Monday, October 13, 2014

Tamang Pagpili Lamang



Ang kapangyarihan na magtatakda ng iyong kinabukasan ay nasa dulo ng iyong mga kamay.

Ngayon ang araw na simula, upang ipamuhay ang katuparan ng iyong mga pangarap! Simulan at ang lahat ay madali na lamang. Narito ang panimula ng mga tamang pagpili, sapagkat ang mga pagpiling ito ang siyang magpapakilala ng iyong magiging pagkatao at tatahaking kapalaran.
   Kahit na kung saan ka man ipinanganak o kung anuman ang iyong tungkulin sa buhay, edukasyon o antas ng pamumuhay, ang kapangyarihan na magtatakda at siyang makakaapekto sa iyong magiging kinabukasan ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Ang iyong kasalukuyang kalagayan ay hindi madedetemina kung saan ka magtutungo; ito ay kusang madedetermina kung saan ka magsisimula. Ngayon, sa araw na ito!
   Ang kasagutan nito ay ito: Anuman ang iyong pinili ay siya mong makukuha. Limang taon mula sa araw na ito, ikaw ay magiging eksakto ng parehong pagkatao na nasa iyo ngayon, maliban lamang doon sa mga pagpili na iyong gagawin magmula ngayon. Ito ang magpapasiya ng malaking kaibahan sa iyo ngayon, …at sa magiging ikaw sa hinaharap.
   Gumagawa ka ng maraming pagpili sa bawa’t araw—kung ano ang isusuot, ano ang kakainin sa agahan, kung saan dadaan patungo sa trabaho, sino ang kakausapin, atpb. Ito ay sapilitan at kinakailangang mga pagpili para mapadali ang iyong mga gawain sa maghapon. Sapagkat kung walang direksiyon at patama-tama lamang ang mga pagkilos mo, lalo na tungkol sa iyong sarili... ay makakatiyak ka, na anuman ang dumating sa iyong buhay, ito na lamang ang pagtitiyagaan mo.
   Subalit magagawa mo ding piliin sa pagitan ng mga kapasiyahang ginagawa mo sa maghapon; ang mga bagay na makakatulong sa iyo para mapadaling mabago ang iyong buhay para sa iyong ikakatagumpay. Ang mga makabuluhang pagpili na ito ay matalinong mga desisyon na makapagpapabago sa direksiyon ng iyong sarili—nagagawa nito na maisaayos ang iyong pananaw tungo sa tagumpay… at higit na mahalaga, at sadyang natatangi, ...nasa iyo ang pagpapasiya. 
   Ikaw lamang at wala ng iba pa ang tanging makakagawa nito para sa iyo.
   Ang mga tao na hinahangaan at mga huwaran ay hindi nabubuhay sa pagtupad ng mga nakalistang gagawin (to-do list); bagkus nabubuhay sila sa pagtugon kung papaano mapapabuti ang kanilang mga pagkatao (to-be list), nang hindi na kailangang huminto pa, kundi ang magpatuloy na makagawa ng malaking kaibahan. Upang makagawa ng ektra-ordinaryong bagay, kailangang ang extra-ordinaryong kaisipan at ekstra-ordinaryong mga pagkilos. Ito naman ay kung nais mong magtagumpay sa buhay.
   Ang kahusayan ay hindi aksidente. Ito ay laging resulta ng masidhing intensiyon, matapat na pagpupunyagi, at matalinong pagsasagawa; ito ay kinakatawan ng mahusay na pagpili sa maraming mga alternatibo—ang pagpili, at hindi tsànsâ, ang siyang nagdedetermina ng iyong kapalaran.

Hindi mo matatawid ang karagatan kung laging nakatayo sa pampang at patuloy na minamasdan ang dagat.

No comments:

Post a Comment