Pabatid Tanaw

Sunday, November 21, 2010

Ang Mabisang Gabay

 

    Minsan isang hari ang nagpatawag sa kanyang mga pantas at nagtanong sa kanila, “May maimu-mungkahi ba kayo na mabisang salita o mantra na magagamit sa lahat ng pagkakataon, kalagayan, kahit anumang sandali, at saanman dako ako naroroon? Isang mahalagang bagay na makakatulong sa akin kapag kayo ay wala at hindi mahagilap? Sabihin agad, mayroon bang mantra o gabay na tulad ng nais ko?
   Ang mga pantas ay naguluhimanan at pinaglimi ang katanungan ng hari. Pambihirang salita na sasagot para sa lahat ng katanungan? Isang pangungusap na makapagbibigay ng tamang kapaliwanagan? Magagamit sa bawat kaligayahan o kapighatian, karangalan o kapintasan, tagumpay man at kabiguan? Mayroon nga ba nito?
   Pinakaisip nila itong maigi. Nagsaliksik, nagpalitan ng kuro-kuro, at ginugol ang maraming oras sa diskusyon. Hanggang isang matandang lalaki ang nagmungkahi ng solusyon, na makakasagot sa lahat ng sitwasyon anumang sandaling kailanganin mo ito. Lahat sila ay nagtungo sa hari at ibinigay nila ang isang kapirasong papel na kinasusulatan ng mabisang pangungusap na ito. Dangan nga lamang, may isang kundisyon, hindi dapat mabasa ito ng hari, gaano man ang kanyang paghahangad. Magagawa lamang niya ito, kapag siya ay nasa matinding panganib, nag-iisa, nag-aalaala, at wala ng magagawang paraan o solusyon. Nagtataka man ay napahinuhod din ang hari, dagliang tiniklop ang papel at isinuksok sa lihim na taguan ng kanyang singsing na diamante.
   Ilang araw ang nakalipas, ang kanilang kalaban sa kabilang kaharian ay biglaang umatake. Marahas ang ginawang paglusob nito sa kanilang kaharian. Buong giting na nakipaglaban ang hari at ng kanyang hukbo, subalit natalo sila sa labanan. Sakay ng kabayo mabilis na tumakas ang hari habang ang kanyang mga kalaban ay matinding humahabol. Hanggang makarating siya sa pinakapusod ng kagubatan. Humihingal na sa kapaguran, naririnig pa rin niya ang mga yabag ng maraming sundalong sakay ng mga kabayo. Patuloy pa ang paghabol sa kanya, at palapit ng palapit ang mga ito sa kanyang kinaroroonan.
   Nang makarating ang hari sa dulo ng makitid na daan, nabigla't nanggipuspos ito sa tumambad sa kanya. Nagwawakas ang daan sa isang napakalalim at mabatong bangin. Sa magkabilang paligid naman ay madawag at kakahuyan. Walang masulingan ang hari, kung babalik siya ay masasalubong niya ang humahabol na mga kalabang palapit na sa kanya. Hindi mapakali ang hari, wala na siyang mapagbalingang lulusutan o paraan upang makatakas. Nanlulumo itong bumaba sa kanyang kabayo, lumuhod, at taimtim na dumalangin.
  Nang pagdaupin niya ang kanyang dalawang palad, napansin niya ang kislap ng singsing sa daliri nang ito’y masinagan ng araw. Kagyat na napaluha ito, dali-daling inilabas ang kapirasong papel at binasa ang nakasulat dito. Ang mensahe ay maikli lamang ngunit napaka-dakila.

   Ang nilalaman ng mensahe ay ito: Maging ito man, ay lilipas.

   Inulit na binasa ng hari ang nakasulat. Binasa pang muli. Pinagliming mabuti. Tumimo ito sa kanyang puso. At biglang sumagi sa kanyang malay: “Oo nga! Maging ito man, ay lilipas! Sa nakalipas na mga araw, nagtatamasa ako sa aking kaharian. Isa akong kagulat-gulat at tanyag na hari sa lahat. Subalit ngayon, ang aking kaharian, kasama ang lahat ng yaman at aliwan nito ay wala na. Ang mga ito'y lumipas na. Narito ako ngayon, mistulang yagit, at tumatakas mula sa aking mga kaaway. Katulad lamang ito ng mga nakaraang karangyaan, lumipas na. Kaya sa araw na ito, ang panganib na aking kinahaharap anuman ang mangyari ay lilipas din.” Nahimasmasan ang hari at bumalatay sa kanyang mukha ang kapanatagan. Masuyong niyang hinagod ng tingin ang luntiang kapaligiran. Napansin niyang nakakahalina ang likas nitong kagandahan. Hindi man lamang niya nalaman na ang napakagandang pook na ito ay bahagi ng kanyang kaharian. Ganap niyang naunawaan ang tunay na kahulugan ng mensahe.
   Humilig ang hari sa isang puno upang magpahinga, nalimutan na ang mga humahabol sa kanya. Maya-maya, nadinig niyang ang mga yabag ng mga kabayo ng kalaban ay papalayo na. Tinahak ang ibang bahagi ng kabundukan at nabigong masundan ang dinaanan niya. Nakaligtas ang hari.
   Ang hari, gaya ng inaasahan, ay isang mahusay at matapang na pinuno. Madaliang niyang tinipon ang kanyang hukbo at gumanti sa mga kalaban. Nagwagi at nakuhang muli ang kanyang kaharian. Sa kanyang pagbabalik, malaking pagdiriwang ang inihandog sa kanya ng mga nasasakupan at kapanalig. Ang buong kaharian ay nagbunyi sa kanilang tinamong tagumpay. Magagandang bulaklak ang ipinupukol sa hari mula sa bawat bahay at sa mga pook na dinaanan niya. Tuwang-tuwa ang mga tao, kumakanta at nagsasayaw. Lubos na pinupuri ang galak na galak ding hari. Nalibang ito sa mga pagdakila sa kanya, at nausal sa sarili, “Ako ang pinakamatapang at pinakadakilang hari sa lahat. Sinuman ay hindi ako madaling magagapi. Pinakamagaling ako kahit kanino.” Sa huling binigkas, ay bigla siyang nagulantang. “Teka muna, kahambugan itong nangyayari sa akin. Hindi ako dapat na magkaganito. Masamang asal ito.”
   Muli ang kislap sa kanyang diamanteng singsing ay pumukaw sa kanya. Naala-ala niya ang nakatagong mensahe sa talukap nito. Mabilis niya itong binuksan at inilabas. Muling binasa ang pahayag:  Maging ito man, ay lilipas.
   Tumahimik at nalirip niya ang dagliang kayabangan. Napagtanto niyang ang nangyayari sa kasalukuyan ay matatapos din. At bukas, iba na namang pagsubok ang daratal sa kanya. Sumilay ang makabuluhang ngiti sa kanyang mga labi. Sa pagkakataong ito, malaki ang naging pagbabagong naganap sa kanyang pagkatao. Mula sa kahambugan at mapagmataas na ugali ay tuluyan na siyang naging maunawain at mapagkumbaba.
   “Kung ito man ay nakatakdang lumipas, ito’y hindi akin. Ang tagumpay ay hindi para sa akin. Maging pagkatalo o pagkabigo ay hindi akin. Mistula lamang akong tagamasid ng mga nagaganap sa akin. Lahat ng ito’y matatapos sa wala. Pati ang aking buhay na hiram ay magwawakas din. Ito ang katotohanan. Lahat ay lilipas," mariing inusal na tatango-tango ng hari.

Makabuluhang punto:  Lahat ay pansamantala lamang at hindi magpakailanman. Tulad ng aklat, dumaraan tayo sa maraming kabanata ng ating buhay. Ito ay may simula at may katapusan.
Pananaw: Isa lamang paggising ito upang lubusang buksan ang ating mga mata. Sino sa atin ang hindi nakaranas o nakasaksi na tulad nito sa kanyang buhay? Nabubuhay nga tayo, subalit pinagmamasdan lamang natin ito hanggang sa huling sandali. Ang ating kamulatan sa buhay, kaligayahan, kapighatian, tagumpay, kabiguan, at lahat ng nakapagitan dito, ay dumarating at umaalis din sa atin. Lahat tayo ay nakatakdang dumaan sa prosesong ito.
Panambitan: Kung nais nating may pagbabago sa ating buhay, huwag lamang maging tagapagmasid sa mga kaganapan, makilahok at sumama tayo sa parada.Tayo ang pinanonood at pinapalakpakan ng mga nasa bangketa. Magpakita tayo ng mahalagang halimbawa sa ating buhay. Gawin nating huwaran ang ating mga sarili. Sapagkat ito ang daang matuwid sa pagiging tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment