Saturday, July 08, 2017

Ang Buhay ng Mag-asawa








Ang layunin ng mag-asawa ay hindi magkatulad nang iniisip,
kundi ang magkasamang mag-isip.
N
akasalampak ang mister sa sopa at may hawak na bote ng serbesa sa isang kamay, patuloy ang panonood nito sa telebisyon sa kanilang sala. Maya-maya ay tinawag nito ang abalang asawa sa kusina, Ha-ha-ha . . . ‘Ling, halika rito maganda at nakakatawa ang palabas sa telebisyon.” 
   “Sandali ‘lang, tinatapos ko pang lutuin ang ibabaon ni Junior bukas, sa ‘school excursion’ niya.” Ang paliwanag ni misis. Habang hinihintay ang niluluto, ay sinimulang hugasan ang mga ginamit na kasangkapan sa lababo. Matapos ito ay nilinis naman ang lamesa, inihulog sa basurahan ang mga naging kalat at mga balat ng gulay, at pinunasan ang lamesa ng basang basahan.
   “ ‘Ling bilisan mo! At talagang nakakatawa itong palabas, ha-ha-ha. . . Matatawa ka rin kapag pinanood mo ito.” Ang pangungulit na amuki muli ni Mister sabay lagok sa bote ng serbesa na tangan nito.
   “Oo na, paririyan na ako, sandali na lamang,” ang humihingal na tugon ni misis habang nagpupunas ng kamay sa suot na apron nito. Kapagdaka’y kinuha ang supot ng tinapay at gumawa ng sandwich na pambaon sa eskuwela ng dalawa pang anak nila. Iniligpit ang mga kaldero, kawali at mga sandok na ginamit. Inilabas mula sa freezer ang karneng iluluto bukas sa tanghalian. Kinuha ang pinamili kangina, at naglabas ng kahon ng cereal at inilipat ang laman nito sa malaking garapon. Kinuha naman ang supot ng asukal at inilagay sa isang lalagyan na may kutsarita. Binuksan ang isang garapon ng kape at kumuha ng ilang takal at inilagay sa coffeemaker, nilagyan din ito ng tubig. Kumuha ng mga plato, mga baso, mga tasa, mga mangkok, at mga kubyertos at inaayos ang mga ito sa lamesa, nang muling humiyaw si Mister mula sa sala.
   “Ano ka ba, eh, matatapos na itong palabas nariyan ka pa sa kusina? Bilisan mo naman! Ang bagal-bagal mo!” Ang may pasinghal na pag-uutos ni mister kay misis na abala sa kusina.

   Nagpupunas ng pawis sa noo si Misis ng tumabi sa asawa habang ito’y muling nagbubukas ng pangatlong bote ng serbesa. “Ano bang palabas iyan at tawa ka ng tawa?” ang tanong nito sa Mister na panay ang lagok sa serbesa.
   Pairap itong tumingin at sinimulang sermonan si Misis, “Sana sinamahan mo akong pinanood ito sa simula pa lamang. Nagtatampo na ako sa iyo at wala ka ng panahon sa akin . . .” Nang mapansin nitong nakapikit si Misis at naghihikab. Siniko niya ito upang gisingin sa pagkakaidlip, Ano ka ba, eh, tutulugan mo ‘lang pala ang panonood! Ang bulyaw nang nayayamot na Mister kay Misis. Pupungas-pungas na tumindig si Misis at mahinahong nagsalita, Pasensiya ka na sa akin, ay, siyanga pala, iiwan muna kita at tatapusin ko lang ang ginagawa ko, ha ..? ‘Ling?

“Sige na, iwan mo na ako. Palibhasa’y asawa mo na ako, hindi mo na ako iniintindi, pweh!  Ang paninisi ni Mister at sinaid ang serbesa sa bote. 
   Tahimik na nagtungo sa kuwarto si Misis, kinuha ang ang mga maruruming damit at inilagay sa batya, pinatulo ang tubig para mababad ito at malabhan niya bukas. Kinuha ang mga nakasampay, inilabas ang plantsahan at nagsimulang mamalantsa. Matapos ito ay sinulsihan ang mga maluluwag na butones. Tiniklop ang mga naplantsa, inilagay ang iba sa mga hanger, at ipinasok sa aparador. Inihanda ang polo, pantalon, panyo, na isusuot ni Mister bukas. Naghanap ng medyas na katerno ng pantalon, nilinis at pinakintab pati ang sapatos nito.
   Kinuha ang charger at isinaksak ito sa outlet at ang dulo ay isinaksak naman sa cellphone ni Mister. Kinuha sa drawer ang listahan at isinulat ang mga ipinagbilin ni Mister na bibilhin niya bukas sa supermarket. Nag-inat, naghihikab, ngunit patuloy na binilang ang perang gagamitin ni Junior sa school excursion nito bukas, inayos ang mga kailangan nito at isinilid sa bag na dadalhin ng anak, nilagdaan ang report card ng kanilang bunso, sinulatan ang birthday card at nilagyan ng selyo ang sobre para ipadala sa kapatid ni Mister. Pumasok sa banyo at nilinis ito, naghugas ng mga kamay, naghilamos ng mukha, nilinis ang mga braso at mga paa, naglagay ng moisturizer sa palibot ng katawan, nagsipilyo, sinuklay at inipit ng mga clips ang ilang panig ng buhok, naglagay ng sabon pampaligo at toilet paper sa lalagyan nito, at nagwisik ng pampabango sa banyo. Lumabas sa banyo at tinanong si Mister na nasa harap pa rin ng telebisyon at naghahanap ng ibang estasyon na mapapanood. 
   “Akala ko ba ay matutulog ka na?” Ang mahinahong pahayag ni misis kay mister.
   “Iwanan mo nga ako, . .hik .. hik .. at hindi pa ako inaantok. Hik, ..hik . .hik.” Ang tugon nang sinisinok na Mister at lasing na. Hindi man lamang nilingon ang nag-aalalang asawa.

   Nagtuloy si Misis sa may bakuran, at nagtungo sa bahay ng aso, naglagay ng pagkain sa kainan at binuhusan ng tubig ang palanggana nito, inilabas ang pusa, sinidihan ang ilaw sa harap ng bahay, at ikinandado ang gate sa labas. Bumalik sa loob ng bahay at pinuntahan ang silid ng mga anak, hininaan ang tunog sa radyo, pinulot ang mga nakakalat na mga maruruming damit at inilagay sa malaking basket na plastik. Masuyong tinanong ang anak sa ginagawang homework nito kung kailangan siya at nang tumango ito ay tumabi sa anak at nagturo sa aralin nito sa eskuwela. Matapos ito ay lumipat sa kuwarto nila ni Mister, inayos ang alarm clock, inilabas ang isusuot niya bukas, hinanap ang paborito niyang sapatos, hinubad ang damit, humarap sa tokador at nagpabango, isinuot ang padyama, at lumuhod sa gilid ng kama at nagdasal ng pasasalamat sa nagdaang maghapon, at naghihikab itong humiga, nag-inat at mahimbing na nakatulog.
   Sa sala, nayayamot si Mister at wala na siyang mainom na serbesa, pinindot ang remote control, tumayo at nag-inat, susuray-suray itong pumasok sa kanilang kuwarto ni Misis, lumatag sa kama, at maya-maya pa’y naghihilik na ito. 

Ganoon lamang . . . . .
Ang karaniwang tagpo sa buhay mag-asawa.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

No comments:

Post a Comment