Pabatid Tanaw

Sunday, November 21, 2010

Salawikain: Bilang 51-75



   Malimit, sa aking pakikipag-usap at maging sa panulat, kapag may inaapuhap akong paglalarawan o paghahalimbawa, mabilis kong inuunang banggitin ang salawikain na angkop sa aking ipapaliwanag. Sa paraan kong ito, madaling maunawaan ang aking tinutukoy.
   Malaking ambag sa ating panitikan ang mga salawikain. Sa pakikipag- kapwa at pakikibaka sa buhay, ang kaalaman nito ay isang mabisang sandata sa larangan ng komunikasyon. Nais mong makatiyak at madaling maintindihan sa iyong mga pangungusap? Gawin mong palaman o palabok ang mga salawikain bilang pagpapakilala na ikaw ay isang                                                                                          
tunay na Pilipino.

Bilang 51-75

"Saan ka man nanggaling o patungo, ang salawikain ay palaging isapuso."

51- Ibon mang ikinulong ng mahigpit, kapag nakawala’y di na magbabalik.

52- Kapag ang anyaya ay totoo, yayain kang todo-todo.

53- Anuman ang iyong gagawin, makapitong ulit mo itong pakaisipin.

54- Langaw man na dumapo sa kalabaw, yabang nito ay mangingibabaw.

55- Ang butong tinangay ng aso, walang salang nalawayan nito.

56- Kapag ang ilog ay tahimik, asahan mong ito’y malalim.

57- Ang halik na walang yakap ay tulad ng bulaklak na walang bango.

58- Kapag ikaw ay madamot, magbigay ka man ito’y kakarampot.

59- Batubato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.

60- Ako ang nagbayo at ako ang nagsaing, subalit nang maluto’y iba ang kumain.

61- Kapag huminto ang ulan, ang nakakubling araw ay sisilay.

62- Walang mataimtimang birhen, sa matapat manalangin.

63- Kung sino ang masalita, siya ang kulang sa gawa.

64- Sa taong may hiya, ang salita nito’y panunumpa.

65- Mabisang sermon ang pagiging huwaran mo.

66- Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.

67- Kapag wala kang binabanggit, hindi ka makakasakit.

68- Kapag nais may paraan, kung ayaw may dahilan.

69- Maralita ka mang naturingan, busilak naman ang iyong kalooban.

70- Lahat ng bagay ay may kagandahan, dangan nga lamang hindi lahat nakakaalam.

71- Tuso man daw ang matsing, ito’y napaglalangan din.

72- Madali ang mamuhi, ang mahirap ay ang magmahal.

73- Kung sino ang unang pumutak, siya ang nanganak.

75- Nakikita ang butas ng karayom, subalit hindi makita ang butas ng palakol.


No comments:

Post a Comment