Friday, February 27, 2015

Ang Iyong Daigdig ay Repleksiyon Mo



Hindi kung saan ka nakatingin ang mahalaga, kundi ang iyong nais na makità.
Hindi lamang sinusulyapan o tumitingin ka, tinititigan mo ang inaasahan mong nais na makita. Anumang kalakasan o enerhiya na ipinupukós mo isang bagay, ito ay bumabalik sa iyo. Paglimiin ang mga ito: Kapag umaasa at naghihintay ka ng ibayong pagmamahal, pakikipag-kaibigan, magiliw na pagtanggap, suporta, kasaganaan at patuloy na tagumpay – at masikhay mong pinangangatawanan ang mga kalidad na ito sa iyong sarili – mabilis na ipinagkakaloob ng Sansinukob ang mga ito sa iyo. Katulad ito ng batís na hindi matapus-tapos at walang pagkaubos.
   Kung ikaw ay magalang, sinusuklian ka din ng mga nakapaligid sa iyo ng paggalang. Kung marunong kang magmahal, marami din ang magmamahal sa iyo. Kapag mapaglingkod ka, higit kang paglilingkuran ng mga natutulungan mo. Anumang bagay, aksiyon at alingawngaw na ginagawa, ibinibigay, at ibinabato mo, maraming ulit na ibinabalik sa iyo.
   Sakalimang mga kabaligtaran ang iyong ipinamumuhay katulad ng pagiging maramót sa mga bagay at walang pakialam sa iba, magiging mailáp din ang mga tutulong sa iyo at pati na mga oportunidad ay kusang lalayo sa iyo. Kung hindi ka magiliw o may pagsuyó, ang tiyak na makakamit mo ay ganito ding damdamin, at malamang pa na iwasan at tuluyang layuan ka ng iyong mga kasamahan.
   Ito ay nakasulat: Anumang iyong itinanim, ito rin ang iyong aanihin. Kung ano ang iyong iniisip, ito ang iyong gagawin. Imposibleng santol ang itinanim mo ay mag-aani ka ng kaimito. May ngiti ka sa labi, may ngiti din itong sukli. May simangòt kang sinimulan, may simangòt din sa iyo ay iiwan. Matiwasay ang buhay mo, kapayapaan ang idudulot nito. Sa sipag at tiyaga, kapalit ay buhay na masagana. Kapag tamad naman at pabayà, ang katumbas nito ay kahirapan at kapighatian. Anupat bawat kilos mo ay may katumbas na kakahinatnan. At kung nais ay kaligayahan, magsakripisyo na maging ulirán! Dahil narito ang kapayapaan. 
   Totoo ito: Ang mga tao na may depresyon, hindi malimutan ang nakaraan; Ang mga tao na may mga bagabag, ay natatakot sa hinaharap; Subalit yaong mga tao na may kapayapaan, ay masaya sa kasalukuyan.
Walang kinalaman ang mundo na nakikita mo, dahil ikaw mismo ang tagalikhà ng sarili mong mundo.

No comments:

Post a Comment