Friday, July 29, 2016

Mahal Kita, at Para ito sa Iyo



Madalas ito sa ating buhay, lalo na kung tayo ay nag-iisá at nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na pagkabalisá. Palaging binabagabag tayo ng ating konsensiya kung bakit tayo ay lumitaw pa sa mundong ito... at para saan? Maraming mga katanungan ang paulit-ulit na nagsasalimbayan sa ating isipan. Pangunahin na rito ang "Sino ba AKO?' 'Ano talaga ang aking mga naisin at hangarin sa buhay na ito?' 'At saang destinasyon ako pupunta?' 'Tama ba ang kalagayan ko sa ngayon, at ito ba ang talagang nakaukol o sadyang nakatakda para sa akin?"
   Hindi tayo basta na lamang sumulpot o sumingaw nang gayon na lamang; ang kumain para mabuhay, o, ang mabuhay para kumain. Mayroong malaki at pangunahing dahilan kung bakit tayo nilikhà. Ang Dakilang Maykapal ay naghandóg ng isang napakahalagang regalo para sa atin, at ito'y hindi magagawang palitan, baligtarin, ulitin o mahigitan man. Palaging nasa atin ito, at kadalasan, bina-balewala natin ito, sinasayang, o inaaksaya sa mga walang saysay o katuturang mga bagay. Ang kamangha-manghang regalong ito ay ang ating-PANAHON. Mga sandaling hindi na muling maibabalik pa.
   Lahat tayo ay pinagkalooban ng 24 na oras sa buong araw, na kung saan ito ay magiging mga linggo, mga buwan, at mga taon - ang mga ito ay malaking karagdagan na ginugugol sa ating buong buhay. Bagamat ang Dakilang Maykapal ay may kapasiyahan kung hanggang kailan tayo mabubuhay, mayroon naman tayong kapangyarihan na piliin kung papaano natin gagamitin ang mga gintong sandali na ipinagkaloob Niya sa atin. Ang ninanasà ng Dakilang Maykapal ay gugolin natin ang ating panahon sa mga bagay na may kahalagahan at kapakinabangan na siyang plano Niya para sa atin. Isa na rito, kung papaano makakamit ang lunggating ito, --ang magkaroon tayo ng tama at balanseng iskedyul.
   Kahit na marami ang tumatanggi na mahirap at nakakapigil ito sa mga nais nating magawa pa. Sa katunayan, ito ay nakakatulong para higit tayong makapag-ukol ng atensiyon para sa ating mga sarili, at hindi naa-aksaya lamang sa mga distraksiyon, lalo na sa sosyal media. Isang simpleng paraan ito para makapag-ukol ng karagdagang panahon sa marami nating aktibidad at mga responsibilidad sa ating buhay.
   Tandaan lamang, hindi tayo gumagawa ng iskedyul para matapos ang ating mga gawain, bagkus ang mag-organisa sa ating panahon na siyang  nais ng Dakilang Maykapal para sa atin. Nabubuhay ngayon tayo sa maraming distraksiyon na inaaksaya ang ating panahon sa mga bagay na hindi nakakatulong o nakapagpapaunlad na dapat sana ay magamit sa mga kapakipakinabang.
Paglimiin ito nang maigi:
Bigyan natin ng makabuluhang pansin ang ating mga relasyon. Pumasok tayo sa buhay may-asawa, sa pagiging magulang, bilang kapatid, amain o tiyahin,  o sa pakikipag-kaibigan, ito ay nangangailangan ng tungkulin at kaakibat na mga responsibilidad. Papaano natin ginugugol ang ang ating panahon sa ating mga mahal sa buhay? Hindi lahat ng panahon, sila ay palaging nasa ating tabi.
   Maglaan tayo ng iskedyul para sa ating gawain. Sa puntong ito, dito tayo laging nagkukulang. Sa pagnanais nating marating at makamit ang kasaganaan at kaginhawaan, nakakalimutan natin na hindi lahat ay salapi o karangyaan. Kung ang kapalit naman nito ay ang ating kalusugan, at pagkapariwara ng ating pamilya. Lagi nating alalahanin; sa katapusan ng buhay, lahat ng bagay ay ating iiwanan, ni isang totpik wala wayong madadala. Kundi ang hindi malilimutang mga ala-ala na ating maiiwang pamana.
   Huwag din nating kalimutan ang magpahinga at ang magsaya. Hindi nilikha ng Maykapal ang ating mga katawan na walang pahingá. Makinà man ay inihihinto kapag sobra na itong umiinit. Ang ating katawan lalo na kung laging kulang sa tulog, kahit papaano ay magawang umidlip sa ilang saglit. Sapagkat katulad ng baterya ng selpón, ang ating katawan ay kailangang i-charge din. At kapag lagi kang masaya, mananatili kang maligaya.
   At sa huli, ito ang pinakamahalaga sa lahat; mag-ukol ng sapat na panahon upang makipag-ugnay sa Dakilang Maykapal. Kung ang alam mong dasal ay ang magpasalamat (hindi ang palaging dumaing at manghingi), ito ay sapat na. Ang Kanyang pagpapala ay walang pagkasawà. Patuloy nating konsiderahin kung papaano tayo puspusang magmamahalan, nagkakaisa (bayanihan), nagtutulungan, tungo sa ikakapayapa, ikakaunlad, at ikaliligaya ng bawat isa sa atin. Isa para sa lahat, at lahat para sa isa.

Maraming Salamat po.
Jesse Navarro Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan
Ika-29 ng Hulyo, 2016

No comments:

Post a Comment