Saturday, August 03, 2013

Panatilihin ang Integridad




Huwag nang makipagtalo pa kung papaano dapat na maging uliran ang isang tao. 
Simulan na ito ngayon sa iyong sarili.

Ano ang kahulugan ng integridad?
   Isang disiplinadong ugali na nakabatay at nagpapanatili ng moral at pagiging uliran sa buhay.

May nagbabala na kung hahanap ka rin lamang ng mga taong uupahan mo at gagawing mga kawani sa iyong negosyo, tatlong katangian ang pamantayan: integridad, talino, at kasipagan. At kung sa tatlong ito ay wala ang integridad, ang sumusunod na dalawang katangian ang siyang magpapabagsak ng iyong negosyo. Pakaisipin ito, at ito ang totoo. Kung kukuha ka ng manggagawa o empleyado nang walang integridad, ang hinahanap mo lamang at sadyang nais ay mga tanga at tamad.

10 Ugali ng Taong may Integridad
1. Hindi pumapayag na tumanggap ng mababa pa kaysa nalalaman niyang nararapat na mapasakanya; sa salapi, sa trabaho, at maging sa relasyon. Anumang uri nang pagtrato niya sa sarili, ito din ang gagawing pagtrato sa kanya ng iba. Ayon sa kanya: Kung nais mong igalang ka ng iba, igalang mo muna ang iyong sarili. Kahit sinuman ay hindi ka pahahalagahan kung pabaya ka sa iyong sarili.
 2. Namumuhay nang matiwasay at naayon sa kanyang mga personal na kahalagahan at paninindigan. Higit na mainam ang maging tunay siya sa kanyang sarili, kahit mangahulugan ito na pagtawanan siya ng iba, kaysa maging mali at balatkayo, at sisihin ang sarili kung bakit naging tanga siya sa mahabang panahon.
 3. Hindi ginagawa ang mga bagay na hindi niya makakayang aminin, sapagkat kung ikinahihiya niya ito, nakakatiyak siyang ito ay mali at nakakasama sa iba.
 4. Binibigkas ang katotohanan, kahit na pagsisimulan ito ng alitan. Higit na mainam sa kanya ang isiwalat ang totoo at malunasan ito, kaysa hayaan at mauwi sa kapahamakan ang lahat. Isang integridad ang itanim muna ang katotohanan sa kanyang sarili, at buong katapatan na ipahayag ito sa iba.
5. Hindi niya ipinagbubunyi o ipinagyayabang ang kanyang mga talento o mga kakayahan, bagkus kung papaano niya magagamit ang mga ito sa kapakinabangan. Kung hindi ito tama sa kanya, hindi niya ito ginagawa. At kung hindi naman totoo, hindi na niya ito binibigkas pa.
 6. Ang katapatan niya ay hindi isang kasinungalingan. Ito ay ang paghahayag niya ng katotohanan, pagsasabi ng totoo, pamumuhay ng tama at makatuwiran, at tunay na may pagmamahalan sa kanyang mga karelasyon.
7. Pinipili ang kanyang mga nais batay sa kanyang paniniwala at hindi mula sa sulsol at paniniwala ng iba. Ayon sa kanya, madali ang maging sunud-sunuran sa iba, dahil karamihan sa atin ay ginagawa ito. Ang tama at sadyang mainam gawin, ay ang mabuhay nang naaayon sa iyong kagustuhan.
8. Hindi mandaraya sa anumang larangan. Paliwanag niya: Unti-unting nababawasan ang iyong kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili kapag ikaw ay sinungaling at mapag-imbot. Kasama din dito ang pagkasira ng iyong mga relasyon at reputasyon. Ang pagtitiwala sa iyong kakayahan at abilidad na magtagumpay ay kusang mawawasak nang walang katiyakan para maibalik pa kaysa dati.
9. Hinihingi ang nais at kailangan mula sa iba. Hindi malalaman ng iba ang kanyang kahilingan hangga’t hindi niya ito ipinapahayag. Ang walang kilos at panis ay nabubulok at iniiwasan, ngunit kapag ang turnilyo ay maingay, ito ay nilalangisan.

10. Ang Kanyang Panuntunan:
Ang kaisipan ay lumilitaw sa salita;
Ang salita ay kumikilos sa gawa;
Ang gawa ay yumayabong sa ugali;
At ang ugali ang nagpapatigas sa karakter ng iyong pagkatao;
…Kaya nga bantayan ang anumang iniisip at pakaingatan ang mga paraan nito,
At hayaan na ang sumibol dito ay tigib ng pag-ibig, at marubdob na pagmamalasakit sa lahat ng may buhay.
Tulad ng ating mga anino na sumusunod sa ating katawan, anumang ating iniisip, ito ang ating magiging pagkatao. Mula sa isip, sa salita, at gawa; isang kaganapan at kaligayahan ang maging tunay na Pilipino.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Natutulog Ka pa ba?



 
Ang mahusay na memorya ay ang masanay na kalimutan ang mga walang katuturan.

Marami ang nakakatulog sa maghapon. Bagama’t gising sila sa mga gawain o, anuman ang kanilang inaatupag, madalas nakakalimutan ang higit na mga mahalaga. Yaong mga bagay na kailangan bigyan ng kaukulang pansin. Ito ay ang mga tamang priyoridad na dapat unahin sa ating buhay. Hindi ang mga walang kabuluhan at walang kinalaman sa pag-unlad ng isip, mga relasyon, at pananalapi.
   Dalawang bagay ang dapat nating isaalang-alang; ang makamundong hangarin at ang ispiritwal na kaganapan. Sa mundong ito, ang higit na nakapangyayari ay ang tawag ng laman, mga materyal na bagay, pagpapayaman, paligsahan, panandaliang aliw, at makasariling panuntunan. Gayong ang lahat ng mga ito ay nawawalan ng saysay, kapag nakalimutan na ang tunay na misyon sa ating pagkakalitaw sa mundong ito. Kung sino ka, saan ka patungo, at anong pakay mo.
   May nagwika; “Ang mga bagay na hindi nakikita ang siyang pangunahing mahalaga.” Tulad ng Pag-ibig, Paglilingkod, Pagmamalasakit, Pagpapakumbaba, Pagdiriwang, Pagpapaubaya, Pagdalangin, atbp. Lahat ng mga ito ay nagmumula sa pinagsanib na isip, katawan, at kaluluwa. Ito ang bumubuo ng ating ispirito, ang kabubuan kung sino tayo at ang tunay na pagkatao na ating ginaganap sa araw-araw.
   Hindi tayo nakakatiyak sa anumang mangyayari sa bawa’t sandali, subalit ang higit nating dapat mabatid ay maunawaang mabuti na yaong mahahalaga at nadarama ang mahalaga sa lahat. At magawang iwasan at iwaglit na nang tuluyan ang mga bagay na walang kabuluhan. Ito ay mga pag-aaksaya ng panahon sa mga hindi nararapat pag-ukulan ng ating mga atensiyon. Ano ang mga ito: panonood sa telebisyon ng mga walang katuturan na panandaliang aliw, tsismis, buhay-artista, pag-usisa sa buhay ng may buhay, basketbol, pulitika, atpb. Kung wala naman itong kaugnayan at hindi talagang trabaho na mapagkikitaan, iwasan ang mga ito. Ang pagkahumaling dito ay tahasang kahirapan sa habang-buhay.
   Kung minsan, sadyang nakakatulong na sabihing ikaw ay hangal at karaniwan ang pag-iisip kapag nawiwili ka sa mga bagay na wala namang kinalaman sa iyong pag-unlad. Isa na dito ang usisain kung ano ang tingin o pangmalas sa iyo ng iba. Kinakailangan pang iba ang magpasiya kung ano ang tamang isusuot mong damit, pagsuklay ng buhok, tamang sapatos, at papaano gagawin ang maghapon sa buhay mo. “Walang bait sa sarili.” –ang tawag dito. Sulsulin at walang sariling direksyon. Palaasa sa iba at laging naghihintay na utusan.
   Kung may pagmamahal ka sa iyong sarili, huwag isaalang-alang ang opinyon ng iba tungkol sa iyo. Sapagkat maiiba ang direksiyon na iyong patutunguhan. Panindigan mo ang iyong tunay na hangaring pansarili. Higit sa lahat, anumang mangyari sa iyong kapasiyahan, ay ikaw lamang ang may tanging responsibilidad at tatanggap ng anumang magiging resulta nito. Maging mabuti o masaklap man, ikaw lamang ang panalo o natalo. Ang iba, amoyong lamang at nanghihingi ng balato.
   Pakaiwasang hingin ang pahintulot, paghanga, at mga papuri ng ibang tao. “Ginigisa ka lamang ng mga ito sa sarili mong mantika!” Ang nararapat ay unahin mong hangaan ang iyong sarili, pagbutihin ang iyong mga gawain, at maglingkod nang tapat nang walang hinihintay na anumang kapalit. Huwag nang hintayin pa na makita kang pambihira o matalino. Ang totoo; maging mapaghinala, kapag nararamdaman mong nagiging importante ka sa paningin ng iba, ...at nakakalasing ang mga papuring ipinupukol sa iyo. Magising ka naman! Bantayan ang sarili, sakaling makalimot ka sa huwad na pagkatao na ipinapalayaw sa iyo.
   Kapag napanatili mong matatag at tahasang nagagampanan ang tunay mong pagkatao, kusa mong makakalimutan ang mga huwad, mga balatkayo, at mga pakitang tao na nagpupumilit na ilihis at maligaw ka sa tunay mong misyon sa mundong ito: Ang maging tunay na Pilipino.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, August 02, 2013

May Taguri Ka Ba?

Ang taguring pintas ay siyang pinakamatibay na bato na ipinupukol ng demonyo sa tao. 

Bahagi ng pagkakakilanlan ang taguri o palayaw. Kung may pangalang Rudy, makikilala ito sa kalakip na taguri. Tulad ng Ruding-matsing, Ruding-suwag, Ruding-pusa, Ruding-talangka, at maraming iba pa. Dito sa amin sa Barangay Kupang, palasak na ito at sadyang nakaugalian na. Subalit ang ikinabit na taguri ay hindi tahasang katotohanan ng taong may taglay. Mga palayaw ito na ibinansag upang makilala kung sino ang taong tinutukoy at walang batayan. Ang nakakalungkot lamang dito, mula sa ama na naunang nabansagan, ito rin ang magiging bansag sa mga anak pati na sa mga apo. At kung mananatili na walang pagbabago sa kaugaliang ito, ay magpapatuloy sa susunod pang henerasyon ng angkan. Mainam sana ito kung ang taguri ay nakakasiyang pakinggan, subalit paano na kung umaaglahi, may alipusta, nanunuya at nakakasama na? Hindi ba nakakalunos kapag binansagang ka na, Berting- manyak?
   Kung magagawa nating tawagin ang mga bagay sa tamang kaparaanan, lalo na sa kapakanan ng isang tao, mauunawaan natin itong higit nang walang idinadagdag na inpormasyon o mga paratang na wala namang katotohanan at hindi nararapat. Madaldal ba siyang lagi kapag kinakausap? Bakit hindi natin banggitin na mabilis siyang magsalita, kaysa madaldal siya? Malaki ang pagkakaiba ng madaldal kaysa mabilis magsalita. Batik sa pagkatao ang madaldal, dahil walang pakundangan ito at nakakapinsala. Samantalang ang mabilis na pagsasalita ay kasanayan ng isang tao. Pangalanan ang sitwasyon o pagkilos sa tamang kaanyuan o kaganapan nito at hindi sa pagpintas o pagpalayaw mula sa paratang o paghusga.
   Kung may taong laging umiinom ng alak, huwag husgahan na siya ay isang lasinggero. Maaring bahagi ng kanyang ritwal ang uminom matapos kumain, subalit hindi ang magpakalasing. Nalimutan lamang na isauli ang hiniram, binansagan na ang humiram na mapag-imbot o magnanakaw. Hangga’t wala tayong nalalaman tungkol sa pagkatao ng isang tao at kailanma’y hindi nagawang maintindihan nang ganap ito, papaano natin magagawang magparatang nang walang mapanghahawakang katibayan?
   Huwag payagang malagay ang sarili sa kapahamakan mula sa mga haka-haka, mga paratang, mga sulsol na walang katibayan, at mga makasariling opinyon ng iba. Ang pagbansag bilang palayaw ng isang tao ay maling paraan ng pagkakakilanlan, lalo na kung ito’y makakasama sa kanyang reputasyon. Mayroon siyang tunay na pangalan at wastong nararapat na itawag sa kanya. Anumang idaragdag dito ay isang paratang at paghusga na walang batayan. Isa itong paninira, panunuya, at panliliit na humahantong sa alitan at kapahamakan. 

Wala nang sasaya pa kung maririnig mong tinatawag ka sa tunay mong pangalan nang walang karugtong ng nakakasirang palayaw.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mahalaga ang Sentido Komon



Higit na makalilibong mainam ang sentido komon kahit na walang edukasyon, kaysa may edukasyon na wala namang sentido komon.

Tumigil ka ba at inisip na kung nais mong makagawa nang higit pa, lalong wala kang matatapos kung hindi ka mahusay, matalino, matapang, at tahasang nagnanasang magtagumpay?
   Magkagayunma’y, ito ay nakasalalay sa iyong atensiyon sakali mang nagkukulang ka ng sentido komon o praktikal na kapasiyahan sa mga balakid at mga pagsubok na dumarating sa iyo sa araw-araw.
   Kung ating pakakalimiin, tayo ay may natatanging kapangyarihan na may maraming kakayahan. Mayroon tayong mga katangian na kahit hindi natin nababatid ay kusang lumilitaw kung patuloy ang ating mga pagsasanay sa mga gawaing kinalulugdan natin. May mga natatanging kalakasan tayo sa isip, sa katawan, at sa puso na nagtutulak para magawa ang ating mga naisin sa buhay. Kapag ginagamit natin ang ipinagkaloob na mga regalo sa atin nang wasto, matiwasay nating nakakamit ang mga lunggati. Subalit kung sa masamang kaparaanan at nagwawasak na mga paraan, nagkukulang tayo ng sentido komon sa magiging resulta ng ating tunay na intensiyon.
   Ang sentido komon ay kaalaman kung kailan kailangang huminto sa ginagawa, sakalimang ito’y nakakasama na. Ang kaalaman na talos mo na mayroon kang reputasyon na nais pangalagaan. May integridad ka na nais panatilihin, at prinsipiyong makatwiran na nais ipaglaban. Saklaw ng mga ito ang iyong pagkatao at nasa iyong sentido komon upang ito’y ipairal.
   Ang sentido komon ay nakikinig sa mga bahagi ng iyong pagkatao upang timbangin, pangalagaan, at itama ang iyong talino, kumpetensiya, at determinasyon. Bihirang ituro ang sentido komon at nakakamit lamang ito sa pagmamatyag, sa malinaw na paglilimi kung ano ang nasa tamang katwiran, at kapakinabangang matatamo. Ang sentido komon ay matamang pinag-aaralan at hindi namamana o nasa dugo mo. Kung lagi kang gising at mapanuri sa mga pangyayari at mga karanasang nagbibigay aral para sa iyo, nagiging madali na at praktikal para sa iyo ang pagpapasiya. Karamihan sa atin ay natutuklasan at nagagamit lamang ang sentido komon kapag matanda na. Kung kailan na ilang panahon na lamang ang natitira sa buhay. Higit na mainam na maaga itong matutuhan, habang bata at malakas pa. Upang magawang maiwasan ang mga pagkakamali at mga kabiguang darating sa iyong buhay. Iba na ang may sentido komon at laging handa sa mga panganib at kapahamakan.
   Ang sentido komon ay isang sandata na kailangang laging kawaksi mo. Isa itong abilidad para maisagawa nang wasto at may direksyion ang iyong mga talento at kakayahan. Hangga’t ipinaiiral natin ang sentido komon bilang gabay, higit tayong nagiging mahusay, mapaglingkod at matulungin sa iba.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan