Kinakatakutan
ang isang batis na nasa liblib ng kagubatan sa bundok ng Mariveles. Nababakuran
ito ng mga itim at matutuwid na poste sa magkabilang panig, at kapansin-pansin kaagad
kung napapadaan dito ang mga mangangahóy o mga namamanà (hunters). Ayon sa mga taga Bataan, mayroong isang matandang
engkantado dito na naninirahan at lumilitaw lamang sa mga taong may katapangan
na humarap sa kanya. Mahaba ang buhok pati na ang balbas nito at nakagagawa ng
maraming kababalaghan. Kapag tinatamaan ng sikat ng araw ang napakagandang
damit nito ay nagsasalimbayan ang iba’t-ibang kulay na nagmumula sa mga
diyamanteng palamuti nito. May hawak itong makintab na tungkod na may
kapangyarihan. At kapag nais magpakita ay mistula itong usok na biglang
sumusulpot at mabilis ding nawawala.
Isang taga lungsod ng
Balanga ang nagpasiyang puntahan ito at harapin. Nais niyang patunayan sa mga
kakilala na matapang siya at kung may katotohanan ang kumakalat na balita
tungkol dito. Isang tag-araw, ay sinimulan niya ang paglalakbay, at makalipas
ang ilang araw ay sinapit niya ang nakatagong batis sa pinakaliblib ng
kagubatan. Tulad ng balita, napapalibutan ito ng mga itim at matutuwid na
poste.
Nilakad niyang paikot
ang batis, naroong kumanta, sumayaw, hatawin at gawing tambol ang mga posteng itim
na nakahilera sa batis, at magtampisaw sa tubig upang kumuha ng atensiyon sa
makakarinig ng kanyang ingay. Ilang oras din ang nakalipas nang mapansin niya
ang maliwanag na usok sa halamanan. Bagama’t sinagilahan siya ng takot at
panginginig ng mga tuhod ay pinalakas niya ang kanyang tinig, “Sino
ka man, ay magpakita sa akin! Hindi ako natatakot sa iyo!”
Unti-unting nagkahubog
ang maputing usok, hanggang lumantad ang matandang engkantado. At mahinahon
itong nagtanong, “Bakit ka narito, may
kailangan ka ba sa akin?”
“Oo, nais kong pagkalooban mo ako
ng kayamanan mo!” Ang mariing tugon ng lalaki na hinahabol ang paghinga
sa matinding pananabik.
Sa pamamagitan ng
kanyang mahiwagang tungkod ay pinalo ng engkantado ang tatlong maliliit na bato
sa kanyang paanan. Bigla itong umusok at nang mapawi ay naging mga ginto
ito. Napadilat at sumigid ang matinding paghahangad sa lalaki. Ilang saglit
ding hindi siya nakahuma at nagsimulang mag-isip sa nagaganap na magandang
kapalaran.
“Kunin mo at humayo ka na. Nais kong mapag-isa sa katahimikan ng pook na
ito.” Ang banayad na pakiusap ng engkantado.
“Hindi, may . . . kailangan
pa . . .ako!” Ang mapusok at nagkakandautal sa pananabik na pag-uutos
ng lalaki.
Muli, ikinumpas ang
tungkod at hinataw ng matandang engkantado ang pito pang mga bato na magkakaiba
ang laki. Tulad ng nauna, naging mga ginto rin ito.
“Hayan pa ang iba, para sa iyong lahat ito. Iwanan mo na ang pook na ito sa
kanyang pananahimik.” Ang may
pag-suyong pakiusap ng engkantado.
“Hindi, mayroon pa ako higit na
mahalagang kailangan sa iyo!” Ang mariing pag-uutos ng lalaki sa
matanda na halos mistulang siya na ang may karapatan at may-ari ng buong
kagubatan.
“Kailangan ko ang kapangyarihan na
nasa iyo!” Ang mabalasik na muling pag-uutos ng walang pagkasawang
lalaki.
Bumalatay ang matinding
kalungkutan sa matanda at nag-aalalang nakiusap muli ito sa lalaki, “Humayo ka na, sapat na ang mga gintong iyan
sa iyong buong buhay. Lisanin mo na ang pook na ito at hayaan sa kanyang
pananahimik.”
“Balewala ang mga gintong iyan sa
akin, ang nais ko’y higit pa riyan!” Ang mataginting na bulyaw ng
lalaki sa matanda.
“Ano pa ba ang talagang nais mong mapasaiyo?” Ang may
pag-aalinlangan na tanong ng matanda.
At marahas na sumagot
na may paniniyak ang lalaki, “Nais kong mapasaakin ang tungkod na hawak
mo!”
Biglang sumagitsit ang
makapal na usok sa kinatatayuan ng lalaki, na sinalimbayan ng iba’t-ibang kulay
na mga nakakabulag na liwanag. At nang humupa ito ay naging isang maitim at matuwid
na malaking poste ang lalaki, na animo’y tungkod na nakabakod sa batis. Tulad
ng kanyang mataos na kahilingan, hindi lamang napasakanya ang tungkod, at sa
kanyang walang pagkasawang paghahangad, napuspos itong mabuti at naging
kawangis siya ng tungkod.
Hinaplos ng matandang
engkantado ang bagong poste na nakadikit sa iba pang mga nakahilerang mga
poste, at malungkot na umusal, “Ilan pa
kayang tulad mo ang mangangahas at hindi magawang pahalagahan ang anumang
biyayang nakamtan? Marami pa rin ang hindi masiyahan sakìm
at walang
pagkasawà.”
---------------------------------------------------------------------------------------------------o
Marami sa atin ang tulad nito,
walang pagkasawa sa anumang mayroon sa kanila. Higit pa roon sa mga nasa
katungkulan, hangga't may nakukuhang mga salapi at kapakinabangan ay hindi
humihinto sa pagsasamantala, kahit na ang ninanakaw nila ay nakaukol sa mga
kinakapos at mga nagdarahop sa lipunan.
Gayong sa huling
sandali ng kanilang mga buhay, kahit na isang hibla ng sinulid ay wala silang
madadalang anupaman. Bagay na sobra sa iyo, ay kinuha at inagaw mo lamang mula
sa bibig ng iba. Panahon na, upang gisingin natin ang ating mga sarili na
walang kahihinatnan ang maging palalo at nabubuhay sa karangyaan. Umaagaw
lamang ito ng ibayong pansin upang ikaw ay maging biktima ng karahasang ikaw
din ang may sanhi.
Aba'y mag-isip
tayong mabuti sa mga nangyayaring kaganapan sa ating kapaligiran. Hindi
na gawang biro ang mga nagdudumilat na mga katotohanang nagaganap. Gumising!
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment