Wednesday, February 25, 2015

Ang Layunin ay maging Ikaw



Wala sa tsansá, kundi sa iyong pagpili ang iyong reyalidad.
Hindi ka lumitaw sa mundo para magkaroon ng maraming pera sa bangko, ang makabili ng malaki at magarang bahay, maging modelo at kanais-nais ang iyong anyò, makamit ang mataas na posisyon sa iyong trabaho, magkaroon ng maraming ari-arian at magliwaliw sa magagandang pook upang masiyahan. Habang pinipilit mong makamtan ang iyong mga lunggati at mga pangarap na ito, mayroong pambihirang bagay na iyong isinasakripisyo at kung hindi maaagapan, ay tuluyan mo itong makakaligtaan.
   Ang natatangi at tunay mong hangarin ay ang lubos na maging IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas). Ang malaman at matutuhan ang iyong pagiging kaiba kaysa karaniwan. Ang alamin ang iyong pambihirang pagkatao na idinudulot ng pinagsanib na mga simbuyò o pasiyon, mga interes, mga ideya, mga natatagong katangian at mga potensiyal na kakayahan. Ito ang kailangang pagtuunan mo ng ibayong atensiyon, dahil ito ang iyong tunay na misyon: Ang tuklasin nang ganap kung sino kang talaga, na matutuhan mong mahalin ang iyong sarili nang sa gayon ay magawa mong magmahal din ng iba. Sisirin mo ang mga ito sa kalaliman ng iyong kaibuturan at magawang maranasan ang kasiyahan at kaligayahang hinahangad mo.
   Pag-aralan at sanayin ang sarili na matamo ang pinakamataas na kaganapan ng iyong pagkatao. Sapagkat narito ang tunay na dahilan kung bakit ka lumitaw sa mundo. Lahat ng mga bagay na nakapaligid sa iyo, ang mga bagay na nakamit at tinatamasá ay mawawalang lahat ng saysay kung wala kang sapat na kaalaman at pagkilala kung sino kang talaga.
Bakit???
   -Dahil kapag nagawa mong mahalin ang iyong sarili, magagawa mong magmahal din ng iba. Hanggat hindi umiiral ang pagmamahal na ito sa iyo, wala kang karapatan na magmahal ng iba. Sapagkat hindi mo magagawang ibigay ang bagay na wala sa iyo.
Ang mumunting mga kapasiyahan na ginawa nang paulit-ulit ang siyang may malaking nagagawa.

No comments:

Post a Comment