Sa paninirahan, mamuhay nang
nakatindig sa lupa. Sa pag-iisip, gawin itong simpleng bagay lamang. Sa hidwaan, maging pantay at mapagbigay. Sa
pamamahala, iwasan ang pag-kontrol. Sa trabaho, gawin kung saan ka masaya. Sa buhay
pamilya, laging naroroon ka.
Sino
sa atin ang walang kagalit?
Abnormal at namumuhay lamang na mag-isa sa bundok
ang walang kagalit. Hangga’t kabilang ka sa lipunan ng mga tao, hindi mo
maiiwasang may makagalit. Kahit na ano ang gawin mo, magaan man o mabigat ito,
may natulungan o hindi natulungan, nakabuti o nakapinsala man, mayroon pa ring
sasabihin, pupurihin, pupunahin at pipintasin. May matutuwa, may maiinis, at may
magagalit. Wala kang itulak at kabigin. Lahat ay may kanya-kanyang opinyon. Ang
mahalaga sa lahat, ay ang panatilihin mong kumikilos ka at sinusunod ang sarili
mong opinyon.
Hindi
maiiwasan ang hidwaan sa ating buhay. Laging may
tunggalian, kumpetensiya, labanan, at lamangan. Hangga’t may paligsahan, may
nananalo at may natatalo. Bahagi na rin nito ang balatkayo, pagsasamantala, at
pandaraya. Kung tulog ka, malilinlang ka nang gising at harapang madudukutan nang walang
nalalaman.
Marami
ang naniniwala na mayroon lamang na dalawang opsiyon
na mapagpipilian sakalimang ang hidwaan ay mangyari. Kailangan lamang na umatungal
na tulad ng lion at ilapat ang ating paninindigan. O, ang tumahimik na tulad ng
maamong tupa at pagbigyan ang katunggali. Bawa’t kapasiyahang ito ay may
kaukulang kasagutan at kakahinatnan.
Ang
paggalang na maasahan mo mula sa kagalit ay batay lamang sa
ipinapakita mo; ang maging lion o maging tupa. Nasa ating kakayahan kung palaban o paatras,
pasulong o paurong, pa-kaibigan o pa-kaaway, pagkakagalit o pagkakasundo.
Alinman dito, ang iyong budhi ang tahasang masusunod; kapayapaan o karahasan,
kaligayahan o kapighatian. Tanging sa iyo lamang ang kapasiyahan, at
responsibilidad mo ang magiging resulta nito.
Ang
hidwaan ay mistulang anghang at palabok.
Tulad sa pagkain, para lalo itong maging malasa, nilalagyan ng
paanghang o palabok na nagpapa-linamnam. Sa buhay, ang hidwaan ang
nagpapatalino, nagpapalakas, at nagpapatapang sa iyo na makibaka sa mga
pagsubok na dumarating. Ang paglalaban ay isang pagpili.
Ang iyong kapasiyahan ang magtatakda kung magiging maligaya ka o
mapighati sa
kapalarang ninanais mo.
Palaban ka ba o palasuko?
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment