Pinagkalooban ka ng
imahinasyon para magkaroon ng reyalidad at hindi pantasya.
Isa kang pambihira at natatangi bilang IKAW wala pang katulad mo
ang lumitaw at lumakad sa buong mundo; noon, ngayon, at sa mga darating pa na
mga panahon. IKAW ay perpekto bilang IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop,
at Wagas), walang labis at walang kulang; sukat na sukat sa iyong
buong pagkatao. Ikaw ay kaisa-isa bilang IKAW sa buong sansinukob – kaya nga
wala kang karapatan na hatulan ang iyong sarili na walang kaalaman o kakayahan
man lamang, walang maganda sa iyo o walang sapat na magagawang anuman. Kapag ganito
ang pagturing mo sa iyong sarili, winawalang halaga mo kung bakit lumitaw ka pa
sa mundo. Gayong ang pagkakalalang sa iyo ay upang gampanan ang kaluwalhatian
ng iyong pagkakalitaw. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nabubuhay ka pa
hanggang sa ngayon.
Nababalisa
at binabagabag ka ng mga samutsaring mga alalahanin sapagkat hindi mo pinag-uukulan ng pansin kung sino kang talaga sa mundong ito. Hanggat
patuloy kang nagpapabaya sa bagay na ito, kailanman ay hindi ka magiging maligaya.... hindi kataka-taka na pati bangungot ay aliwin ka sa iyong
pagtulog.
Maaaring
namali ka, o nadadapa ka sa tinatahak mong landas, subalit hindi ito ang
batayan para kagalitan o mawalan ka ng pag-asa para sa iyong sarili. Alalahanin
na dumarating sa iyong buhay ang mga bagay na ito para subukan at mailabas ang
mga natatago mong katangian. Mga oportunidad ito na kusang ipinupukol sa iyo ng
tadhana, para tumibay at maging matatag ang pagdadala mo sa iyong sarili.
Likas
kang mabuti, may natatanging kagandahan, sadyang matulungin, may naiibang
kakayahan at kahanga-hanga. Dangan nga lamang, ang pambihirang mga katangiang
ito ay nakatago at kailangang mailabas mula sa iyong kaibuturan. Ito ang iyong banal tungkulin para sa iyong sarili.
Kung minsan kapag ikaw ay nalilito at naligaw, natatagpuan mo ang iyong
sarili.
No comments:
Post a Comment