Monday, October 24, 2011

Ang Maging Masayahin

 Ang kaligayahan ay kapag . . . kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkaugma.

   Ang maging masaya ay pangkaraniwan, lahat tayo ay nagnanais na maramdaman ang maging masayahin sa tuwina. Ang pagiging malungkutin ay kasiphayuang nagdadala lamang ng maraming kapinsalaan sa atin. Sinisira nito ang ating pagdadala sa sarili at kalusugan. Kahulilip nito ang mga pag-uugaling; mayamutin, bugnutin, magagalitin, at inis-talo. Samantalang ang masayahin ay nagtuturo sa atin na lalong maging masigla at makipag-ugnayan sa bawa’t isa. Nagpapa-alaala ito na tamasahin natin ang bawa’t sandali sa ating buhay.

   Nagkakaroon lamang ng kabuluhan ang ating buhay sa pagpapahalagang iniuukol natin dito, at walang kaligayahan tayong madarama kundi sa pamamagitan lamang ng mga masiglang pagkilos upang tayo ay maging masaya.

   Ang kasiyahan ay nagpapahiwatig na ang bawa’t araw ay napakahalaga. Sapagkat walang isang nagdaang araw sa ating buhay ang mauulit pang muli. Hindi na maibabalik pa ito, kundi ang sariwain na lamang sa ating mga guni-guni. Bawa’t araw ay mapipili natin ang maging masaya. May kapangyarihan at kalayaan tayong piliin na mabuhay na kalakip ang ating mga pagpapahalaga, at mapipili natin na magpasalamat sa kamangha-manghang mga posibilidad na ibinibigay sa atin ng tadhana. Nasa atin lamang kapasiyahan kung positibo o negatibo ang ating mga saloobin para dito.

   Kung tayo ay matiwasay, may kapayapaan ng loob at masayahin, malaking pagbabago ang magagawa nito sa ating lipunan. Mababawasan ang karumaldumal na mga krimen, magkakaroon ng pagkakaisa, at ang lahat ay masiglang nakatuon sa pag-unlad ng pamayanan. Sa bawa’t araw na ikaw ay masaya, itinataas nito ang antas ng kasayahan sa kapaligiran. Hangga’t ipinaiiral natin ang ating mga kahalagahan at mga pananaw sa kabutihan ng lahat, pinatutunayan nito ang ating kontribusyon o pagkalinga sa kaligayahan ng sinuman.

   Huwag nating panatilihin ang kasiyahan sa ating mga sarili, ipadama ito sa bawa’t nakakadaupang-palad natin. Ipalaganap ito at higit pang kasiyahan ang mapapasaatin. Lagi lamang tandaan ang mga sumusunod:

Kung nais mong maging masaya sa isang oras ---umidlip, o manood ng mga katatawanan.

Kung nais mong maging masaya sa isang araw---mangisda, o ang magtanim ng halaman o  
      punongkahoy.

Kung nais mong maging masaya sa isang taon---tumanggap ng pamana, o ang ipamudmod ang mga   
      kagamitan at kasuutang hindi na kailangan pa, sa mga nangangailangan.

Kung nais mong maging masaya sa buong buhay---maglingkod sa iyong kapwa.

  Anumang karanasan ang pinagdaanan mo, at batid na ang mga ito’y mga leksiyon lamang upang ikaw ay lalong maging matibay sa pakikibaka sa buhay, magagawa mong maging masigla at masaya. At hangga’t ito ang nananaig sa iyo, lalo pang magpapatuloy ang iyong kasiyahan. Magsisimula kang maging matatag, masagana, at may makahulugang pandama ng kaligayahan at katiwasayan na magsisilbing patnubay sa iyong buhay.

   Bawa’t sandali ay napakahalaga, huwag nating pabayaan itong maglaho nang walang makabuluhang bagay na nakapagdulot sa atin ng kaligayahan. Lahat tayo ay ipinanganak na may kakayahang maging masaya, at sakaliman na masaya o malungkot ka ngayon, magagawa mo pa ring lalong maging masaya. Ikaw lamang ang tanging makapagpapasiya nito para sa iyo: Ang maging Masaya o Malungkot.

Pakalimiin lamang ang mga ito:

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang taon,
     . . . tanungin ang isang estudyante na hindi nakapasa at mag-uulit muli sa dating grado.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang buwan,
  . . . tanungin ang isang ina na nagluwal ng sanggol na kulang sa buwan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang linggo,
  . . . tanungin ang isang patnugot ng pahayagan sa pagkakabalam ng kanyang panlinggong pahayagan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang araw,
  . . . tanungin ang isang negosyante nang hindi niya maipadala ang iladong produkto.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang oras,
  . . . tanungin ang magkasintahan na naghihintay na magkita at hindi naganap.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang minuto,
  . . . tanungin ang isang tao na hindi nakasakay sa nakaalis na sasakyang  tren.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang segundo,
  . . . tanungin ang isang tao na nakaiwas sa malagim na sakuna nang humahagibis nilang kotse.

   At sa karagdagang kaalaman, pakibalikan lamang ang pahinang may pamagat na ‘Si Maghapon; Ang Gintong Panahon’ upang lalong mabigyan ng kahalagahan ang bawa’t sandali. (Ang pag-uulit ng pagbasa ay katumbas ng pagsasanay. Paulit-ulit ito hanggang sa maikintal sa isipan at maging bahagi na ng iyong kabatiran.)

   Ang pagiging masayahin ay bahagi ng kaligayahang ating minimithi. Katulad ito ng pag-ibig, hangga’t patuloy ang iyong pagmamahal, lalo kang mamahalin. Hangga’t ikaw ay nagbibigay, lalong higit ang iyong matatanggap. Ito ang itinakda ng tadhana at tahasang nagaganap sa sangkatauhan. Sa katunayan, kapag nagagawa mong maging masaya ang mga taong nakapaligid sa iyo, lalo kang nagiging maligaya. 

   Kung minsan ang tangi lamang na kailangan ay isang magiliw na ngiti, o isang mahinahong salita.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

No comments:

Post a Comment