Hanggat hindi binabago ang
maling paraan,
laging
may problema na walang kalunasan.
Kailangan Mabago ang mga Nakagawian
Noong kasagsagan ng pagtotroso sa
Bataan, naglipana ang malalaking lagarian ng troso na gumagawa ng mga
tabla sa maraming pook sa lalawigan. Halos magkakatabi ang mga ito, at
laging nangangailangan ng mga manggagawa. Isang araw, isang matipunong
lalaki ang nagprisinta sa kapatas ng lagarian sa Barangay Sta.Rosa, sa
bayan ng Pilar. Dahil baguhan, pinagsanay muna ito ng ilang araw sa
pagpalakol sa mga troso. At pinangakuan na kung mabilis itong matututo,
ay madaragdagan ang kanyang sinasahod.
Matapos ang pagsasanay, ay binigyan siya
ng isang palakol at dinala sa kagubatan na kung saan doon siya
magsisimulang pumutol ng mga punongkahoy.
Sa unang araw, sa hangaring mapalaki ang
kanyang kikitain at mapuri ng kapatas, maghapon nitong pinag-ibayo ang
pamumutol ng troso at nagawa naman niyang makapagbuwal ng 22 puno.
“Aba’y ginulat mo ako ngayon! Kabagu-bago mo pa lamang ay nakagawa ka na ng 22 troso,” ang paghangang binigkas ng kapatas. “Magpatuloy ka pa, at tataas ang sahod mo. Bawa’t troso ay mayroon pang karagdagang bayad.”
Lalong ikinatuwa ng lalaki ang huling
binanggit ng kapatas, at kinabukasan lalong nagsumikap pang madagdagan
ang bilang ng kanyang napuputol na mga puno. Subalit sa buong maghapon,
18 troso lamang ang kanyang nagawa.
“Bukas, maaga akong gigising at sisimulan ko kaagad ang pamumutol, nang sa gayon ay makarami ako ng troso.” Ang pangakong usal nito upang mapalitan ang naging kakulangan na troso sa araw na ito.
Kinabukasan, lalong pinag-ibayo niya ang
pamumutol sa maghapon, ngunit nakaputol lamang siya ng 13 puno. At sa
sumunod na araw ang nagawa lamang niya ay 9 na troso. Bawa’t araw,
pakaunti nang pakaunti ang kanyang napuputol, gayong higit niyang
pinag-iibayo ang lakas at pamumutol para dito.
“Palagay ko’y nawawala na ang dati kong lakas at humihina na ako. Hindi ito ang trabahong angkop para sa akin,”
ang may pangangatwirang bulong nito sa sarili. Minabuti niyang pasyalan
sa opisina ang kapatas, upang humingi ng paumanhin sa pagbabago ng
kanyang kakayahan sa pagputol, at magpaalam na sa kanyang trabaho.
Isinalaysay ang lahat ng kanyang mga
ginawa at ipinaliwanag na halos ubusin niyang lahat ang kanyang lakas
maparami lamang ang bilang ng napuputol niyang mga troso. Subalit wala
ring ibinunga bagkus lalong pa itong nangaunti.
May pag-aalinlangan na nagtanong ang kapatas, “Kailan mo huling inihasa ang talim ng iyong palakol?”
Biglang nagitla at napabulalas ang lalaki, “Hah? Kailangan bang maghasa? Wala akong panahon para dito, kasi ang buong iniisip ko lamang ay maparami ang bilang ng napuputol kong mga puno!” Ang walang kagatul-gatol nitong pangangatwiran.
----------------------------------------------------------------------------------------------o
Bihira
ang gumagawa ng ganitong kaparaanan. Madalas sa pagmamadali,
nakakalimutan ang pinakamahalagang bagay at mga pangunahing prioridad sa
buhay. Kung saan komportable, maginhawa, at hindi mahirap gawin, doon
nakatutok ang atensiyon. Laging pag-iwas ang paraan kapag nasasalang na
sa mga mahihirap na gawain. Kapag nais may paraan, ngunit kung hindi ay
may dahilan. Walang patutunguhan ang mga ganitong asal, kung ang
hangarin ay mapaunlad ang kalagayan sa buhay.
Marami ang mabilis na sumusuko at
nawawalan ng pag-asa, kapag napaharap na sa tunay na paghamon at
pagkilatis sa kanilang mga kakayahan. Gayong higit na mahalaga ito kaysa sa mga inuuna na madadaling mga gawain. May nagwika, "Kung ako ay bibigyan ng walong oras sa pagputol ng mga puno. Uubusin ko ang unang apat na oras sa paghahasa ng aking palakol."
Pakatandaan lamang:
Kung hindi makaya ang ginagawa, gumawa ng paraan, at kung wala pa ring
magandang resulta, humingi naman ng tulong. Huwag mabilis na umiwas o
takasan man ito. Gawin ang makakayang lahat at huminto lamang kung
hinihingi na ng pagkakataon. Ang nagwawagi ay hindi umaayaw, at ang
umaayaw ay hindi nagwawagi. Walang nilaga sa walang tiyaga. Anumang
kasangkapan o katangian ang mayroon ka, nagangailangan ito ng
pagsasaayos, paghahanda, at kailangang paghahasa.
Iba na ang matalim kaysa mapurol.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment