Pinakuluang Palaka
Ipinapakita ng mga pag-aaral sa mga laboratoryo na ang palakà
kapag inilagay sa isang batyà na may tubig
mula sa sapà, siya ay mananatiling buhay habang pinakukuluan ang tubig
sa batyà. Habang unti-unting umiinit ang tubig, walang anumang reaksiyon ito sa
palakà at ito ay mamamatay lamang kapag nagsimula nang kumulò ang tubig.
Sa kabilang tagpo, kung ang buhay na palaka
ay ihahagis sa katulad na batyà at may kumukulong tubig, sa isang iglap,
mabilis itong tatalon para makaligtas. Mapapasò siya ng kumukulong tubig ngunit
buhay siyang lumuluksó palayo sa batyà.
Nakasulat
ito: Sa ating pagtunghay sa buhay,
maitutulad tayo sa pinapakuluáng palakà. Hindi natin napapansin ang mga
pagbabago sa kapaligiran at maging ang ating mga sarili. Kadalasan, iniisip
natin na anumang bagay ay mabuti, o anumang masamà ay lilipas din, at panahon
lamang ang makapagsasabi sa bandang huli kung kaligayahan o kapighatian ang
ating tinutungò.
May ilan sa atin, bagamat nasa huling yugto
na ng kanilang mga buhay ay patuloy na inaapuyán ng mga suliranin at mga maling paniniwala. Hindi pa
nila magawang magbago, higit pa nilang mamatamising mamatay nang nakapalupót sa
kanilang mga leeg ang mga baluktót nilang katwirán.
Ang iba naman, kahit patuloy sa pagtabà ay
hindi maawat-awat sa katakawan. Hanggang sa maging sakitin at ito ang maging
dahilan ng kanilang kamatayan. Mayroon ding malakas magsigarilyo at uminom ng
alak, na nagsimula sa isa, naging dalawa, at hanggang sa dumami na bilang bisyò
at kahumalingan na ito, at sa kalaunan ay siyang pumapatay sa kanila.
Doon sa mga tao (mga pinakuluáng palakà), ay may paniniwala na ang susi ay manatili
sa tungkulin, maghintay, at patuloy na umasà. Higit na mabuti para sa kanila ang
sumunod at huwag makialam kaysa masangkot at maparusahan. Hindi kataka-taka na
gawin silang mga palabigasán at gatasán sa kanilang pagbabád sa tubig nang
walang pakiramdam.
Subalit doon sa lumulundag at sinasagpáng ang bawat oportunidad, umiiral sa kanila ang kalidad at kakayahan, pagsisikhay, at pagtupad sa kanilang mga pangarap.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment