Tuesday, November 18, 2014

Matiwasay na Buhay



Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Tiwasay at Di-tiwasay na mga Tao

May humiling sa akin sa Facebook na isalin ang mensahe na ito sa wikang Pilipino, upang ito’y ganap na maunawaan ng ilan nating mga kababayan.


secure,  adj.  tiwasay, panatag, payapa, palagay, di-mapanganib, matatag, matiyak, sigurado. v. pangalagaan, garantiyahan, tibayan, tamuhin, tiyakin, iseguro.
insecure, adj.  di-tiwasay, di-panatag, may inseguridad, walang kasigurohan,
Matiwasay –peaceful    Masalimoot -chaotic

Ayon sa nagpaskel sa wikang Inggles:
Isang bagay na hindi ko matagalan ay ang di-tiwasay na mga tao.
Kailangang tanggapin ko, isinasama ko ang aking sarili na isa sa pinakadi-tiwasay na tao sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko matanggap noon maging ang aking sarili.

Nakatagpo ka na ba ng mga tao na di-tiwasay at laging humihingi ng atensiyon sa iba?
Papaano mo malalaman kung ang isang tao ay tiwasay o, di-tiwasay?

Hayaan ako na ibahagi sa inyo ang aking personal na mga pakikibaka sa di-tiwasay (inseguridad na pakiramdam) at kung papaano ito nadarama ng isang tao kapag siya ay walang katiwasayan.

Ang mga Pagkakaiba
Ang di-tiwasay na mga tao ay nakadarama ng pagka-awa (habag) sa sarili kapag nagtatagumpay ang iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay nagiging inspirado kapag nagtatagumpay ang iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay nakatuon sa kung ano ang mayroon sa iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay nakatuon sa kung ano ang mayroon sila.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay walang utang na loob (maramot), samantalang ang mga tiwasay na tao ay tumatanaw ng loob (mapagbigay) at mapagpasalamat.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay sumpungin at malungkutin, samantalang ang mga tiwasay na tao kadalasan ay mga masiglahin at mga masayahin.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay madalas ipinapahayag ang kanilang mga nakamtan o mga nagawa at laging itinataas ang mga sarili (binubuhat ang sariling bangko), samantalang ang mga tiwasay na tao ay bihirang magsalita nang tungkol sa kanilang mga nakamtan at sa halip ay pinupuri pa ang iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay inaagaw ang kredito (karangalan) na pinaghirapan ng iba, samantalang ang mga tiwasay na tao ay ibinibigay ang kredito kung kanino ito nakaukol.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay may kakayahang mangusap ng negatibo (nakakasira) na mga bagay at palapintasin, samantalang ang mga tiwasay na tao ay madalas na nagsasalita ng mabubuting bagay at mga kabutihan tungkol sa iba.
   Ang di-tiwasay na mga tao ay namumuhay na hindi kuntento (walang kasiyahan) at miserableng pamumuhay (masalimoot), samantalang ang mga tiwasay na tao ay masayahin at kuntento sa buhay.

Sadya kong pinasasalamatan ang Maykapal at nagawa Niyang alisin ang mga di-katiwasayan (inseguridad) sa aking sarili.
Ako ba ay tuluyang wala na nga nito? Hindi pa rin hanggang ngayon! Patuloy pa rin na kinikinis ko ang aking pagkatao para sa kabutihan ng lahat.

Ito ay isang pakikibaka sa araw-araw na kinakailangang harapin nating lahat.
   Kailangan natin na manatiling gising o namamalayan na tinataglay natin ang di-tiwasay na pakiramdam, kinakalaban ito o tinatanggihan ito, sinusupil at tahasang iniiwasang magawa.
   Matapos ang maghapon, hindi natin nais na palaging diskuntento at may miserableng mga buhay, bagkus ang manatiling matiwasay at maligaya.

Humingi ng tulong.
   Makipag-usap at makipagtulungan sa mga tao kung papaano makakagawa ng pagbabago.
   Manalangin sa Maykapal na pagpapalain tayo upang malagpasan at magtagumpay para dito.
   Katulad ng pagpapala na ibinibigay Niya sa akin at ako ay nagtatagumpay na malagpasan ito.

MAG-ISIP. MAGLIMI. ISAKATUPARAN.  …At ang lahat ay madali na lamang.

Hindi mo ba naiisip na mayroon ka pang mga hindi katiwasayan (inseguridad) sa iyong buhay?
Ano ang iyong plano upang mapaghusay mo ito para sa iyo at sa mga karelasyon mo?
Nagawa mo na bang ikumpisal at hilingin sa Maykapal na patawarin at pagpalain ka para malagpasan mo ito?
 Harinawa.

Isang pagsasalin mula sa wagasmalaya.blogspot.com


Tuesday, November 11, 2014

Paninindigan



Huwag pangambahan na harapin at tindigan ang mga bagay na iyong pinaniniwalaan, maging ito ay mangahulugan man nang iyong pag-iisa.

Naisin man natin o hindi, maraming pagkakataon na dumaraan sa ating buhay na nakadarama tayo ng pag-iisa sa tuwinang nalalagay tayo sa alanganin, kapag hindi tayo nauunawaan ng ating mga kausap. Lalong higit kung ang tinatalakay sa isang usapan ay labag sa iyong prinsipyo at hindi makatwiran. Subalit hanggat patuloy mong sinusunod ang iyong puso at ng iyong konsensiya at pinaninindigan ang nadarama mo na siyang tama, wala nang halaga pa anumang isipin ng ibang tao.
   Marami sa atin ang nagagawang talikuran at iwasan kung ano ang siyang tama at makatarungan. Sa dahilang ayaw nilang makasugat ng damdamin o pagsimulan pa ng gulo. Higit na makakabuti para sa kanila ang tumahimik na lamang at ipagkibit ng balikat ito na parang walang nangyari o nagaganap. May taguri tayo dito, “iwas-pusoy” 'ika nga ng mga ayaw makialam at natatakot na masangkot pa sa gulo. Hindi kataka-taka kung bakit marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nakalugmok at gumagapang sa kapighatian. Sapagkat ayaw nilang manindigan.at ipaglaban ang kanilang mga karapatang pantao. Laging naghihintay at umaasa na may milagrong magaganap pa.
   Kailanman, hindi ka gumigising tuwing umaga na masamang tao. Ito ay nagaganap sa libong mga pagsuko ng iyong paninindigan at makataong pagmamalasakit sa iyong kapwa. Dalawang pagkilos lamang ang namamayani dito: Ang umaapi at nagpapaapi; o, ang manloloko at nagpapaloko.
   Marami pa rin sa atin ang patuloy na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Gayong magagawa naman nating gumising kung nanaisin lamang...
 
Jesse N. Guevara 11/11/2014


Bilang Kaibigan


Kaibigan Ba Kita?


Magsaya Ka Naman


Monday, October 13, 2014

Tamang Pagpili Lamang



Ang kapangyarihan na magtatakda ng iyong kinabukasan ay nasa dulo ng iyong mga kamay.

Ngayon ang araw na simula, upang ipamuhay ang katuparan ng iyong mga pangarap! Simulan at ang lahat ay madali na lamang. Narito ang panimula ng mga tamang pagpili, sapagkat ang mga pagpiling ito ang siyang magpapakilala ng iyong magiging pagkatao at tatahaking kapalaran.
   Kahit na kung saan ka man ipinanganak o kung anuman ang iyong tungkulin sa buhay, edukasyon o antas ng pamumuhay, ang kapangyarihan na magtatakda at siyang makakaapekto sa iyong magiging kinabukasan ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Ang iyong kasalukuyang kalagayan ay hindi madedetemina kung saan ka magtutungo; ito ay kusang madedetermina kung saan ka magsisimula. Ngayon, sa araw na ito!
   Ang kasagutan nito ay ito: Anuman ang iyong pinili ay siya mong makukuha. Limang taon mula sa araw na ito, ikaw ay magiging eksakto ng parehong pagkatao na nasa iyo ngayon, maliban lamang doon sa mga pagpili na iyong gagawin magmula ngayon. Ito ang magpapasiya ng malaking kaibahan sa iyo ngayon, …at sa magiging ikaw sa hinaharap.
   Gumagawa ka ng maraming pagpili sa bawa’t araw—kung ano ang isusuot, ano ang kakainin sa agahan, kung saan dadaan patungo sa trabaho, sino ang kakausapin, atpb. Ito ay sapilitan at kinakailangang mga pagpili para mapadali ang iyong mga gawain sa maghapon. Sapagkat kung walang direksiyon at patama-tama lamang ang mga pagkilos mo, lalo na tungkol sa iyong sarili... ay makakatiyak ka, na anuman ang dumating sa iyong buhay, ito na lamang ang pagtitiyagaan mo.
   Subalit magagawa mo ding piliin sa pagitan ng mga kapasiyahang ginagawa mo sa maghapon; ang mga bagay na makakatulong sa iyo para mapadaling mabago ang iyong buhay para sa iyong ikakatagumpay. Ang mga makabuluhang pagpili na ito ay matalinong mga desisyon na makapagpapabago sa direksiyon ng iyong sarili—nagagawa nito na maisaayos ang iyong pananaw tungo sa tagumpay… at higit na mahalaga, at sadyang natatangi, ...nasa iyo ang pagpapasiya. 
   Ikaw lamang at wala ng iba pa ang tanging makakagawa nito para sa iyo.
   Ang mga tao na hinahangaan at mga huwaran ay hindi nabubuhay sa pagtupad ng mga nakalistang gagawin (to-do list); bagkus nabubuhay sila sa pagtugon kung papaano mapapabuti ang kanilang mga pagkatao (to-be list), nang hindi na kailangang huminto pa, kundi ang magpatuloy na makagawa ng malaking kaibahan. Upang makagawa ng ektra-ordinaryong bagay, kailangang ang extra-ordinaryong kaisipan at ekstra-ordinaryong mga pagkilos. Ito naman ay kung nais mong magtagumpay sa buhay.
   Ang kahusayan ay hindi aksidente. Ito ay laging resulta ng masidhing intensiyon, matapat na pagpupunyagi, at matalinong pagsasagawa; ito ay kinakatawan ng mahusay na pagpili sa maraming mga alternatibo—ang pagpili, at hindi tsànsâ, ang siyang nagdedetermina ng iyong kapalaran.

Hindi mo matatawid ang karagatan kung laging nakatayo sa pampang at patuloy na minamasdan ang dagat.

Kabutihan ang Kailangan


Pinagpapala ang mapagbigay nang walang naaala-ala. At maging 
ang mga tumatatangap nang hindi nakakalimot.


Kung nais mong maging masaya, nasa paglilingkod ang kasagutan. At kung nais mong maging maligaya, maglingkod sa tuwina. Walang bagay na magagawa mong makuha kung hindi mo muna  ito ibibigay. Kung nais mong igalang ka, gumalang ka muna. Unahin mo munang igalang ang iyong sarili, at sinuman ang nasa iyong tabi ay igagalang ka. Nais mong mahalin ka? Mahalin mo muna ang iyong sarili, sapagkat walang magmamahal sa iyo kung wala kang pagmamahal sa iyong sarili. Hindi mo magagawang ibigay ang bagay na wala sa iyo. Nais mo ng kaibigan? Kaibiganin mo muna ang iyong sarili, at kusang darating ang mga kaibigan na hinihintay mo. Dahil kapag nagawa mo ito, magiging madali na para sa iyo ang makipagkaibigan sa iba.
   Kapag nagagawa mong paglingkuran ang iyong sarili, inaaruga, iginagalang, at pinagyayaman; anumang larangan na iyong mapusuan ay magtatagumpay. Ito ay nakatakda at kusang magaganap. Ito ang tunay na tinutungo sa lahat ng may buhay sa mundo. Ang makapaglingkod at makagawa ng positibong kaibahan sa buhay ng iba—na magkaroon ng kahalagahan, pagkakakilanlan, at maiiwang pamana.
   Ang paggawa ng kabutihan ay likas sa ating pagkatao bilang bahagi ng lipunan na ating ginagalawan. Walang nabuhay na mag-isa sa pamamagitan lamang niya. Anumang pagkilos na ating ginagawa, lalo na kung nakakatulong sa iba ay nagdudulot ng pagbabago sa pamayanan. Ito ang ispirito ng bayanihan--ang pagtutulungan at damayan para sa kagalingang panlahat.
Nangyayari lamang ang mga kabuktutan at mga karahasan kung wala nang natitirang mabubuting mamamayan sa isang lipunan. Kung magagawa lamang na tanggalin ang maskara sa ating mukha at harapin ang katotohanan, mapagmamasdan natin na tayong lahat ay nagnanasang magmahal, ang mahalin, ang matanggap, ang pahalagahan, maging mapayapa, at makapaglingkod sa iba.
    Batid natin na ang ating pagkakalitaw dito sa mundo, na may tinutungo at may mga tungkuling nararapat na magampanan. Ang makagawa ng makabuluhang kaibahan sa ating kapwa at pamayanan. Ang pinakamatamis na damdamin ay ang maglingkod nang walang hinihintay na anumang kapalit, ngayon, bukas, at kailanman.
   Ang mainam na paraan para masumpungan ang sarili, ay ang makalimutan ito sa paglilingkod para sa iba.
   Napaglingkuran mo ba ang iyong sarili at ang iba sa araw na ito?

Ang Katotohanan