Pabatid Tanaw

Wednesday, November 24, 2010

Ang Balisang Aso

 

    May isang lalaki na dumalaw sa matandang magsasaka na tanyag bilang mangangaso. Nang siya ay makarating  sa bukid, sa may balkon ng bahay, napuna niya na ang isa sa mga aso ay nakaupo, pakislot-kislot, may dinaramdam, at umaalulong. Matapos masaksihan ito nang ilang sandali,  ang lalaki ay nagtanong sa magsasaka kung anong dahilan at di-mapakali ang kaawa-awang aso.
   “Huwag mong pansinin ang matandang aso na iyan,” ang tugon ng magsasaka. “Maraming taon ng palaging ganyan iyan.
   “Sinubukan ba ninyong dalhin siya sa beterinaryo, upang malaman kung anong karamdaman mayroon siya?” usisa ng lalaki.
   “Para saan pa? Alam ko, kung ano ang mali sa asong iyan. Talaga lang siya'y saksakan ng tamad!”
   “Subalit ano ang kinalaman nito sa kanyang pag-ingit at pag-alulong?” usisa ng nagtatakang lalaki.
   “Makikita mo,” paalaala ng magsasaka, at sinutsutan ang aso mula sa pagkakaupo. Nang tumindig ito ay napansin ng lalaki ang naka-usling pako sa sahig na inupuan nito. At paliwanag ng matanda, “Ang pakong iyan ang tumutusok at nagpapasakit sa kanyang paa, kaya sa tuwing umuupo siya sa panig na iyan, umingit at umalulong  ang nakagawian niya.”
   Napamulagat ang bisita at napabulalas, “Kung gayon, bakit hindi na lamang lumipat ito sa ibang bahagi ng sahig?
   “Ahhh,” nagparunggit ang magsasaka, “Sa aking palagay hindi siya labis na mayayamot at mababalisa kung karaniwang sahig lamang.”
   “Eh, di bunutin ninyo ang naka-usling pako!” pautos na bigkas ng lalaki.
   “Hindi na kailangan, nasanay na ako at nakagiliwan ko na ang daing niya. Isa pa, para malaman ng dumaraang mga tao sa bukid ko, na may nagbabantay na aso sa aking bahay.” nakangising pasaring ng matanda.

 Makabuluhang Aral: Nakaugalian na ng karamihan, kung saan nasadlak; kabiguan, karukhaan, at maging masamang relasyon ay ayaw ng bumangon at iwanan ang kalunos-lunos na kalagayan. Pinagtitiisan, lalo na’t nakakaraos din lamang. Ginawang libangan ang magreklamo, pakikialam at pugpuna sa iba. Bakit pa makikipagsapalaran? Sa katwirang ito, lalo lamang silang nalulublob, nasasanay sa walang-katiyakang buhay, tanggap ang kapalaran, at tuluyan ng nawalan ng pag-asa. "Bahala na", ang kanilang laging sambit at pampalakas ng loob, kapag nakasuong sa di-matiyak na panganib.
Pananaw: Ang karalitaan at patama-tamang pamumuhay ay pasakit at bumabalisa sa atin, subalit pansamantala lamang ito. Hindi ito balakid upang makagawa ng mabilisang pagbabago. Bagkus, nagsisilbi itong pagsubok upang lalong tumibay ang hangarin na mabago ang sariling pamumuhay.
   Mayroon ka bang pako o tinik  na nakatimo sa iyong dibdib na pumipigil na makamit ang buhay na pinakamimithi mo? Huwag libangin ang sarili, bunutin ito kaagad. Kumilos at magbago!
Panambitan:  Marami na sa ating mga kababayan ang nakagawa nito. Nang wala na silang makitang mga pagkakataon sa sariling bayan, hindi sila nawalan ng pag-asa, mabilis na nagpasiya, iniwan ang pamilya, nakipagsapalaran, nagsakripisyo, at pinaunlad ang kanilang kalagayan. Saludo ako at ikinararangal ko ang kabayanihan nila, sapagkat sila’y mga tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment