Tanungin ang Sarili
kung ipinagbibili, ito ba’y makatao o makasarili?
Kapag may katanungan mayroon itong
kasagutan. Bagay na lumitaw, may pinanggalingan, at kung may itinanim, mayroong
aanihin. Ang mabisang tanong ay ito: Ikaw ba ay mahalaga? May maitutulong ka
ba? Mayroong ka bang pagmamalasakit sa iyong kapwa?
Magtanong tayo sa mga
nakapaligid sa ating buhay.
Tanungin ang bahay kung saan ka
nakatira: “Hoy bahay, ikaw ba ay kagamit-gamit?
-Kung tutuusin, wala ka namang ginagawa kundi ang tumayo lamang sa araw-araw, walang ginagawa na
parang may hinihintay.
At ang bahay ay sasagot:
“Bahay nga akong naturingan, subalit
puwedeng manirahan sa akin ang sinuman. Kung may pagmamahalan, ako ay isang
tahanan. Isa akong kanlungan tuwing may daluyong at pahingahan naman sa
maghapon. Sa gabi kapag nakapinid ay pananggâ ako sa sinumang tampalasán. Wala
na akong mahihiling pa kundi ang maging bahay na sa tuwina'y kapaki-pakinabang.”
Tanungin ang punong-kahoy sa tabing daan: “Hoy punô, bakit nakabaon ka sa lupâ? -Lagi
ka na lamang nakatayó at nagpapalipas ng oras sa maghapon!”
At ang
punong-kahoy ay sasagot: “AKO ay
punong-kahoy at laging handang tumulong kaninuman. Tungkulin ko ang magbunga ng
pagkaing prutas sa lahat ng may gusto sa akin. Nagbibigay din ako ng lilim sa mga nais magkanlong tuwing tag-init at salay sa
mga ibon para sa kanilang mga inakay. At kung ako ay matanda na, ginagawa akong mga tablá
para maging kasangkapan, at sa huli ay panggatong ako sa mga lutuán. Ito ang
aking pangarap at masaya kong tinutupad!”
Tanungin
ang bulaklák sa hardin: “Hoy bulaklák,
mayroon ka bang silbî?” -Wala kang ginawa kundi ang mamulaklák ng parehong
bulaklák hanggat nais mo. Wala ka na bang pagkasawa sa paulit-ulit mong ginagawa?
At ang bulaklák ay
sasagot:
“AKO ay maganda at mabango, ang
kagandahan ang aking hangarin, isa ako sa mga nagkukulay at nagpapaganda sa
kapaligiran kaya ako ay nabubuhay. Hinahalina ko rin ang mga bubuyog at mga insekto para sa pagpaparami ng mga bunga at buto sa mga halamanan at punong-kahoy. Ang tangi ko lamang hiling, damihan pa aking
mga bulaklák para ang tao at lahat ng may buhay ay lalong magalák!”
Tanungin
ang ilog sa
gilid ng bundok: “Hoy ilog, bakit ka agus
nang agos? -Patuloy ang iyong pagragasâ, gayong wala ka namang patutunguhan
kundi ang ang ultimong karagatan.”
At
ang ilog ay sasagot: “AKO ay ilog;
ang tubig ko ay pandilig sa mga halaman, paraan din ako sa paglalayag; isa akong daluyán para
makarating sa patutunguhan, at dahil sa akin maraming kasayahan ang
ipinagdiriwang. Sa buhay na ito, pinipilit kung maging ilog, upang gawing
mahalaga ang sa akin ay ipinagkaloob.”
Tanungin ang tao
sa
iyong tabi: “Hoy tao, ano ang halaga mo? Ikaw ba ay may nagawa na at dapat ipagsayá? Nabubuhay
ka ba para kumain o ang kumain para mabuhay? Paikut-ikot ka at napakalikot na
tila natatakot, at laging nabubugnot sa pagkabagot. Saan ka ba talaga pupunta?
At ang tao ay sasagot:
“Ahh, ewan ko, iniisip ko pa, sana
ay…
...at sasalitan ito ng katahimikan.
...at sasalitan ito ng katahimikan.
Humarap
sa salamin at tanungin ang sarili, “Sino nga ba AKO?
Kung hindi alam ang patutunguhan, saan mang direksiyon ay mapupuntahan.
No comments:
Post a Comment