Ikinuwento
ito ng aking ama noong ako’y nasa elementarya pa, “Mayroong isang matalinong
lalake noon na madalas dumalaw sa aming nayon. Marami sa aking mga kanayon ang
laging nanunumbàt sa kanya dahil sa kakaiba niyang ugali kapag pinupuna at
pinipintasán. Lagi siyang nakangiti at sa halip na sumagot ng pabalang para
makaganti ay inaayunan pa at pinagpapalà ang nagpukol ng maanghang na salita
laban sa kanya.
Isang araw ay naparaan ito sa aming bahay,
nang isang pangkat na mga kalalakihan at kababaihan ang dumating na galing sa bukid at
nagsimulang insultuhin siya sa kanyang pananamit. Gaya ng dating nakagawian
nito, lumapit siya sa pangkat at pumikit, kasabay ng panalangin na pagpalain ng
Diyos sa umagang ito ang nasabing pangkat.
Nang makaaraan na ang pangkat, isa sa aming
kapitbahay ang nakaismid na nagpahapyaw: “Kung
anu-anong pintás at insultò ang
ginawa nila sa iyo, at sa halip na ipagtanggol mo ang iyong sarili, tinugon mo pa
sila nang magiliw at may kasunod pang panalangin ng pagpapala, at
naggagalaiting nanuyà “Ano ka ba, estatwang bato na walang pakiramdam?”
At ang matalinong tao na ito ay mahinahong
sumagot, “Bawat isa, sinuman sa atin ay
maihahandog lamang kung ano ang
mayroon sa kanya.”
-------------o
Buhat noon, tinandaan
ko na ang makahulugang kuwento na ito bilang aral kapag pinupuna at
pinipintasan ako ng iba. Tatlong sitwasyon ang natutuhan ko; Una, hindi nila
matanggap ang naging kalagayan ko sa buhay; Pangalawa, pinipilit nilang mabalik
ako sa dati na mababa pang higit kaysa kanila sa pamamagitan ng mga salaulang
palayaw at paninirang-puri; at Pangatlo, Lagi silang nakaabang at naghihintay
ng pagkakataon na ako ay magkamalì, dahil isang selebrasyón para sa kanila na
maikalat ito para hiyain ako.
Higit ko silang pinasasalamatan kaysa mga
kaibigan ko, sapagkat nang dahil sa kanila lalo pa akong naging maingat at
nagsumikap pa nang husto para paunlarin ang aking sarili.
Talagang katotohanan; na kapag pinigà mo ang
kalamansì, walang lalabas dito kundi kung ano
ang mayroon dito, …ang katas ng kalamansì.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment