Tuesday, October 04, 2011

Tandasang Panloloko

Isang Sulyap ng Pandaraya ng mga Pinuno sa DPWH (Department of Works and Highways) 
   Sa nakaraang bagyong Peping, marami itong sinalanta sa Luzon at isa ang kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila. Sa larawan sa kaliwa, Ipinapakita dito na nasa  Roxas Blvd. daw sila sa tabi ng nasirang sea wall at ginagampanan ang kanilang makabayang tungkulin kuno.

   Ito'y sina Undersecretary Romeo Momo, Director Rey Tagudando, at District Engineer Mkunug Macud. Nagpasiya silang lumikha ng pampa-pogi points na makasama sa larawan at maipakitang sila ay nagmamalasakit sa sambayanan.


   Isang panggagaya ito sa kahiya-hiyang ginawa sa bansang China, na kung saan tatlo ding opisyal sa pagawaing bayan ang nagkukunwaring may inspeksiyon sa daan. Umani ito ng katakot-takot na tuligsa, hindi lamang sa buong China, higit pa itong pinagtawanan sa buong mundo.

                                                                                     Ang ginayang larawan na binatikos sa buong mundo.

   Ngayon, sa halip na huwag itong pamarisan, at maging matalino sa pagtahak ng 'Matuwid na Daan' ang tatlong bugoy na walang magawang tama sa ating departamento (DPWH) ay lantarang dinaya ang larawan sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanilang ibang kuhang larawan sa background ng nasirang sea wall; dinagdagan pa ito ng pantawag-pansing drama ng tatlo na nag-aalala; na tinaguriang mga batikang artista ng departamento.


   Narito pa ang ilang larawan na umani ng kakaibang papuri at paghanga hindi lamang sa Pilipinas, sa Facebook, sa Twitter, etc., at  maging sa mga pangunahing pahayagan sa buong mundo. Ito'y dahil sa pagpapakita ng kanilang mahiwagang kakayahan na makapunta kahit saang panig ng mundo o natatanging okasyon, at maging sa mga naging tanyag na pelikula.


   Kaya pinilit nilang makagawa ng naiiba at namumukod tanging larawan upang maipakita na sila'y masikap at talagang nagtatrabaho sa kanilang mga gawain sa DPWH; ay malikhaing sinasalamangka nila ang kanilang mga posisyon sa larawan.

Nagpasiya silang makasama sa isang palabas sa telebisyon na may pamagat na Heroes. Dahil mga bayani silang naturingan sa sinalamangkang larawan, ayon sa kanila.


At ayon sa mapagkakatiwalaan ding inpormasyon sa DPWH, mahilig ang tatlong ito sa mga salamangka ng kanilang mga mahiwagang gawain.




  Nainggit ang isa sa kanila, at nagmungkahing makasama nila sa larawan ang sikat na Beatles habang bumabagtas ang mga ito sa Abbey Road. Dahil ayon sa kanila, higit sila ngayong tanyag pa kaysa Beatles sa pagpapakita ng kanilang pagmamalasakit sa bayan.










   Nagprotesta ang isa naman, at sinabing sa dami ng kinikita nila sa kanilang trabaho at mga bonus na natatanggap, mas sikat at tanyag pa sila kaysa Beatles. Kaya inalis nila ito sa larawan at sila na ang nasa pedestrian line ng Abbey Road.

   Naging masaya ang tatlo, subalit naisip nilang iilan na lamang ang nakakakilala sa Beatles ngayon, dahil sumikat ito noong dekada '70 pa. Kaya nag-isip pa ang tatlo kung papaano sila higit na sisikat. Dahil may balak ang isa sa kanila na kumandidato sa darating na halalan.




   Naisip din nila na maging kasama ng mga sikat na action stars ng Hollywood. Dahil marami sa ating mga kababayan ang mahilig sa mga pelikulang hitik sa mga aksiyon at payabangan.





"Maganda siguro kung nasa games tayo at pati na ang mga kabataang naglalaro  nito ay mabighani natin at hangaan tayo, di bah?" Ang malinaw na amuki ng isa na naglalaro sa kanyang high-tech na cell phone ng kinagigiliwan niyang child games.


"Huwag na 'yan, mas papatok kung doon na lamang tayo sa buwan at maipakita nating kahit saan at anumang sulok o layo ay pinupuntahan natin upang maipakita na gumagawa tayo sa ating mga trabaho!" At sabad naman ng isa pa.

"Oo nga naman, payag ako diyan!" Ang dugtong ng isa, "at nakakatiyak ako, kung sa planetang Venus, marami sa ating mga kababaihan ang matutuwa pa sa atin."




"Dapat naman! Sa katunayan, mga bayani rin tayo. Para makita nila na para tayong si Rizal din. Magagawa din nating maging mga sikat na bayani, kung gugustuhin lamang natin." Ang pagmamalaki naman ng isa pa.

"Oo nga naman, tutal nasa pagawaing bayan tayo, makakagawa tayo ng marami nating rebulto." Ang paglilinaw ng isa, habang kaway ng kaway sa mga nagdaraan na tila kakilala niya ang lahat.


   Nagtalo sila at inisip pa kung saan sila higit na magiging tanyag. Halos inabot na sila ng maghapon. At padilim na ay pinagpipilitan pa ring makaisip kung papaano nila maipapakitang nagmamalasakit din silang totoo para sa bayan.

Nayayamot na ang isa, at bubulong-bulong dahil isa man sa mungkahi niya ay tinanguan lamang ng dalawa.


Ang utos ng isa, "Magmeryenda muna tayo!" Ginutom tuloy ako sa dami ng ating tinatalakay at nais na maipakitang mga magagandang trabaho natin.








"Huwag muna, mag-isip pa tayong mabuti." Ang mungkahi ng isa na tila pantas kung mag-isip.

Sumabat namang muli ang isa, "Pumunta tayo sa yungib at doon natin ito pag-usapan! Walang makakagambala sa ating mga usiserong reporter."

"Sige," ang sang-ayon naman ng dalawa.



"Paborito ko si Leonardo Dicaprio, sumama tayo sa pelikula niya." Ang susog ng isa naman.

"Palitan natin ang titulong INCEPTION ng pelikula; at gawin nating  "INSPECTION" para makasama tayo sa inspeksiyon." Ang pagmamagaling nito.

"Bah, maganda 'yan. Payag ako diyan!" Ang kagalakang susog naman ng isa.




"Mag-surfing na lang tayo, para lumitaw na tunay at maraming maniwala sa atin!" Ang pakli naman ng isa, sabay irap pa sa dalawa.

"Para sa kalikasan din ito, lilitaw na makaKalikasan pa tayo." Ang dugtong pa nito.






"Di ba may sumikat na buwaya? Para mas sikat tayo kaysa doon sa pinakamalaking buwaya. Ipakita natin na tayo ang nakahuli dito. Di ba mas hanep ito?" Hindi naman nila mahahalata ng mukha tayong buwaya, ahh!" Ang pangungulit naman ng isa, na halatang seryoso sa pagkakatitig nito sa dalawang kasama..





"Kung sa patanyagan lamang, mas higit na maganda, eh, doon na lang tayo sa may guhong gusali sa bansang Greece. Dahil tanyag at makasaysayan pa ito." Ang diskarte naman uli ng naiinis na isa, dahil hindi siya mapagbigyan sa kanyang mga mungkahi.





"Sa palagay ko, higit na makikilala tayo kung si Presidente Obama ang kasama natin. Tignan ko lang, kung hindi sila mamamatay sa inggit sa katanyagan nating tatlo." Ang malakas na pahayag naman ng isa na talagang ayaw magpatalo.







"Hindi, oy! Mas sikat pa kay Obama si Harry Potter, bah! Doon na lang tayo kay Harry Potter." Ang sunggab naman ng isa na ayaw ding patalo.






   "Kung pasikatan at patanyagan din lamang bakit hindi pa tayo sumama sa banal na larawan ng Last Supper, higit tayong makikilala dito. Wala ng makakahigit pa sa atin, mistula na tayong mga santo na rin dito sa ating ginagawang pagmamalasakit sa bayan." May paniniyak at kayabangang paliwanag ng isa, bilang pagtatapos sa kanilang talakayan.


   At ito nga ang kanilang napagkasunduan. Kaya higit silang pinalakpakan at pinuri sa kakaiba at natatanging trabaho na ginagawa nila para sa sambayanang Pilipino.

   Kung sa isang maliit na larawan ay nagagawa nilang mandaya; papaano na kung daan-daang milyon at mga bilyon ang tumataginting na halaga ng mga pagawaing bayan? 

Papaano na?

Paalaala: Isusunod na sa serye ng Mapansin Mo Kaya, ang Phil. DPWH vs. China DPWH  bilang kasunod na kabanata ng Pilipinas kay Ganda vs. Polska kay Ganda


Mga larawang ipinadala dito sa internet ng mga hindi mapakaling kababayan natin sa matindi nilang 'paghanga' sa maparaan, malikhain, at katangi-tanging 'kasipagan' ng tatlong bugoy sa DPWH. At isama na rin natin ang mga batikang bugoy sa ating departamento ng Turismo.


wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment