Pinagpapala ang mapagbigay nang walang naaala-ala. At maging
ang mga tumatatangap nang hindi nakakalimot.
Kung nais mong
maging masaya,
nasa paglilingkod ang kasagutan. At kung nais mong maging maligaya, maglingkod
sa tuwina. Walang bagay na magagawa mong makuha kung hindi mo muna ito ibibigay.
Kung nais mong igalang ka, gumalang ka muna. Unahin mo munang igalang ang iyong
sarili, at sinuman ang nasa iyong tabi ay igagalang ka. Nais mong mahalin
ka? Mahalin mo muna ang iyong sarili, sapagkat walang magmamahal sa iyo
kung wala kang pagmamahal sa iyong sarili. Hindi mo magagawang ibigay ang bagay
na wala sa iyo. Nais mo ng kaibigan? Kaibiganin mo muna ang iyong
sarili, at kusang darating ang mga kaibigan na hinihintay mo. Dahil kapag
nagawa mo ito, magiging madali na para sa iyo ang makipagkaibigan sa iba.
Kapag nagagawa mong paglingkuran ang
iyong sarili, inaaruga, iginagalang, at pinagyayaman; anumang larangan na iyong
mapusuan ay magtatagumpay. Ito ay nakatakda at kusang magaganap. Ito ang tunay
na tinutungo sa lahat ng may buhay sa mundo. Ang makapaglingkod at makagawa ng
positibong kaibahan sa buhay ng iba—na magkaroon ng kahalagahan,
pagkakakilanlan, at maiiwang pamana.
Ang paggawa ng kabutihan ay likas sa
ating pagkatao bilang bahagi ng lipunan na ating ginagalawan. Walang nabuhay na
mag-isa sa pamamagitan lamang niya. Anumang pagkilos na ating ginagawa, lalo na
kung nakakatulong sa iba ay nagdudulot ng pagbabago sa pamayanan. Ito ang
ispirito ng bayanihan--ang pagtutulungan at damayan para sa kagalingang
panlahat.
Nangyayari lamang ang mga
kabuktutan at mga karahasan kung wala nang natitirang mabubuting mamamayan sa
isang lipunan. Kung
magagawa lamang na tanggalin ang maskara sa ating mukha at harapin ang
katotohanan, mapagmamasdan natin na tayong lahat ay nagnanasang magmahal, ang
mahalin, ang matanggap, ang pahalagahan, maging mapayapa, at makapaglingkod sa
iba.
Batid natin na ang ating pagkakalitaw dito sa mundo, na may tinutungo at
may mga tungkuling nararapat na magampanan. Ang makagawa ng makabuluhang
kaibahan sa ating kapwa at pamayanan. Ang pinakamatamis na damdamin ay ang
maglingkod nang walang hinihintay na anumang kapalit, ngayon, bukas, at
kailanman.
Ang mainam na paraan para masumpungan ang sarili, ay ang
makalimutan ito sa paglilingkod para sa iba.
Napaglingkuran mo ba ang iyong sarili at ang iba sa araw na ito?
No comments:
Post a Comment