Pabatid Tanaw

Sunday, November 21, 2010

Isang Kahon ng mga Pako

    

   Minsan, may isang batang lalaki na mainisin, magagalitin, at laging bugnutin. Madalas kapag nagagalit, masakit itong magsalita. Dahil sa pangit na pag-uugaling ito, nagpasiya ang ama na bigyan siya ng aral. Bilang kaparusahan, binigyan niya ang anak ng isang kahon na mga pako. At sinabing sa bawat pagkakataon na mabubugnot ang anak, kailangan nitong magpako ng isa sa kanilang bakod na kahoy.
   Sa unang araw ng parusang ito, ang batang lalaki ay nakapagbaon ng 37 pako sa bakod. Sa nagdaang maghapon, talagang matindi ang kaniyang pagkainis at galit na galit. Subalit napansin niyang pinipilit niya ang sarili upang magampanan lamang ito. "Hindi ako dapat mainis, nakapapagod din ang magpako." ang wika nito sa sarili.
   Sa loob lamang ng ilang linggo, unti-unting napigilan ng bata ang kanyang pagkabugnutin. Ang padalos-dalos niyang mga gawi ay naging mahinahon na, at ang mga pagpako sa bakod ay nabawasan at naging madalang.
   Hanggang matuklasan ng bata na mas madali ang supilin ang kanyang pagkainis, kaysa kunin ang martilyo at kahon ng mga pako, bumaba ng bahay, pumunta sa may bakod, at magpako.
   Sa kalaunan, dumating ang sandali na hindi na magawa ng bata ang mabugnot kahit sa maliliit na bagay. Galak na galak ito sa sarili at nagyayabang na ipinaalam sa kanyang ama.
   Nalugod ang ama, at nagmungkahi na simulan na ng bata ang pagbunot ng isang pako sa bawat araw na masusupil nito ang sarili sa pagkabugnot. Matuling nagdaan ang mga linggo, at dumating ang araw na ang batang lalaki ay masayang nag-ulat sa ama na ang lahat ng nakabaong pako ay nabunot na niya. Masuyong hinawakan ng ama sa kamay ang bata at inakay patungo sa bakod.
   "Napakagaling ang iyong ginawa, aking anak," ang sinambit ng ama. "Subalit, masdan mo ang naging mga butas sa bakod. Ito ay hindi na tulad pa ng dati." Ang bata ay nanatiling tahimik na nakikinig habang nagsasalita ang kanyang ama.
   "Kapag ikaw ay nagagalit, ikaw ay makapagbibitaw ng masasakit na salita sa iyong kapwa, ito ay mag-iiwan ng permanenteng sugat o mga markang tulad nito." Idinugtong pa ng ama, "Gaano man karami ang paghingi mo ng tawad, ang mga sugat ay naroroon pa rin. Lunasan mo man ito, may maiiwan pa ring bakas At ito'y mananatili sa mahabang panahon."

Makabuluhang Aral: Sugat na nagnaknak, gamutin mo man ay may maiiwang peklat. Madali ang magpatawad, ang lumimot ay mahirap.
Pananaw: Ang pagbitaw ng maanghang at masakit na salita sa kapwa ay lumilikha lamang ng kaaway. Matatanggap anumang pananalita mo sa isang tao, ang hindi malilimutan ay kapag nasugatan mo ang kanyang damdamin. Ang salita ay maaaring makabuhay o makamatay. Palagi itong pakatandaan.
Panambitan: Walang buting mapapala sa pagiging aburido, palaging bugnutin, at palapintasin,
                         hindi ito ugali ng mga tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment