Sa isang kapilya ng Barangay Kupang ay may nagdarasal na pastor nang gambalain siya ng isang pulubi.
"Nagugutom ako, maaari bang bigyan mo ako ng pagkain?" ang amuki nito.
Ang pastor ay halos nagdidiliryo na sa taimtim niyang pagdarasal, paungol-ungol at halos makakamit na ang perpektong kawagasan ng ispiritong lumulukob sa kanya, ay hindi tumugon, nakapikit at nagpatuloy sa pag-ungol na tila idinuduyan.
"Pastor, talagang gutom na gutom na ako. Bigyan mo ako ng makakain", ang kalabit at pahibik ng pulubi.
Naiinis na dumilat ang pastor sa naramdamang kalabit sa kanyang kanang siko, "Ginulantang mo ang aking panalangin, istorbo ka!"
"Pumunta ka sa bayan at doon ka humingi, kahit kanino, ay may magpapakain doon sa iyo!" - ang pabulyaw na utos ng pastor sa pulubi.
"Hindi mo ba nakikitang abala ako sa pagdarasal? Pinipilit kong makipag-ugnayan sa aking anghel nang gambalain mo ang aking panalangin," ang naiiritang himutok ng pastor.
Napangiti ang pulubi sa tinuran ng pastor at tumugon, "Nagpakumbaba ang Diyos, bumaba mula sa langit nang higit na mababa pa kaysa mga tao, hinugasan ang kanilang mga paa, ibinalita ang katotohanan, ibinigay ang Kanyang buhay para sa kanila, subalit walang nakakilala sa Kanya."
Siya na nagsasabing minamahal ang Diyos; ay hindi nakakakita, at nakakalimutan ang kanyang kapatid, ...ay nagsisinungaling."
Kung mismong nasa iyong tabi ay hindi mo magawang mahalin, papaano mo magagawang mahalin yaong hindi mo nakikita."
Pagkaturing nito ay biglang nagbagong anyo ang pulubi at naging anghel.
"Nakapanghihinayang, halos makakamit mo na ang kaluwalhatian at makakausap ako, subalit minabuti mo pa ang maging makasarili," ang malungkot na pahayag ng anghel at lumipad na lumisan ito.
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment