Wednesday, August 03, 2016

Mahalaga sa Pagsasama: Ikaw, Siya, at si Relasyon



Sa dalawang tao na nagsasama, tatlong pagkatao o persona ang namamagitan dito; Ikaw, Siya, at ang Relasyon ninyo. Bagamat dalawa kayo na nagmamahalan, nagkakaisa, nag-uusap, nagtatalò, nagkakagalit o nag-aaway, si Relasyon ay palaging nasa gitna at siya ay nagmamatyag, nagagalak kapag may pagmamahalan, nasasaktan kapag may alitan, at lumuluha kapag may tikisan at hiwalayan.
Marami sa atin ang hindi nakakaalam na kung paglaanan lamang ng atensiyon si Relasyón, at ito ang pinakamahalaga sa lahat, magagawa nating kontrolin at pakaisipin ang mga salita na ating binibitiwan. Tanungin natin si Relasyón;  "Kung bakit kailangang patuloy na magsama ang dalawang tao?'  'Kung kapayapaan at kaligayahan ang hanap, bakit may mga pagtatalo at alitan na nagaganap?' 'Kung tunay at wagas ang pagmamahalan, bakit hindi matanggap ang pagkakaiba ng mga ugali at katauhan?' 'Sino ba ang higit na mahalagang masunod, Ikaw? Siya? o si Relasyon?"
 
...at ito ang mga kasagutan ni Relasyón:

Bago ka magsalita; Sundin ang katagang, 'THINK'
T---truth/Ito ba ay totoo?
H---helpul/Ito ba ay makakatulong?
I---inspire/Ito ba ay makapagbibigay ng inspirasyon?
N---needed/Ito ba ay talagang kailangan?
K---kind/Ito ba ay may pagmamalasakit?

... at narito ang mga paliwanag ni Relasyón:

1-Hanggat magagawà; pakaiwasan ang pagiging kritikò o mapanurì -pamumunà, pamimintás, panghahamak, at panunuyâ. Ang matinding pananakit o bugbog sa katawan ay malilimutan, ngunit ang masaktan ang damdamin, habang buhay itong dadalhin.
2-Umiwás sa mga negatibo at mapanghamak na mga pangungusap. Nagpapakilala ito ng iyong inseguridad at kawalan ng pananalig sa katotohanan . Ilalagay ka ng mga ito sa kapahamakan. Sapagkat sa mga paliwanagan, kung sino ang naiinis, sumisigaw, at nagagalit, siya ang talunan at panakip lamang ang makipagtalo.
3-Iwaglit na sa isipan ang mga tao na yumaò at nagsialis na sa iyong buhay. Lalo na kung isinasama sa pagtatalo pati ang mga kamag-anak. Sa halip, ilaán ang makabuluhang mga sandali para sa inyong ikaliligaya.
4-Ang pagdududà, pag-aakala, at mga hinuha o suspetsà ay siyang kalawang na sumisirà sa magandang pagsasama. Kapag may tiwala ka, pagkakatiwalaan ka din ng kapareha mo.
5-Piliting magawa ito: Iwasang ikumpara sa iba ang iyong karelasyon. Inaalisan mo siya ng pag-asa at kakayahang may magawa at magpatuloy pa.
6-Iwasang humatol, sa halip ay umunawa at magtiwala. Hindi mo kailanman naranasang naisuot ang kanyang sapatos.
7-Tanggapin ang kanyang  pagkatao kung sinuman siya. May kawikaan na hindi mo magagawang ituwid ang likod ng kubâ, kalikasan niya ito. Gayundin ang pagkatao ng sinuman, siya lamang ang tunay na may kontrol sa kanyang isipan. Ang kailangang kontrolin ay ang sarili mong isipan, ito ang nagpapahirap sa anumang relasyón.
8-Iwasang mag-alala at paulit-ulit na ipamukha na tulad ng sirang plaka ang tungkol sa mga bagay na hindi na mababago o maitatama pa.
9-Hikayatin at tulungan siya tungo sa kanyang pag-unlad. Purihin at magbunyi para sa inyong kagalingan at kapakanan.
10-Tawanan ang mga kabiguan at pasalamatan ang leksiyong natutuhán. Pinatitibay kayo nito upang patuloy na magkasama, maging masaya at mapayapa sa tuwina.
11-Igalang ang sariling paniniwala lalo na ang pananalig ng bawat isa. Katulad ng boteng lampara, siya lamang ang makapaglilinis ng sariling uling nito sa loob. Imposibeng malinis ang dilim nito, kahit na kaskasin mo pa nang libong ulit sa labas ang bote ng lampara.
12-Sa araw-araw maglaan na makagawa ng kahit na maliliit na bagay para ikasasaya sa bawat isa.
13-Tuparin ang mga pangakò at sabihin lamang ang katotohanan. Marami pang ipapaliwanag kapag nagsisinungaling. Ipagkakanulo ka nito para mawalan ng saysay ang integridad mo.
14-Payagan siya na magdesisyón para sa kanyang sarili. Higit siyang nakakaalam kung ano ang mahalaga at makakabuti para sa kanya.
15-Kung hindi ka naman tinatanong, huwag ka namang sumasagot. May panahon ang bawat bagay, isaalang-alang ang katahimikan nang magka-liwanagan. May espasyo sa pagitan ng aksiyon at reaksiyon, ito ang puno't-dulo sa kaganapan ng lahat.
16-Iwasang magturò, at huwag hanapin na makita ang iyong repleksiyón sa kanya. Huwag ipagpilitan na paniwalaan ang istilo o sistema ng pamumuhay na kinagisnan at kinawiwilihan mo. Ikaw ay unikò, pambihira, at walang sinuman na makakagaya o makakatulad pa sa iyo.
17-Piliting nakalapat ang mga labi at makinig nang maigi para ganap na maunawaan ang hinaing ng kaharap. Hindi isang katalinuhan na makakaya mong ipaliwanag at masasagot ang bawat usapan.
18-Hindi nakakatulong na sirain ang reputasyon at integridad ng isa para maipakita sa iba na ikaw ang biktima at martir sa pagsasama.
19-Iwasang maging personal ang mga pag-uusap at turingan, kung wala kang kinalaman huwag nang makialam. (mind your own business, and not: "If not my way, take the highway!"). Hindi nakukuha ang hinahangad para sa sariling agenda sa paulit-ulit na mga pagbabanta.
20-Kung nais na may makuha, ibigay mo muna. Wala kang aanihin kung wala ka namang itinanim. Katulad ng bangko, hindi mo magagawang mag-withdraw kung kulang at wala ka namang idini-deposito.
21-Iwasang mag-isip ng sariling komentaryo habang nagsasalita ang kaharap, sapagkat dito nagsisimula ang argumento na kadalasan ay humahantong sa sigawan at kahihiyán.
22-Ang tunay na pagmamahal ay walang mga kundisyong pinaiiral. Gumagawa ng mga paraan para sa ikaliligaya ng kasama.
23-Sabihin lamang nang tuwiran ang tunay na nais mangyari at walang paliguy-ligoy. Anumang nadarama, ito ang ipakilala.Walang ibinubungang mabuti ang mga pagkatakot, mga pangamba, at sobrang pag-aalala. Winawasak lamang nito ang magandang pagsasama.
24-Huwag pag-aksayahan ng panahon ang maliliit na mga bagay na wala namang katuturan para makalimutan ang tunay na mga prioridad sa buhay.
25-Pakatandaang maigi: Higit na mahalaga ang tao kaysa mga bagay at materyal!
Sa lahat ng ito, walang nakakaalam kung ano ang katotohanan. Lahat ng mga bagay na napapakinggan o nababasa man ay pawang mga komentaryo at opinyon lamang. Ang higit na may kabatiran ay ang iyong mga karanasan at mga natutuhan.

Maraming Salamat po.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
ika-2 ng Agosto, 2016

Tuesday, August 02, 2016

Liham ng Paalam



Liham ni Mister sa kay Misis:

Erlinda,
Huwag sa sanang mabibigla, nais kong ipaalam na ako ay humiwalay na sa iyo. Ang ibig kong sabihin ay nagpakalayo-layo na ako, at huwag mo nang hanapin pa. Matindi ang pagdaramdam ko sa iyo. Kagabi noong dumating ka ay di mo man lang pinansin ang niluto kong espesyal na adobong baboy para sa iyo, ni di mo rin pinansin na ako ay bagong gupit o nabigyang ng atensiyon ang aking suot na bagong boxer brief. At hindi mo ipinaalam man lamang sa akin bilang respeto, na bigla ka na lamang palang nag-resign sa trabaho noong isang linggo. Mabuti na lamang at naibalita sa akin ng ating kumare na kasama mo sa trabaho. Sapat ng mga dahilan 'yan upang maunawaan kong hindi mo na ako minamahal at wala nang halaga pa sa iyong puso. Kaya nagpasiya ako na humiwalay sa iyo at hindi na magpakita pa. Isinama ko na ang iyong nakababatang kapatid na si Daria para kami ay lumigaya. Huwag kang mabibigla may katagalan na din ang aming relasyon.
Paalam.

Sagot na Liham naman ni Misis kay Mister:

Benito,
   Una, Kung hindi ko man napansin ang iyong bagong gupit, iyon ay sa kadahilanang may itinuro ang nanay ko sa akin, na "Kung wala ka rin lang masasabing mabuti huwag ka nang magsalita pa." Sapagkat ang gupit mo ay nuno ng sagwa, para kang komedyanteng si Balot!
   Pangalawa, tungkol naman sa iyung boxer brief, napansin ko 'yun, at hindi mo pa nga nagupit ang presyo ng tag na 999 pesos. Nagduda kasi ako noong umaga, humingi sa akin ang aking kapatid na si Daria ng 1000 piso at may reregaluhan daw siyam ... at ikaw pala 'yon!
   Pangatlo, kung di ako nagkakamali... alam mong 3 taon na akong hindi kumakain ng baboy, sapagkat payo 'yan sa akin ng aking doktor, dahil may alta-presyon ako.
   At panghuli, nag-resign na ako sa trabaho dahill tumama ako sa Lotto ng 150 milyong piso, na isusorpresa ko sana sa iyo. Nakahanda na nga ang ating mga tiket para sa Around the World Tour, pero lumayas ka na pala at bitbit pa ang aking kapatid.
   Sabi ng abogado ko, sapat na ang nilalaman ng sulat mo para wala ka nang makaparti pa sa ating mga ari-arian at lalo na sa premyo ko sa Lotto na 150 milyong piso.
   Paalam na din sa iyo, at inaantay ko pa ang mga pina-deliver kong Mercedes Benz at sports car na Mustang na para sana sa iyo. Ibibigay ko na lamang ito sa bago kong mapapangasawa, na siyang kapalit mo.

Erlinda.
P.S.
Siyanga pala, huwag ka ding mabibigla, iyang kapatid ko nga palang si Daria, ang dating pangalan niyan ay Dario.


Friday, July 29, 2016

Mahal Kita, at Para ito sa Iyo



Madalas ito sa ating buhay, lalo na kung tayo ay nag-iisá at nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na pagkabalisá. Palaging binabagabag tayo ng ating konsensiya kung bakit tayo ay lumitaw pa sa mundong ito... at para saan? Maraming mga katanungan ang paulit-ulit na nagsasalimbayan sa ating isipan. Pangunahin na rito ang "Sino ba AKO?' 'Ano talaga ang aking mga naisin at hangarin sa buhay na ito?' 'At saang destinasyon ako pupunta?' 'Tama ba ang kalagayan ko sa ngayon, at ito ba ang talagang nakaukol o sadyang nakatakda para sa akin?"
   Hindi tayo basta na lamang sumulpot o sumingaw nang gayon na lamang; ang kumain para mabuhay, o, ang mabuhay para kumain. Mayroong malaki at pangunahing dahilan kung bakit tayo nilikhà. Ang Dakilang Maykapal ay naghandóg ng isang napakahalagang regalo para sa atin, at ito'y hindi magagawang palitan, baligtarin, ulitin o mahigitan man. Palaging nasa atin ito, at kadalasan, bina-balewala natin ito, sinasayang, o inaaksaya sa mga walang saysay o katuturang mga bagay. Ang kamangha-manghang regalong ito ay ang ating-PANAHON. Mga sandaling hindi na muling maibabalik pa.
   Lahat tayo ay pinagkalooban ng 24 na oras sa buong araw, na kung saan ito ay magiging mga linggo, mga buwan, at mga taon - ang mga ito ay malaking karagdagan na ginugugol sa ating buong buhay. Bagamat ang Dakilang Maykapal ay may kapasiyahan kung hanggang kailan tayo mabubuhay, mayroon naman tayong kapangyarihan na piliin kung papaano natin gagamitin ang mga gintong sandali na ipinagkaloob Niya sa atin. Ang ninanasà ng Dakilang Maykapal ay gugolin natin ang ating panahon sa mga bagay na may kahalagahan at kapakinabangan na siyang plano Niya para sa atin. Isa na rito, kung papaano makakamit ang lunggating ito, --ang magkaroon tayo ng tama at balanseng iskedyul.
   Kahit na marami ang tumatanggi na mahirap at nakakapigil ito sa mga nais nating magawa pa. Sa katunayan, ito ay nakakatulong para higit tayong makapag-ukol ng atensiyon para sa ating mga sarili, at hindi naa-aksaya lamang sa mga distraksiyon, lalo na sa sosyal media. Isang simpleng paraan ito para makapag-ukol ng karagdagang panahon sa marami nating aktibidad at mga responsibilidad sa ating buhay.
   Tandaan lamang, hindi tayo gumagawa ng iskedyul para matapos ang ating mga gawain, bagkus ang mag-organisa sa ating panahon na siyang  nais ng Dakilang Maykapal para sa atin. Nabubuhay ngayon tayo sa maraming distraksiyon na inaaksaya ang ating panahon sa mga bagay na hindi nakakatulong o nakapagpapaunlad na dapat sana ay magamit sa mga kapakipakinabang.
Paglimiin ito nang maigi:
Bigyan natin ng makabuluhang pansin ang ating mga relasyon. Pumasok tayo sa buhay may-asawa, sa pagiging magulang, bilang kapatid, amain o tiyahin,  o sa pakikipag-kaibigan, ito ay nangangailangan ng tungkulin at kaakibat na mga responsibilidad. Papaano natin ginugugol ang ang ating panahon sa ating mga mahal sa buhay? Hindi lahat ng panahon, sila ay palaging nasa ating tabi.
   Maglaan tayo ng iskedyul para sa ating gawain. Sa puntong ito, dito tayo laging nagkukulang. Sa pagnanais nating marating at makamit ang kasaganaan at kaginhawaan, nakakalimutan natin na hindi lahat ay salapi o karangyaan. Kung ang kapalit naman nito ay ang ating kalusugan, at pagkapariwara ng ating pamilya. Lagi nating alalahanin; sa katapusan ng buhay, lahat ng bagay ay ating iiwanan, ni isang totpik wala wayong madadala. Kundi ang hindi malilimutang mga ala-ala na ating maiiwang pamana.
   Huwag din nating kalimutan ang magpahinga at ang magsaya. Hindi nilikha ng Maykapal ang ating mga katawan na walang pahingá. Makinà man ay inihihinto kapag sobra na itong umiinit. Ang ating katawan lalo na kung laging kulang sa tulog, kahit papaano ay magawang umidlip sa ilang saglit. Sapagkat katulad ng baterya ng selpón, ang ating katawan ay kailangang i-charge din. At kapag lagi kang masaya, mananatili kang maligaya.
   At sa huli, ito ang pinakamahalaga sa lahat; mag-ukol ng sapat na panahon upang makipag-ugnay sa Dakilang Maykapal. Kung ang alam mong dasal ay ang magpasalamat (hindi ang palaging dumaing at manghingi), ito ay sapat na. Ang Kanyang pagpapala ay walang pagkasawà. Patuloy nating konsiderahin kung papaano tayo puspusang magmamahalan, nagkakaisa (bayanihan), nagtutulungan, tungo sa ikakapayapa, ikakaunlad, at ikaliligaya ng bawat isa sa atin. Isa para sa lahat, at lahat para sa isa.

Maraming Salamat po.
Jesse Navarro Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan
Ika-29 ng Hulyo, 2016

Kamusta ka na?


Monday, July 25, 2016

Ang Kape o ang Tasa




   Isang pangkat ng mga alumni, na matatagumpay sa kanilang iba’t-ibang mga larangan ang nagkaisang pasyalan ang matanda nilang propesor sa Lungsod ng Balanga. Nag-iisa na sa buhay at walang kasama sa bahay nang datnan nila ang paboritong propesor.
   Matapos ang ilang balitaan, napadako ang kanilang usapan sa mga reklamo at mga karaingan tungkol sa kanilang mga trabaho at buhay pamilya. Sa lahat nang mga ito’y pawang patango-tango lamang ang propesor at nanatiling hindi umiimik.
 Maya-maya’y tumayo at nag-alok ang propesor ng kape sa mga bisita. Nagtuloy ito sa kanyang kusina at nang bumalik ay may dalang isang bandehado, na may malaking kapetera at maraming iba’t-ibang tasa; may yari sa porselana, mayroong  plastik, at mayroon ding kristal. Ang iba ay karaniwan, may mga mamahalin, may moderno, may antigo, at magagandang dekorasyon. Humingi ito ng paumanhin sa pagkakaiba ng mga lalagyan sa dahilang nag-iisa lamang siya sa bahay. Idinulot lahat ito at nagsabing kumuha na kanilang magustuhan at lagyan ng kape.
   Lahat ay may kanya-kanya ng tasa ng mainit na kape, nang muling magsalita ang propesor: “Mapapansin ninyong lahat ng magaganda at mamahaling tasa ay siyang nakuha, at ang naiwanan lamang ay yaong karaniwan at mumurahin. Bagama’t normal at pangkaraniwan na sa inyo ang magnais ng mamahalin at magaganda para sa inyong mga sarili, ito ang pinagmumulan ng inyong mga alalahanin o mga problema, na nagbibigay sa inyo ng patuloy na mga bagabag sa inyong mga sariling buhay.”
   “Tinitiyak ko sa inyo na ang tasang lalagyan ay walang kinalaman sa kalidad o lasa ng kape. Sa katunayan ng maraming kaso, higit pa itong magastos kaysa sa ating hinihigop na kape. Ang talaga lamang na nais natin ay ang kape, hindi ang tasa, subalit tahasan ninyong pinili ang pinakamaganda at mamahalin sa lahat ng mga tasa. . . At dahil dito, ay nagsimula na kayong titigan ang bawat tasang hawak ng mga kasama ninyo.”
 “Ngayon, bigyan ng maigting na paglilimi ito: Ang buhay ay kawangis ng kape; ang mga trabaho, maraming salapi, mga karangyaan, at mga katungkulan sa lipunan ay katulad ng mga tasa. Sila ay pawang mga kasangkapan na ginagamit lamang natin sa ating paggalaw sa ating Buhay, at ang uri ng tasa ay walang kinalaman at hindi binibigyang kahulugan, o binabago ang kalidad o uri ng buhay na ating ipinamumuhay.”
 “Madalas, kapag ang pinagtuunan lamang natin ay ang tasa, nakakalimutan natin na masarap lasapin ang kape.” Ang makahulugang pahayag ng propesor.
   Bagamat napatigalgal ang marami, nahinuha agad nila ang ibig tukuyin ng butihing profesor. Bigla, nagsitindig ang mga ito at bumulalas ng...
     "Masiglang langhapin at lasapin ang kape, kaysa sa tasa"
Ang magkakasabay nilang masayang pagsang-ayon kasabay ng pagtaas ng kanilang mga mamahalin at magagandang tasa.

-------
Bakit nga ba hindi . . . Narito ang ikakapayapa ng ating kalooban.
Ang pinakamamasayang tao ay salat at walang mga karangyaan sa buhay. Ang nagagawa lamang nila ay ang damahin at lasapin ang higit na magaganda at pangkaraniwan lamang. Ang mga ito’y sapat na para sa kanila.

AKO ito.
Mabuhay.                               
Magmahal.
Laging tumawa.
Wagas na umibig.                                                                     
Maglingkod sa kapwa.
Mahinahong mangusap.
Magsalita ng katotohanan.
Mamuhay ng pangkaraniwan.
Lumingon sa iyong pinanggalingan.
Gawing makabuluhan ang bawa’t sandali.
Magmalasakit sa mga kapus-palad na kababayan.
Dumamay nang higit pa kaysa hinihingi ng pagkakataon.
Hangga’t nasa iyong tabi ang mga magulang, alamin kung sino ikaw.
Sambitin ang mga katagang, Mahal Kitasa iyong mga mahal sa buhay.
At ang ating daigdig ay mananatiling mapayapa at may pagmamahalan nang walang hanggan.

Harinawa.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan