Tunay na Pilipino, makabayan, at rebolusyunaryo. Ipinanganak sa Tondo, Maynila, at panganay sa anim na magkakapatid. Dahil sa karukhaan ay huminto sa pag-aaral, naghanap-buhay at tumulong sa kanyang pamilya. Ganap na naulila noong 1882, nang magkasunod na mamatay ang mga magulang at tumayong ama't ina ng kanyang mga nakababatang kapatid. Bagama't hindi nakatapos ng pormal na edukasyon, nag-aral sa sarili at mga pagbabasa ng mga natatanging aklat, tulad ng 'French Revolution', 'Presidents of the United States', mga kolonyal na kodigo penal at sibil, mga nobela na gaya ng 'Les Miserables', ni Victor Hugo, ang 'Le Juif errant', ni Eugene Sue, at ang dalawang dakilang aklat ni Gat Jose Rizal, ang 'Noli Me Tangere' at 'El Felibusterismo'.
Makabayang inilarawan ni Rizal sa dalawang aklat na ito ang pagiging mamamayan at katangian ng mga Pilipino. Tulad ng katapatan, utang na loob o pakikisama, kaugalian, at mga kinamulatan sa ilalim ng kolonyal na rehimeng Kastila. Malaki ang ginampanang pagpukaw nito sa damdaming makabayan at kagitingan ni Bonifacio.
Itinatag at naging pinunong Supremo ng Katipunan, (KKK, Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga anak ng Bayan). Isang kapatiran na ang pangunahing adhikain ay mapalaya ang Pilipinas mula sa kolonyal na pamahalaang Kastila. Itinuturing si Bonifacio na Pambansang Bayani at unang Pangulo ng Pilipinas.
Isa siyang mason o 'Freemason' at kasapi ng 'Gran Oriente Espanol' (Spanish Grand Lodge). Naging kasapi din siya sa 'La Liga Filipina' ni Gat Jose Rizal. Isang samahan na humihingi ng reporma sa pulitika ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Nang hulihin si Rizal at ipatapon sa Dapitan, doon sa Mindanaw, ipinagpatuloy nina Bonifacio, Apolinario Mabini, at marami pang iba ang 'La Liga Filipina'. Sa kalaunan, itinatag ni Bonifacio at ng kanyang kapwa mason ang Katipunan noong ika-7 ng Hulyo, 1862. Ang sistema sa pag-sapi, pag-subok sa kagitingan, pagsusulit, mga ritwal, at pag-buo ng orginasasyon ay hinango sa mason. Ang Katipunan ay isang lihim na kapatiran na nagnanais ng kalayaan mula sa Espanya sa pamamagitan ng sandatahang pag-aalsa at malawakang pakikibaka. Ginamit niya ang pandigmang pangalan ang palayaw na, 'May pag-asa'.
Nagsimula si Bonifacio sa Katipunan bilang tagapangasiwa at tagasuri ng mga gastusin. Ikatlo siya mula kay Deodato Arellano at Roman Basa, sa mga naging pinuno ng Katipunan. Noong 1895, ginawa siyang Presidente Supremo ng Katipunan bilang pagkilala sa kanyang pamumuno, Ang Katipunan ay may sariling mga batas, ibat-ibang sangay ng pamamahala, at halalan para sa liderato. Sa bawat lalawigang saklaw nito, ang Mataas na Supremong Sanggunian ang nakikipag-ugnayan sa mga panlalawigang sanggunian na nagpapairal naman ng pambayang pamamahala at tungkol sa militarya, pati na mga lokal na sanggunian sa bawat distrito hanggang sa mga kanayunan.
Ginawa niyang batayan ang Kartilya ni Emilio Jacinto na sa kalauna’y naging tagapayo at matalik niyang kaibigan. Ang opisyal na pahayagan ng Katipunan ay Kalayaan. Kasama niya sa panulat dito, sina Jacinto, at Pio Valenzuela. Sumulat si Bonifacio ng maraming artikulo, kasama ang dakila niyang tula na Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Ginamit niyang lihim na pangalan ang palayaw na, Agapito Bagumbayan. Sa paglunsad ng Kalayaan noong 1896, mabilis na kumalat ito sa buong Luson, Panay sa Bisaya, at hanggang Mindanaw. Mula sa 300 daang kasapi noong Enero, ay umabot ito ng 400,000 libong kasapi pagsapit ng Agosto, ng taong ding yaon.
Tinangka ni Bonifacio, Emilio Jacinto, at Guilermo Masangkay na iligtas si Rizal noong ito ay patungo sa Cuba upang maglingkod sa sandatahang kolonyal ng Espanya doon. Ito’y bilang kapalit ng kanyang paglaya mula sa Dapitan. Subalit tumanggi si Rizal, hanggang sa ito ay hulihin, palabas na nilitis, at binaril sa Bagumbayan (Luneta) ng mga Kastila. Ginawang halimbawa ang pagpatay kay Rizal upang takutin ang mga Pilipino at masupil ang paglaganap ng himagsikan. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, lalong lamang naglagablab ang mga pakikibaka sa Maynila at karatig na mga lalawigan.
At noong ika-23 ng Agosto, 1896, sa pag-iwas sa malawakang paghahanap sa kanya, ipinatawag ni Bonifacio ang libu-libong mga katipunero sa mahalagang pagtitipon sa Kalookan upang simulan na ang pambansang pag-aalsa. Bilang protesta sa kolonyal na pamahalaang Kastila, ay pinunit nila ang kanilang mga sedula na kasabay ang pag-sigaw ng, “Mabuhay ang kalayaan ng Pilipinas!” Ito ang itinuring na ‘Sigaw sa Balintawak’ o ang kapanganakan ng pagkakaisa tungo sa isang malaya na bansang Pilipinas. Kinabukasan din, ang pambansang rebolusyunaryong pamahalaan ng Katipunan ay hinirang si Bonifacio na Presidente at pangkahalatang pinuno ng mga naghihimagsik, at ang Supremong Sanggunian bilang kanyang gabinete sa Banlat, Pasong Tamo.
Makalipas ang apat na araw, noong ika-28 ng Agosto, nag-isyu siya ng pangkalahatang proklamasyon:
“Ang manifesto na ito’y para sa inyong lahat. Kailangan nating ganap na wakasan hanggat maaga ang di-makatarungang pakikipaglaban na ipinalalasap sa mga anak ng ating Inang-bayan na ngayon ay namimighati sa matinding mga kaparusahan at makahayop na pagpapahirap sa mga bilangguan, at sa kadahilanang ito mangyari lamang na ipaalam natin sa ating mga kapatid na, sa Sabado, ika-29 ng buwang ito, ang himagsikan ay magsisimula ng naaayon sa ating kasunduan. Kaya’t sa hangaring ito, kinakailangan ang lahat ng kabayanan ay magsama-samang bumangon at lusubin ang Maynila ng sabay-sabay. Sinuman ang sumalungat sa sagradong adhikaing ito ng ating sambayanan ay paparatangang isang taksil at kalaban, maliban kung siya’y maysakit, o kaya’y walang sapat na kakayahan, at sa kasong ito, siya ay lilitisin ng naaayon sa mga regulasyong ating ipinaiiral.”
Bundok ng Kalayaan, ika-28 ng Agosto, 1896, ANDRES BONIFACIO