ang Katipunan ay may sariling mga batas, ibat-ibang sangay ng pamamahala, at halalan para sa liderato. Sa bawat lalawigang saklaw nito, ang Mataas na Supremong Sanggunian ang nakikipag-ugnayan sa mga panlalawigang sanggunian na nagpapairal naman ng pambayang pamamahala at tungkol sa militarya, pati na mga lokal na sanggunian sa bawat distrito hanggang sa mga kanayunan.
   Ginawa niyang batayan ang Kartilya ni Emilio Jacinto na sa kalauna’y naging tagapayo at matalik niyang kaibigan. Ang opisyal na pahayagan ng Katipunan ay Kalayaan. Kasama niya sa panulat dito, sina Jacinto, at Pio Valenzuela. Sumulat si Bonifacio ng maraming artikulo, kasama ang dakila niyang tula na Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Ginamit niyang lihim na pangalan ang palayaw na, Agapito Bagumbayan. Sa paglunsad ng Kalayaan noong 1896, mabilis na kumalat ito sa buong Luson, Panay sa Bisaya, at hanggang Mindanaw. Mula sa 300 daang kasapi noong Enero, ay umabot ito ng 400,000 libong kasapi pagsapit ng Agosto, ng taong ding yaon.
   Tinangka ni Bonifacio, Emilio Jacinto, at Guilermo Masangkay na iligtas si Rizal noong ito ay patungo sa Cuba upang maglingkod sa sandatahang kolonyal ng Espanya doon. Ito’y bilang kapalit ng kanyang paglaya mula sa Dapitan. Subalit tumanggi si Rizal, hanggang sa ito ay hulihin, palabas na nilitis, at binaril sa Bagumbayan (Luneta) ng mga Kastila. Ginawang halimbawa ang pagpatay kay Rizal upang takutin ang mga Pilipino at masupil ang paglaganap ng himagsikan. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, lalong lamang naglagablab ang mga pakikibaka sa Maynila at karatig na mga lalawigan.
   At noong  ika-23 ng Agosto, 1896, sa pag-iwas sa malawakang paghahanap sa kanya, ipinatawag ni Bonifacio ang libu-libong mga katipunero sa mahalagang pagtitipon sa Kalookan upang simulan na ang pambansang pag-aalsa. Bilang protesta sa kolonyal na pamahalaang Kastila, ay pinunit nila ang kanilang mga sedula na kasabay ang pag-sigaw ng, “Mabuhay ang kalayaan ng Pilipinas!” Ito ang itinuring na ‘Sigaw sa Balintawak’ o ang kapanganakan ng pagkakaisa tungo sa isang malaya na bansang Pilipinas. Kinabukasan din, ang pambansang rebolusyunaryong pamahalaan ng Katipunan ay hinirang si Bonifacio na Presidente at pangkahalatang pinuno ng mga naghihimagsik, at ang Supremong Sanggunian bilang kanyang gabinete sa Banlat, Pasong Tamo.
   Makalipas ang apat na araw, noong ika-28 ng Agosto, nag-isyu siya ng pangkalahatang proklamasyon:
       “Ang manifesto na ito’y para sa inyong lahat. Kailangan nating ganap na wakasan hanggat maaga ang di-makatarungang pakikipaglaban na ipinalalasap sa mga anak ng ating Inang-bayan na ngayon ay namimighati sa matinding mga kaparusahan at makahayop na pagpapahirap sa mga bilangguan, at sa kadahilanang ito mangyari lamang na ipaalam natin sa ating mga kapatid na, sa Sabado, ika-29 ng buwang ito, ang himagsikan ay magsisimula ng naaayon sa ating kasunduan. Kaya’t sa hangaring ito, kinakailangan ang lahat ng kabayanan ay magsama-samang bumangon at lusubin ang Maynila ng sabay-sabay. Sinuman ang sumalungat sa sagradong adhikaing ito ng ating sambayanan ay paparatangang isang taksil at kalaban, maliban kung siya’y maysakit, o kaya’y walang sapat na kakayahan, at sa kasong ito, siya ay lilitisin ng naaayon sa mga regulasyong ating ipinaiiral.”
Bundok ng Kalayaan, ika-28 ng Agosto, 1896,  ANDRES BONIFACIO
  
 

Wednesday, November 24, 2010

Ang Balisang Aso

 

    May isang lalaki na dumalaw sa matandang magsasaka na tanyag bilang mangangaso. Nang siya ay makarating  sa bukid, sa may balkon ng bahay, napuna niya na ang isa sa mga aso ay nakaupo, pakislot-kislot, may dinaramdam, at umaalulong. Matapos masaksihan ito nang ilang sandali,  ang lalaki ay nagtanong sa magsasaka kung anong dahilan at di-mapakali ang kaawa-awang aso.
   “Huwag mong pansinin ang matandang aso na iyan,” ang tugon ng magsasaka. “Maraming taon ng palaging ganyan iyan.
   “Sinubukan ba ninyong dalhin siya sa beterinaryo, upang malaman kung anong karamdaman mayroon siya?” usisa ng lalaki.
   “Para saan pa? Alam ko, kung ano ang mali sa asong iyan. Talaga lang siya'y saksakan ng tamad!”
   “Subalit ano ang kinalaman nito sa kanyang pag-ingit at pag-alulong?” usisa ng nagtatakang lalaki.
   “Makikita mo,” paalaala ng magsasaka, at sinutsutan ang aso mula sa pagkakaupo. Nang tumindig ito ay napansin ng lalaki ang naka-usling pako sa sahig na inupuan nito. At paliwanag ng matanda, “Ang pakong iyan ang tumutusok at nagpapasakit sa kanyang paa, kaya sa tuwing umuupo siya sa panig na iyan, umingit at umalulong  ang nakagawian niya.”
   Napamulagat ang bisita at napabulalas, “Kung gayon, bakit hindi na lamang lumipat ito sa ibang bahagi ng sahig?
   “Ahhh,” nagparunggit ang magsasaka, “Sa aking palagay hindi siya labis na mayayamot at mababalisa kung karaniwang sahig lamang.”
   “Eh, di bunutin ninyo ang naka-usling pako!” pautos na bigkas ng lalaki.
   “Hindi na kailangan, nasanay na ako at nakagiliwan ko na ang daing niya. Isa pa, para malaman ng dumaraang mga tao sa bukid ko, na may nagbabantay na aso sa aking bahay.” nakangising pasaring ng matanda.

 Makabuluhang Aral: Nakaugalian na ng karamihan, kung saan nasadlak; kabiguan, karukhaan, at maging masamang relasyon ay ayaw ng bumangon at iwanan ang kalunos-lunos na kalagayan. Pinagtitiisan, lalo na’t nakakaraos din lamang. Ginawang libangan ang magreklamo, pakikialam at pugpuna sa iba. Bakit pa makikipagsapalaran? Sa katwirang ito, lalo lamang silang nalulublob, nasasanay sa walang-katiyakang buhay, tanggap ang kapalaran, at tuluyan ng nawalan ng pag-asa. "Bahala na", ang kanilang laging sambit at pampalakas ng loob, kapag nakasuong sa di-matiyak na panganib.
Pananaw: Ang karalitaan at patama-tamang pamumuhay ay pasakit at bumabalisa sa atin, subalit pansamantala lamang ito. Hindi ito balakid upang makagawa ng mabilisang pagbabago. Bagkus, nagsisilbi itong pagsubok upang lalong tumibay ang hangarin na mabago ang sariling pamumuhay.
   Mayroon ka bang pako o tinik  na nakatimo sa iyong dibdib na pumipigil na makamit ang buhay na pinakamimithi mo? Huwag libangin ang sarili, bunutin ito kaagad. Kumilos at magbago!
Panambitan:  Marami na sa ating mga kababayan ang nakagawa nito. Nang wala na silang makitang mga pagkakataon sa sariling bayan, hindi sila nawalan ng pag-asa, mabilis na nagpasiya, iniwan ang pamilya, nakipagsapalaran, nagsakripisyo, at pinaunlad ang kanilang kalagayan. Saludo ako at ikinararangal ko ang kabayanihan nila, sapagkat sila’y mga tunay na Pilipino.

Salawikain: Bilang 76-100



Nakagawian na sa bawat talakayan at maging karaniwang usapan; ang mga salawikaing may patutsaba, pasaring, patudyo, at parunggit. Hindi mawawala ang nakasanayang paglalarawan, paghahambing o panunukso man. Kapag ang layunin mo’y palabasin ang kinikimkim na damdamin ng kausap, magbitaw lamang ng salawikain na angkop sa usapang nagaganap. At ang inaasahang katugunan ay iyong masusumpungan.
   Sadyang napakahalaga at nakakawili ang magsingit ng salawikain sa ating mga pananalita. Mahusay na palaman ito, na tumatalab at tuma- tagos sa ating kamalayan. Laging bahagi ito sa pangungusap ng mga
                                                                                      tunay na Pilipino.

Bilang 76-100  
"Kung sa sinigang ay mahalaga ang pang-asim, sa pangungusap naman ay salawikain."

76- Kapag hinog sa pilit, kainin mo at ito’y mapait.

77- Sakit ng kalingkingan, dinaramdam ng buong katawan.

78- Kung nais makarating sa paroroonan, simulan mo ang paghakbang.

79- Kapag dumura ka sa langit, sa mukha mo ito'y magbabalik.

80- Huwag bumato, kapag yari sa salamin ang bahay mo.

81- Iba ang tinitignan sa tinititigan.

82- Sa taong walang takot, walang mataas na bakod.

83- Walang saysay ang karunungan, kapag ito’y palamuti lamang.

84- Ang gawaing pili ng pili, madalas nauuwi sa bungi.

85- Walang mapait na tutong, sa taong nagugutom.

86- Anumang kasulatan, dapat mong lagdaan.

87- Bawat palayok ay may kasukat na tungtong.

88- Tikatik man at panay ang pag-ulan, malalim mang ilog ay aapaw.

89- Ang iyong tagumpay ay nasa dulo ng iyong mga kamay.

90- Ang nakasanayang taltalan, ay walang kakahinatnan.

91- Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha.

92- Bagay na hindi mo alam, hindi mo mapanghahawakan.

93- Madaling sabihin, subalit mahirap gawin.

94- Ang bayani kapag nasugatan, nag-iibayo ang tapang.

95- Habang nabubuhay, may pag-asang naghihintay. 
 
96- Walang utang na hindi pinagbayaran.

97- Kapag nanggaling sa bula, sa bula rin mawawala.

98- Walang humawak ng lutuan, nang hindi naulingan.

99- Sugat na nagnaknak, gumaling man ay may peklat.

100- Kung nais mong igalang ka ng iba, ang iyong sarili ay igalang mo muna.


Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, November 21, 2010

Ang Mabisang Gabay

 

    Minsan isang hari ang nagpatawag sa kanyang mga pantas at nagtanong sa kanila, “May maimu-mungkahi ba kayo na mabisang salita o mantra na magagamit sa lahat ng pagkakataon, kalagayan, kahit anumang sandali, at saanman dako ako naroroon? Isang mahalagang bagay na makakatulong sa akin kapag kayo ay wala at hindi mahagilap? Sabihin agad, mayroon bang mantra o gabay na tulad ng nais ko?
   Ang mga pantas ay naguluhimanan at pinaglimi ang katanungan ng hari. Pambihirang salita na sasagot para sa lahat ng katanungan? Isang pangungusap na makapagbibigay ng tamang kapaliwanagan? Magagamit sa bawat kaligayahan o kapighatian, karangalan o kapintasan, tagumpay man at kabiguan? Mayroon nga ba nito?
   Pinakaisip nila itong maigi. Nagsaliksik, nagpalitan ng kuro-kuro, at ginugol ang maraming oras sa diskusyon. Hanggang isang matandang lalaki ang nagmungkahi ng solusyon, na makakasagot sa lahat ng sitwasyon anumang sandaling kailanganin mo ito. Lahat sila ay nagtungo sa hari at ibinigay nila ang isang kapirasong papel na kinasusulatan ng mabisang pangungusap na ito. Dangan nga lamang, may isang kundisyon, hindi dapat mabasa ito ng hari, gaano man ang kanyang paghahangad. Magagawa lamang niya ito, kapag siya ay nasa matinding panganib, nag-iisa, nag-aalaala, at wala ng magagawang paraan o solusyon. Nagtataka man ay napahinuhod din ang hari, dagliang tiniklop ang papel at isinuksok sa lihim na taguan ng kanyang singsing na diamante.
   Ilang araw ang nakalipas, ang kanilang kalaban sa kabilang kaharian ay biglaang umatake. Marahas ang ginawang paglusob nito sa kanilang kaharian. Buong giting na nakipaglaban ang hari at ng kanyang hukbo, subalit natalo sila sa labanan. Sakay ng kabayo mabilis na tumakas ang hari habang ang kanyang mga kalaban ay matinding humahabol. Hanggang makarating siya sa pinakapusod ng kagubatan. Humihingal na sa kapaguran, naririnig pa rin niya ang mga yabag ng maraming sundalong sakay ng mga kabayo. Patuloy pa ang paghabol sa kanya, at palapit ng palapit ang mga ito sa kanyang kinaroroonan.
   Nang makarating ang hari sa dulo ng makitid na daan, nabigla't nanggipuspos ito sa tumambad sa kanya. Nagwawakas ang daan sa isang napakalalim at mabatong bangin. Sa magkabilang paligid naman ay madawag at kakahuyan. Walang masulingan ang hari, kung babalik siya ay masasalubong niya ang humahabol na mga kalabang palapit na sa kanya. Hindi mapakali ang hari, wala na siyang mapagbalingang lulusutan o paraan upang makatakas. Nanlulumo itong bumaba sa kanyang kabayo, lumuhod, at taimtim na dumalangin.
  Nang pagdaupin niya ang kanyang dalawang palad, napansin niya ang kislap ng singsing sa daliri nang ito’y masinagan ng araw. Kagyat na napaluha ito, dali-daling inilabas ang kapirasong papel at binasa ang nakasulat dito. Ang mensahe ay maikli lamang ngunit napaka-dakila.

   Ang nilalaman ng mensahe ay ito: Maging ito man, ay lilipas.

   Inulit na binasa ng hari ang nakasulat. Binasa pang muli. Pinagliming mabuti. Tumimo ito sa kanyang puso. At biglang sumagi sa kanyang malay: “Oo nga! Maging ito man, ay lilipas! Sa nakalipas na mga araw, nagtatamasa ako sa aking kaharian. Isa akong kagulat-gulat at tanyag na hari sa lahat. Subalit ngayon, ang aking kaharian, kasama ang lahat ng yaman at aliwan nito ay wala na. Ang mga ito'y lumipas na. Narito ako ngayon, mistulang yagit, at tumatakas mula sa aking mga kaaway. Katulad lamang ito ng mga nakaraang karangyaan, lumipas na. Kaya sa araw na ito, ang panganib na aking kinahaharap anuman ang mangyari ay lilipas din.” Nahimasmasan ang hari at bumalatay sa kanyang mukha ang kapanatagan. Masuyong niyang hinagod ng tingin ang luntiang kapaligiran. Napansin niyang nakakahalina ang likas nitong kagandahan. Hindi man lamang niya nalaman na ang napakagandang pook na ito ay bahagi ng kanyang kaharian. Ganap niyang naunawaan ang tunay na kahulugan ng mensahe.
   Humilig ang hari sa isang puno upang magpahinga, nalimutan na ang mga humahabol sa kanya. Maya-maya, nadinig niyang ang mga yabag ng mga kabayo ng kalaban ay papalayo na. Tinahak ang ibang bahagi ng kabundukan at nabigong masundan ang dinaanan niya. Nakaligtas ang hari.
   Ang hari, gaya ng inaasahan, ay isang mahusay at matapang na pinuno. Madaliang niyang tinipon ang kanyang hukbo at gumanti sa mga kalaban. Nagwagi at nakuhang muli ang kanyang kaharian. Sa kanyang pagbabalik, malaking pagdiriwang ang inihandog sa kanya ng mga nasasakupan at kapanalig. Ang buong kaharian ay nagbunyi sa kanilang tinamong tagumpay. Magagandang bulaklak ang ipinupukol sa hari mula sa bawat bahay at sa mga pook na dinaanan niya. Tuwang-tuwa ang mga tao, kumakanta at nagsasayaw. Lubos na pinupuri ang galak na galak ding hari. Nalibang ito sa mga pagdakila sa kanya, at nausal sa sarili, “Ako ang pinakamatapang at pinakadakilang hari sa lahat. Sinuman ay hindi ako madaling magagapi. Pinakamagaling ako kahit kanino.” Sa huling binigkas, ay bigla siyang nagulantang. “Teka muna, kahambugan itong nangyayari sa akin. Hindi ako dapat na magkaganito. Masamang asal ito.”
   Muli ang kislap sa kanyang diamanteng singsing ay pumukaw sa kanya. Naala-ala niya ang nakatagong mensahe sa talukap nito. Mabilis niya itong binuksan at inilabas. Muling binasa ang pahayag:  Maging ito man, ay lilipas.
   Tumahimik at nalirip niya ang dagliang kayabangan. Napagtanto niyang ang nangyayari sa kasalukuyan ay matatapos din. At bukas, iba na namang pagsubok ang daratal sa kanya. Sumilay ang makabuluhang ngiti sa kanyang mga labi. Sa pagkakataong ito, malaki ang naging pagbabagong naganap sa kanyang pagkatao. Mula sa kahambugan at mapagmataas na ugali ay tuluyan na siyang naging maunawain at mapagkumbaba.
   “Kung ito man ay nakatakdang lumipas, ito’y hindi akin. Ang tagumpay ay hindi para sa akin. Maging pagkatalo o pagkabigo ay hindi akin. Mistula lamang akong tagamasid ng mga nagaganap sa akin. Lahat ng ito’y matatapos sa wala. Pati ang aking buhay na hiram ay magwawakas din. Ito ang katotohanan. Lahat ay lilipas," mariing inusal na tatango-tango ng hari.

Makabuluhang punto:  Lahat ay pansamantala lamang at hindi magpakailanman. Tulad ng aklat, dumaraan tayo sa maraming kabanata ng ating buhay. Ito ay may simula at may katapusan.
Pananaw: Isa lamang paggising ito upang lubusang buksan ang ating mga mata. Sino sa atin ang hindi nakaranas o nakasaksi na tulad nito sa kanyang buhay? Nabubuhay nga tayo, subalit pinagmamasdan lamang natin ito hanggang sa huling sandali. Ang ating kamulatan sa buhay, kaligayahan, kapighatian, tagumpay, kabiguan, at lahat ng nakapagitan dito, ay dumarating at umaalis din sa atin. Lahat tayo ay nakatakdang dumaan sa prosesong ito.
Panambitan: Kung nais nating may pagbabago sa ating buhay, huwag lamang maging tagapagmasid sa mga kaganapan, makilahok at sumama tayo sa parada.Tayo ang pinanonood at pinapalakpakan ng mga nasa bangketa. Magpakita tayo ng mahalagang halimbawa sa ating buhay. Gawin nating huwaran ang ating mga sarili. Sapagkat ito ang daang matuwid sa pagiging tunay na Pilipino.

Salawikain: Bilang 51-75



   Malimit, sa aking pakikipag-usap at maging sa panulat, kapag may inaapuhap akong paglalarawan o paghahalimbawa, mabilis kong inuunang banggitin ang salawikain na angkop sa aking ipapaliwanag. Sa paraan kong ito, madaling maunawaan ang aking tinutukoy.
   Malaking ambag sa ating panitikan ang mga salawikain. Sa pakikipag- kapwa at pakikibaka sa buhay, ang kaalaman nito ay isang mabisang sandata sa larangan ng komunikasyon. Nais mong makatiyak at madaling maintindihan sa iyong mga pangungusap? Gawin mong palaman o palabok ang mga salawikain bilang pagpapakilala na ikaw ay isang                                                                                          
tunay na Pilipino.

Bilang 51-75

"Saan ka man nanggaling o patungo, ang salawikain ay palaging isapuso."

51- Ibon mang ikinulong ng mahigpit, kapag nakawala’y di na magbabalik.

52- Kapag ang anyaya ay totoo, yayain kang todo-todo.

53- Anuman ang iyong gagawin, makapitong ulit mo itong pakaisipin.

54- Langaw man na dumapo sa kalabaw, yabang nito ay mangingibabaw.

55- Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan nito.

56- Kapag ang ilog ay tahimik, asahan mong ito’y malalim.

57- Ang halik na walang yakap ay tulad ng bulaklak na walang bango.

58- Kapag ikaw ay madamot, magbigay ka man ito’y kakarampot.

59- Batubato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.

60- Ako ang nagbayo at ako ang nagsaing, subalit nang maluto’y iba ang kumain.

61- Kapag huminto ang ulan, ang nakakubling araw ay sisilay.

62- Walang mataimtimang birhen, sa matapat manalangin.

63- Kung sino ang masalita, siya ang kulang sa gawa.

64- Sa taong may hiya, ang salita nito’y panunumpa.

65- Mabisang sermon ang pagiging huwaran mo.

66- Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.

67- Kapag wala kang binabanggit, hindi ka makakasakit.

68- Kapag nais may paraan, kung ayaw may dahilan.

69- Maralita ka mang naturingan, busilak naman ang iyong kalooban.

70- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi lahat nakakaalam.

71- Tuso man daw ang matsing, ito’y napaglalangan din.

72- Madali ang mamuhi, ang mahirap ay ang magmahal.

73- Kung sino ang unang pumutak, siya ang nanganak.

75- Nakikita ang butas ng karayom, subalit hindi makita ang butas ng palakol.


Isang Kahon ng mga Pako

    

   Minsan, may isang batang lalaki na mainisin, magagalitin, at laging bugnutin. Madalas kapag nagagalit, masakit itong magsalita. Dahil sa pangit na pag-uugaling ito, nagpasiya ang ama na bigyan siya ng aral. Bilang kaparusahan, binigyan niya ang anak ng isang kahon na mga pako. At sinabing sa bawat pagkakataon na mabubugnot ang anak, kailangan nitong magpako ng isa sa kanilang bakod na kahoy.
   Sa unang araw ng parusang ito, ang batang lalaki ay nakapagbaon ng 37 pako sa bakod. Sa nagdaang maghapon, talagang matindi ang kaniyang pagkainis at galit na galit. Subalit napansin niyang pinipilit niya ang sarili upang magampanan lamang ito. "Hindi ako dapat mainis, nakapapagod din ang magpako." ang wika nito sa sarili.
   Sa loob lamang ng ilang linggo, unti-unting napigilan ng bata ang kanyang pagkabugnutin. Ang padalos-dalos niyang mga gawi ay naging mahinahon na, at ang mga pagpako sa bakod ay nabawasan at naging madalang.
   Hanggang matuklasan ng bata na mas madali ang supilin ang kanyang pagkainis, kaysa kunin ang martilyo at kahon ng mga pako, bumaba ng bahay, pumunta sa may bakod, at magpako.
   Sa kalaunan, dumating ang sandali na hindi na magawa ng bata ang mabugnot kahit sa maliliit na bagay. Galak na galak ito sa sarili at nagyayabang na ipinaalam sa kanyang ama.
   Nalugod ang ama, at nagmungkahi na simulan na ng bata ang pagbunot ng isang pako sa bawat araw na masusupil nito ang sarili sa pagkabugnot. Matuling nagdaan ang mga linggo, at dumating ang araw na ang batang lalaki ay masayang nag-ulat sa ama na ang lahat ng nakabaong pako ay nabunot na niya. Masuyong hinawakan ng ama sa kamay ang bata at inakay patungo sa bakod.
   "Napakagaling ang iyong ginawa, aking anak," ang sinambit ng ama. "Subalit, masdan mo ang naging mga butas sa bakod. Ito ay hindi na tulad pa ng dati." Ang bata ay nanatiling tahimik na nakikinig habang nagsasalita ang kanyang ama.
   "Kapag ikaw ay nagagalit, ikaw ay makapagbibitaw ng masasakit na salita sa iyong kapwa, ito ay mag-iiwan ng permanenteng sugat o mga markang tulad nito." Idinugtong pa ng ama, "Gaano man karami ang paghingi mo ng tawad, ang mga sugat ay naroroon pa rin. Lunasan mo man ito, may maiiwan pa ring bakas At ito'y mananatili sa mahabang panahon."

Makabuluhang Aral: Sugat na nagnaknak, gamutin mo man ay may maiiwang peklat. Madali ang magpatawad, ang lumimot ay mahirap.
Pananaw: Ang pagbitaw ng maanghang at masakit na salita sa kapwa ay lumilikha lamang ng kaaway. Matatanggap anumang pananalita mo sa isang tao, ang hindi malilimutan ay kapag nasugatan mo ang kanyang damdamin. Ang salita ay maaaring makabuhay o makamatay. Palagi itong pakatandaan.
Panambitan: Walang buting mapapala sa pagiging aburido, palaging bugnutin, at palapintasin,
                         hindi ito ugali ng mga tunay na Pilipino.

Saturday, November 20, 2010

Sariling Kahatulan


Sarili ang Nakapusta

  May isang negosyante ang laging nagagalit at nagrereklamo sa kaharap niyang kalabang tindahan. Minsan, ay muli itong napabunghalit, “Talaga namang napakarumi ng salamin sa kaharap kong tindahan!” ang panggagalaiti niyang pasaring. Sa patuloy na pamumuna at pagtulisga nito sa kakumpetensiyang tindahan. Ang mga kasamahang negosyante na malimit niyang sumbungan, ay yamot na at talagang inis na inis,
   Isang araw, may naparaan sa kanyang tindahan na kaibigan. Habang sila’y nagkakape ay naulit muli ang nakasanayang hinaing ng negosyante tungkol sa marunimg salamin sa kaharap na tindahan. Napailing na lamang ang kaibigan. Subalit bago ito lumawig at tuluyang mainis, nagpasiya na itong umalis. Papalabas, huminto ito sa may pinto ng tindahan at naghabilin, “Pare, mabuti pa, kaysa ang tindahan sa kabila ay iyong punahin, ang salamin sa harap nitong tindahan mo ay iyo munang linisin.”
   “Bakit nga ba hindi,” usal ng negosyante sa sarili nito. Kinabukasan, matapos ang paglilinis sa salamin ng kanyang tindahan, ay biglang siyang nagulat sa kanyang nakita. Nangingislap din sa linis ang salamin sa kaharap na tindahan.
   “Hindi ako makapaniwala, matapos kong malinis ang salamin ng aking tindahan, napilitan ang aking kalabang tindahan, at naglinis din!” pagmamalaking bigkas nito sa sarili, at pahirit na dagdag pa ng negosyante, “Manggagaya sila!” 

                                                                   ================

Makabuluhang Aral: Alamin muna ang ating mga kamalian, bago idaing ang mga kamalian ng iba. Maaaring ang nakatabing lamang sa iyong mukha at maling akala ang dahilan na kailangang alisin.
Pananaw: Ipinagkakanulo mo lamang kung anong uri ng pagkatao mayroon ka, o pinipilit mong pagtakpan ang iyong pagkakamali at mga kakulangan, sa pamamagitan ng pamimintas sa iba. Hindi mo magagawang pumuna kung walang ligalig, kamalian, o kapintasan man lang sa iyong kalooban. Mga bagay na wala kang naranasan at nalalaman, hindi mo ikakagalit kailanman. Kung anong laman ng iyong kaisipan, ito ang iyong pagkatao, at mga salitang bibitiwan.
Panambitan: Iwasan ang pamumuna at pamimintas, walang mapapala dito. Bagkus, pagmumulan lamang ng mahapding pagdaramdam. At sa kalaunan, ang pagkakaroon lamang ng kaaway. Hindi ito gawain ng
tunay na Pilipino


Lungsod ng Balanga, Bataan

Ano ang kahulugan ng sanaysay?

  

  Ang sanaysay ay isang mahalagang uri ng ating panitikang Pilipino na naglalahad ng maikling kuwento o salaysay. Subalit isa itong magandang paglalarawan, paghahambing, at mga kapaliwanagan na kapupulutan ng makabuluhang-aral. Matutunghayan dito ang makatwirang kaisipan at damdamin ng may-akda na naaayon sa kanyang kinamulatan, mga naging karanasan, kaalaman, at pananaw na may panambitan.
   Naiiba ito sa makata o manunula, ang may-akda ng sanaysay ay hindi kailangan ang porma o tipo, sukat, tugma o talinghaga man. Nakahihigit ito sa pangkaraniwang salaysay. Malayang sumulat ang may-akda at lumikha ng kahit anong paksa ng kanyang mga saloobin at pananaw sa buhay ng walang alinlangan.
   Mabisa at karagdagang palaman ito bilang pagpaalaala sa mga talumpati, panulat, at mabuting pagtuturo.
   At doon sa babasa ng salaysay, sana, kailangan habang binabasa mo ito, ay umaasa kang kapupulutan ito ng magandang halimbawa, upang ikaw ay maging sanay at matalino sa takbo ng buhay. Sapagkat ito'y may makabuluhang saysay na makapagdadagdag sa iyong kaalaman, kaya marapat na pag-uukulan mo ito ng iyong mahalagang sandali.

                                 Sana  +  Sanay  +  Saysay  =  Sanaysay*

  Kung nais mo’y inspirasyon, ugaliin lamang na subaybayan ang mga sanaysay dito sa, AKO, tunay na Pilipino. Malaking hakbang ito upang ganap na maintindihan at maunawaan ang ating panitikang Pilipino.
*Mula sa pitak ng Banyuhay: Bagong anyo ng buhay sa lupon ng Banyuhay



 Lungsod ng Balanga, Bataan

Salawikain: Bilang 26-50



  Lubos kong ipinagmamalaki ang kagandahan at lawak ng ating sariling wikang Pilipino. Sa pamamagitan nito’y nagiging makulay at malinaw ang mga talakayan, lalo na sa mga makabuluhang paksa. Binibigyang diin din nito ang punto at layunin ng iyong mga kuro-kuro at paliwanag.
   Isa itong mahalagang sangkap at sandata sa pananalita, panulat, talumpati, at pagtuturo ng ating mga kababayan sa pagiging isang
                tunay na Pilipino.
  
  
Bilang 26-50
   "Tunay na Pilipino ka ngang tambing, kapag ang iyong salita'y may salawikain."

26- Saan ka man pumunta, sarili mong mundo’y laging dala-dala.

27- Huwag itulad ang sukat ng iyong salapi sa sukat ng iyong talento.

28- Kung ano ang puno, siya ang bunga.

29- Ang mahaba ay putulan, ang kapos ay dugtungan.

30- Kapag malakas ang agos, sumasalunga ito sa bundok.

31- Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.

32- Kapag umapaw na ang takalan, kailangan ito’y kalusan.

33- Kung hindi nakaukol, ito’y hindi bubukol.

34- Ang magalang na pagsagot ay nakakapawi ng pagod.

35- Habang maikli ang kumot, magtiis mamuluktot.

36- Ang buhay ay tulad ng isang gulong, minsa’y nasa ibabaw, minsa’y nasa ilalim.

37- Ang gawaing nakasanayan sa pagkabata, dinadala hanggang pagtanda.

38- Asong makangkang, kapag kumagat ay madalang.

39- Hindi lahat ng may kagalingan ay may kahulilip na katotohanan.

40- Ang naniniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.

41- Pulutin ang mabuti, ang masama ay iwaksi.

42- Bago punahin ang uling ng iba, ang uling mo’y pahirin muna.

43- Kapag ang ilog ay maingay, asahan mong ito’y mababaw.

44- Ang pag-aasawa ay hindi biro, hindi tulad ng kanin na mailuluwa kapag napaso.

45- Huwag bilangin ang mga sisiw, hangga’t hindi pa napipisa ang mga itlog.

46- Magsisi ka man at huli, wala na ring mangyayari.

47- Ang tunay na kaibigan, makikilala sa panahon ng kagipitan.

48- Kung anong taas ng lipad, gayundin ang lagapak sa pagbagsak.

49- Daig ng maagap ang taong masipag.

50- Magtanong sapagkat kailangan, upang pagkakamali’y maiwasan.

Sino ba ang tunay na Pilipino?

Sino nga ba ang tunay na Pilipino? 
Napapanahong paksa, ito ang tanong, 
Matangkad ba siya, matangos ang ilong?
Sa kanyang balat, siya ba’y makikilala,  

Sa anyo o hugis ng mukha niya?
O, sa paglakad at mga galaw niya?

Sa tunog at punto ba ng pananalita?
Madaldal ba o sadyang umid ang dila?
Siya ba'y mahiyain o magaslaw sa kapwa? 
O, nagyayabang ba na marami siyang titulo,
Pati na lupa, saka bahay, at mga negosyo?

Sa taas ba at uri ng kanyang trabaho?
O, sa limpak-limpak na kuwarta niya sa bangko? 
Malakas daw ang kapit niya sa ating gobyerno.
Kaalyado ang hepe ng pulis at mga pulitiko,
Tongpats din niya ang mga huwes at kaututang todo.

Tinanong ko ang trabahador sa pabrika,
Sumagot ito na may luha sa mga mata.
Pabulong na dumaing, agrabiyado sila.
Sobra sa oras, kulang sa kita, at bigkas nito,
"Ang tunay na Pilipino;" ay hindi manloloko!"

Tinanong ko ang tindera sa palengke,
Biglang rumatsada at ito ang sinabi,
"Ang tunay na Pilipino;" alam na alam ko,
Tinatangkilik, bumibili ng sariling atin,
Para makatulong, at umunlad ang bansa natin!” 


Tinanong ko ang maestra sa eskuwelahan,              Englog ang sagot at halatang nayayamot. 
"Ang tunay na Pilipino;" "according" sa kanya,
May "nationalism" sa puso't kaluluwa.
Mapaglingkod, "charitable" at maka-kalikasan pa!"

Tinanong ko ang matapat na negosyante,
Sa isang negosyo, sang-ayon sa kanya,
"Ang tunay na Pilipino;" ay hindi mandaraya,
Una ang pagtulong, pangalawa ang serbisyo,
Anuman ang kalabasan nito, naroon ang kita mo." 


Tinanong ko naman isang pulitiko sa Kongreso,
Walang paligoy-ligoy na arangkada nito,
"Ang tunay na Pilipino;" ay maka-Diyos, at totoo, paglilingkod sa bayan ang pawang inaasikaso,
Hindi korap at magnanakaw, ang pangako nito.



Tinanong ko naman isang butihing madre,
At eto ang kanyang magalang na pasintabi,
Ang tunay na Pilipino," sa paniwala ko,
Maka-Diyos sa lahat at saka makatao, 

Hindi humahamak, ni tumatapak kahit kanino."

Tinanong ko din ang huwarang pulis,
Tiyak ang sagot at talagang mabilis,
"Ang tunay na Pilipino," sa ganang akin, 

Sumusunod sa batas, walang tong o hulidap,
Hindi rin balasubas, at mahal ang Pilipinas."

Tinanong ko ang mapagmahal na ina,                     

Buong kagiliwan na sinambit sa akin,
Ang tunay na Pilipino," mula sa akin,
Makapamilya, dumaramay, at maalalahanin,
Nagsasakrisyo para sa Inang-bayan natin."


Tinanong ko naman ang isang baget,
Kunot-noo itong sa akin ay napatitig.
"Ang tunay na Pilipino," get na get niya,
"Hindi magnanakaw at puro delihensiya.
Naglilingkod sa bayan, at makatarungan talaga."

Para sa iyo, ikaw, siya, kayo, lahat tayo . . .
Sino ang tunay na Pilipino

Hayagang nililinaw ko dito, pakalimiin ninyo,
Lumingon at buksan ang inyong mga puso,
Pagmamahal nito'y pawalan na ninyo.


Sapagkat mula sa kaibuturan nito,
Nagsusumigaw na tayo ay mga tunay na Pilipino!

Sa isip, sa salita, at sa gawa ay ipakilala natin.
Sa mabuting paraan at wagas na totoo,
na ikaw, siya, sila, kasama pati AKO
tayong lahat, .  . . ay mga tunay na Pilipino


AKO, Alay sa Karapatdapat na Opisyal

            AKO
Alay sa Karapatdapat na Opisyal

1-Pagpili at paghalal sa mga natatanging pinuno 
    na maka-Diyos, makapamilya, makabayan,
    makakalikasan, at makatarungan.

2- Pangingibabaw ng tunay na Demokrasya at
    bukas na Lipunang Pilipino.

3- Pagtatatag ng mga Kilusang Kapatiran para sa
    Karunungan, Kalusugan, Kabuhayan, tungo sa
    Kaunlaran ng Sambayanang Pilipino.

4- Pagtataguyod ng Katarungang Panlahat at pag-papanatili ng kaayusan at kapayapaan sa buong kapuluan ng Pilipinas.

Salawikain: Bilang 1-25


 Buong pagmamalaking tinipon ang mga salawikaing narito upang maka- pag-bigay kaalaman at kasiyahan sa ating mga mahal na kababayan.
   Hindi nawawala sa ating mga pangungusap ang mga salawikain. Malaki ang ginagampanang bahagi nito sa ating mga usapan, talakayan, talumpati, at panulat. Laluna't kung ang layunin ay pagandahin o pintasan, laruin o pagtawanan ang anumang bagay, sinumang tao, alinmang kalagayan, at maging mga napapanahong kaganapan sa ating mga kapaligiran. Nagsisilbi itong palabok na nagbibigay liwanag at dilim, indayog at kulay, tamis at pait sa ating mga pananalita.
   Nagagawa nito na sa payak at pahapyaw na pagbanggit, ganap na mauunawaan ang mensaheng nais mong ipaalam sa iyong kausap. Hindi na nangangailangan pa ng paligoy-ligoy at mahabang pagtukoy o pagpapa-
liwanag. Isa itong mabisang elemento ng komunikasyon sa lahat ng larangan; panlipunan, edukasyon, at pulitika. Kung ang nais mo'y makilala ka ng lubusan, kalugdan, at pamarisan sa tamang kaparaanan, ang paggamit ng ating mga katutubong salawikain ay napakahalagang sandata sa komunikasyon.

   Matutunghayan dito ang kasipian ng mga paalaala, pangaral, pahapyaw, patambis, parunggit, at pasaring minana at kinamulatan na natin mula pa sa ating mga ninuno, mga pantas, mga bayani, mga pilosopiya, mga panuntunan, mga karanasan, at mga araw-araw na kalakalan sa ating Lipunang Pilipino.
   Sinadyang hindi isinama ang pangalan ng mga may-akda o nagwika nito upang ganap itong maisapuso ng bawat isa at maging bahagi ng sariling pananalita.
   Ang luningning at kislap ng mga salawikaing narito ay buong pusong inihahandog sa mga tunay na Pilipino na nagmamahal, nagmamalasakit, at nagpapalaganap sa ating sariling wikang Pilipino.
  
Bilang 1-25
  "Ang salawikain ay laging gamitin, sapagkat mahalaga ito sa anumang usapin."

01- Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.
02- Ang palay ay parisan, lalong nagpupugay habang nagkakalaman.
03- Ang paalaala ay mabisang gamot sa taong nakakalimot.
04- Ang tulog na hipon ay tinatangay ng agos.
05- Huli man daw at magaling, naihahabol din.
06- Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.
07- Magsama-sama at malakas, magwatak-watak at babagsak.
08- Matibay ang tinting na walis, palibhasa’y nakabigkis.
09- Ang tunay na kaganapan ay matatagpuan sa kaligayahan, hindi sa kayamanan.
10- Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat.
11- Ang umaayaw ay hindi nagwawagi, at ang nagwawagi ay hindi umaayaw.
12- Mainam pa ang pipit sa kamay, kaysa lawin sa alapaap.
13- Ang araw bago sumikat, makikita muna ang banaag.
14- Ang mabigat ay gumagaan, kapag pinagtutulungan.
15- Walang mahirap na gawa, kapag idinaan sa tiyaga.
16- Bihirang masilayan, agad nakakalimutan.
17- Kahoy man na babad sa tubig, kapag nadarang sa apoy, sapilitang magdirikit.
18- Walang sumisira sa bakal kung hindi, ang sarili nitong kalawang.
19- Ipakilala mo ang iyong mga kaibigan, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.
20- Ang hindi napagod mag-ipon ay walang hinayang magtapon.
21- Madaling aminin na ikaw ay tao, ang mahirap ay magpakatao.
22- Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
23- Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
24- Ang lumalakad ng mabagal, matinik man ay mababaw.
25- May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.


 Subaybayan, maraming pang kasunod na inyong kawiwilihan . . .

Laging tunghayan at paglimiin ang ating mga katangi-tanging sanaysay na nagbibigay inspirasyon at makabuluhang aral sa buhay.



   Patuloy pang dinadagdagan ng iba't-ibang paksa na aantig at gumigising sa inyong kaalaman.

Tuesday, November 16, 2010

Ikaw ba ay tunay na Pilipino?





Sino ba ang matatawag na tunay na Pilipino? 
Kailangan pa ba ito?

Hindi pa ba sapat ang na tawagin kang Pilipino? Bakit kailangan pang may kalakip na tunay? Dahil marami ba ang huwad at nagpapanggap na Pilipino? Kung ang ama at ang ina ay taal na mga Pilipino, tama bang bansagan kang tunay na Pilipino?

Ano ba ang kaibahan ng katawagang Pilipino sa “ tunay na Pilipino”?

Ikaw ay Pilipino, kapag mamamayan ka ng Pilipinas.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ama at ina mo ay mga Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ina mo ay Pilipino, may sapat na gulang, at pinili mong maging Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag naturalisado ka nang naaayon sa batas ng Pilipinas.

Totoo nga ba?
Madaling akuin o banggitin, ako ay Pilipino. Pilipinas ang bansa ko. Ang mga magulang ko ay taal na mga Pilipino. Mamamayan ako ng Pilipinas. At nakapagsalita ako ng wikang Pilipino. Kaya, Pilipino ako.

Ngunit nagagampanan mo naman ba ang pagiging Pilipino mo, upang nararapat at wagas kang matawag na tunay na Pilipino? Liripin ang isinasaad ng pahimakas na ito, "Tunay na Pilipino ka nga ba?"

Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa anyo't kilos pati salita, pakilala mo'y Pilipino ka.
Subalit sa puso't diwa at mga gawa,
   kapag tungkol sa bayang Pilipinas ay kinukutya.
Pilipino ka bang naturingan kung laman ng iyong isip ay banyaga,
   tinatawanan kulturang Pilipino at iyong inaalipusta.

Tunay na Pilipino ka nga ba?
Sa kapighatian ng Pilipinas, umid ang iyong dila.  
Sa mga karaingan ay bingi kang tuluyan.
Mistula kang bulag sa iyong mga nasasaksihan.
Tinatamad ka ni dumampi man lamang.
Lagi kang umiiwas at maraming kadahilanan.

Tunay na Pilipino ka nga ba?
Hindi magunita, ni malirip, at sa isip ay sumagi,
   ito ang iyong lahi na diwang kayumanggi.
Kaya't bansag lamang na Pilipino kang naturingan.
Dahil anuman ang mangyari sa iyong Inang-bayan,
   tumatakas ka at walang pakialam.

Papaano nga ba ito?
Madali ang maging tao, subalit mahirap ang magpakatao, o maging makatao.
Sa paghahalintulad;
   Madali ang maging Pilipino, subalit mahirap ang magpaka-Pilipino, o maging maka-Pilipino.
   Madali ang tawaging Pilipino, subalit sa pag-iisip, sa pananalita, at mga gawa ay hindi Pilipino, hindi maka-Pilipino, at walang pagmamalasakit o pagpapahalaga anumang tungkol o nauukol sa Pilipino.

Subalit, ikaw ay tunay na Pilipino, 



Kapag nagagampanan mo sa isip, sa salita, at mga gawa ang pagiging Pilipino.
Kapag ipinagmamalaki at ikinararangal mo ang pagiging Pilipino.
Kapag nagmamalasakit at nagpapahalaga ka sa katutubong kultura at kasaysayan 
ng lahing Pilipino.
Kapag buong giting mong ipinagtatanggol ang makatarungang karapatan bilang Pilipino.
 Kapag nakikiisa at tumutulong ka sa pagbabago ng Pilipinas tungo sa malayang pagkakaisa na
makaDiyos, makapamilya, makabayan, makakalikasan, at makatarungan.

Sa mga katangiang ito, mayroon kang kagitingan, kabayanihan, at karapatan na bigkasin ang
  
AKO, tunay na Pilipino
 



Malaki ang kaibahan at karaniwang tawag na Pilipino sa napapanahong tawag na tunay na Pilipino.
Katulad ng isinasaad sa ating Panatang Makabayan simula pa noong tayo'y nag-aaral sa mababang paaralan:

Panatang Makabayan
 

Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.



 Lungsod ng Balanga, Bataan