
Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, kung BAKIT walang
nalalaman, o pitak sa kanilang mga puso ang anumang kataga sa awitin at
panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino.
Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin.
Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa
ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto kung bakit iilan at
bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala,
bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan
mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at
pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating
sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong
lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho
na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan.

Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? Kahitt man lamang sa araw ng ating kasarinlan? Kaya mo nga ba?
At kung hindi naman, magsimula nang sauluhin ang mga ito. Ito naman ay kung nais mong matawag na isa kang Pilipino.
Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at mga nagkukunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi makayang awitin ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan.
Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang baog na banyaga na naghahanap ng sariling lungga.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan