Pabatid Tanaw

Saturday, November 20, 2010

Sariling Kahatulan


Sarili ang Nakapusta

  May isang negosyante ang laging nagagalit at nagrereklamo sa kaharap niyang kalabang tindahan. Minsan, ay muli itong napabunghalit, “Talaga namang napakarumi ng salamin sa kaharap kong tindahan!” ang panggagalaiti niyang pasaring. Sa patuloy na pamumuna at pagtulisga nito sa kakumpetensiyang tindahan. Ang mga kasamahang negosyante na malimit niyang sumbungan, ay yamot na at talagang inis na inis,
   Isang araw, may naparaan sa kanyang tindahan na kaibigan. Habang sila’y nagkakape ay naulit muli ang nakasanayang hinaing ng negosyante tungkol sa marunimg salamin sa kaharap na tindahan. Napailing na lamang ang kaibigan. Subalit bago ito lumawig at tuluyang mainis, nagpasiya na itong umalis. Papalabas, huminto ito sa may pinto ng tindahan at naghabilin, “Pare, mabuti pa, kaysa ang tindahan sa kabila ay iyong punahin, ang salamin sa harap nitong tindahan mo ay iyo munang linisin.”
   “Bakit nga ba hindi,” usal ng negosyante sa sarili nito. Kinabukasan, matapos ang paglilinis sa salamin ng kanyang tindahan, ay biglang siyang nagulat sa kanyang nakita. Nangingislap din sa linis ang salamin sa kaharap na tindahan.
   “Hindi ako makapaniwala, matapos kong malinis ang salamin ng aking tindahan, napilitan ang aking kalabang tindahan, at naglinis din!” pagmamalaking bigkas nito sa sarili, at pahirit na dagdag pa ng negosyante, “Manggagaya sila!” 

                                                                   ================

Makabuluhang Aral: Alamin muna ang ating mga kamalian, bago idaing ang mga kamalian ng iba. Maaaring ang nakatabing lamang sa iyong mukha at maling akala ang dahilan na kailangang alisin.
Pananaw: Ipinagkakanulo mo lamang kung anong uri ng pagkatao mayroon ka, o pinipilit mong pagtakpan ang iyong pagkakamali at mga kakulangan, sa pamamagitan ng pamimintas sa iba. Hindi mo magagawang pumuna kung walang ligalig, kamalian, o kapintasan man lang sa iyong kalooban. Mga bagay na wala kang naranasan at nalalaman, hindi mo ikakagalit kailanman. Kung anong laman ng iyong kaisipan, ito ang iyong pagkatao, at mga salitang bibitiwan.
Panambitan: Iwasan ang pamumuna at pamimintas, walang mapapala dito. Bagkus, pagmumulan lamang ng mahapding pagdaramdam. At sa kalaunan, ang pagkakaroon lamang ng kaaway. Hindi ito gawain ng
tunay na Pilipino


Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment