Marami na akong
nakita at naranasang magugulong relasyon, subalit ang away mag-asawa ang
namumukod tangi sa lahat. Mistula itong itinaga ang gulok sa tubig at nang itaas ang gulok muling nagsama ang tubig. Sapagkat sa ilang sandali lamang, matapos ang halos
na magpatayang pag-aaway, balik ulit sa normal na relasyon ang mag-asawa. Isa
itong malaking palaisipan sa walang hintong alitan ng mag-asawa; na kung saan
ang lalaki at babae ay isinisisi ang kanilang mga kabiguan at 'galit sa mundo' sa
sandaling magkita silang dalawa pagdating ng hapon o pagkagaling sa trabaho. Magsisimula
ang pagtatalo at palitan ng mga maa-anghang na pananalita kahit na sa mumunting
bagay na walang halaga. Laging may isyu at dahilan ang bawa't bagay. Kahit na takip ng toothpaste na hindi naibalik ay Word War III na ang katumbas.
Doon sa iba, sa mga
mapayapa at matatag na relasyon ng pagsasama, ang mag-asawa ay may panahong
isantabi ang mga maghapong mga karaingan at kapaguran. Hindi nila binibigyan ng
malaking atensiyon ang normal na kaganapan sa maghapon, sa paniwalang bahagi
ito ng buhay upang maging matatag at matiwasay na magpatuloy sa mga gawain.
Maaaring nagpapalitan ng mga kuro-kuro at opinyon sa parehong problema at
maging sa antas ng kanilang ipinagkaiba, subalit mayroon silang kabatiran na
maging magalang at magiliw sa isa’t-isa. Sa halip na mainitang pagtatalo na
humahantong sa alitan ay mga haplos, mga yakap, at mahinahong pananalita ang
isinusukli ng bawa’t isa.
Kahit na
magpatuloy ang talakayan sa mga isyu, lalo na kapag kasangkot ang mga kaanak sa
magkabilang pamilya, ibayo nilang pinahahalagahan at iginagalang ang kanilang
relasyon. Nauunawaan nila na higit silang may pagkakataon na maging masaya kung
pipiliin ang respeto at kahalagahan ng isa’t-isa sa kanilang pagsasama. Hindi
ang mga pasakitan, mga pagbabanta, mainitang pagtatalo, at mga pangpasama ng kalooban.
Ayon sa aking ama, tatlong persona ang kasangkot kapag mayroong pagtatalong namamagitan
sa pag-uusap; si Lalake, si Babae, at si Relasyon. Bago magsimulang uminit
ang palitan ng mga katwiran, ipinauuna sa lahat ang nagmamasid at higit na
nakauunawang ‘persona ay si Relasyon.’ Lagi itong nakamatyag, nag-aalala, at
nananalanging huwag humantong sa alitan ang simpleng mga usapan.
Kung may
pagsasaalang-alang ang mag-asawa sa kanilang relasyon, anumang pagtatalo ay
kusang tumitigil at ang paghingi ng paumanhin ang siyang umiiral. Subalit doon
sa mga batikan at beterano na sa ganitong mga pag-aaway, tila musika at
ipinaghehele sa duyan ang kanilang mga nararanasan. Balewala na sa kanila kahit
saan humantong ang kanilang buhay, kahit na sa dulo ng impiyerno, basta
maipakita ng isa, na siya lamang ang may katwiran. ‘Ika nga sa Inggles, “My
way, or the highway!”
Walang Saysay na Taltalan
Hindi na
kailangan pa na magkaroon ng tamang pakiramdam o maghintay ng tamang
pagkakataon, ang mahalaga ay maipadama ang kabaitan sa isa’t-isa. Kahit na
yaong mga maiinitin ang ulo ay may nakatago ding kabaitan. Ang kailangan lamang
ay pagtitimpi at maging mahinahon sa kausap. Hindi ang madala o padadala sa kainitan ng
pagtatalo; na biglang sumasabog at tila binagsakan ng sangkaterbang unos na wala
nang makapipigil sa matabil at matalim na dila. Madali ang pumasok at mangibabaw sa
pagtatalo, lalo na kung personalan na at pati yaong mga nakatagong kamalian at ‘dumi’
ng personalidad ay ipinangangalandakan, ngunit matapos ito, papaano pa mababawi ang mga salitang halos dumurog sa kaluluwa ng
kataltalan?
Madali ang magpakawala ng mga salitang
mapanira, humahamak, at dumudurog sa pagkatao ng isang tao, subalit ito ba ang talagang kailangan at nararapat
para gisingin at baguhin ang kausap? O, bahagi
ito ng pagsupil at pagkontrol sa kalayaan ng katalo?
Bugbugin mo sa katawan
ang isang tao at ito’y kanyang malilimutan. Subalit ang saktan ang kanyang
damdamin ay mapait na alaala sa kanya magpakailanman.
Ano ba ang tamang paraan o ang matuwid na
landas para sa mag-asawa? Ang pasakit o pagpapasama ng kalooban ay
madaling
daan para makuha ang gusto. Huwag lamang sumang-ayon at mangatwiran
kaagad ay
isa pa. Maging ang hindi pagkibo, mabilis na reaksiyon nang walang
paglilimi, sadyang palasagot at madaling mainis ay mga paraan din.
Ngunit, ang mga ito’y palaban
at patungo sa malaki pang hidwaan na kalimitang humahantong sa matinding
pagkakagalit
at hiwalayan.
May bumanggit, “Kung
manghuhuli ka ng langaw, higit na mabuti ang pulot
(honey) kaysa suka
(vinegar). Kaya nga sa tawag pa lang
na “Honey, may kailangan ka ba?” ay malaki ang nagagawa sa pagsasama. Napakasimple
lamang na paraan sa lahat ang . . . magiliw, mahinahon, at mapagmahal na
atensiyon. Dahil narito ang respeto, pagdakila (honor) at pagpapahalaga sa namamagitang relasyon.
Naranasan at patunayan ko na ito ang mahalagang formula sa pagasasama: Minamahal ang mga babae ngunit hindi inuunawa. Hindi minamahal ang mga lalake kundi inuunawa.
Sa pag-aasawa; kailangan ang lalaki ay bingi, at ang babae naman ay pipi.
Sa mga lalaking
may asawa, yakaping mahigpit ang inyong maybahay at tagalan ito kaysa dati.
Kailangan ito ng inyong maybahay. Dagdagan ito ng halik. Maiibigan niya ito. Lalo
na kung siya ay nakatalikod at may ginagawa sa kusina o saan mang panig ng
bahay. At kung kakausapin siya, tumitig sa kanyang mga mata nang may pang-unawa, may pagmamahal, at tinatanggap
na siya man din ay naghahanap ng pagmamahal sa iyo. Huwag mo nang intindihin
pa ang tungkol sa iyong sarili, bagkus ibuhos mong lahat ang iyong atensiyon sa kanya,
dahil higit niyang kailangan ito kaysa iyo. At sa puntong ito, mapapaluhod siya
sa kaligayahan, at pasasalamatan ang Diyos sa pagkakaroon ng isang asawa na
tulad mo, na patuloy na nag-aaral na matutuhan kung papaano mahalin siya nang
buong puso.
Siyanga
pala, bago ko malimutan, may isa akong mahalagang sekreto sa patuloy na pagsasama at wagas na pagmamahalan.
Napakasimple at dalawang kataga lamang, “Yes, dear? …”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment