Tuesday, April 24, 2012

IKAW ang ISPIRITO Mo


Katulad ng kandila na hindi sisindi kung walang apoy
ang tao ay hindi matitiwasay kung walang buhay na ispirituwal.

   Isang makabuluhang ideya lamang ang kailangan upang baguhin ang pananaw. Isang katalusan, sa daloy ng talakayan, usapan, o paliwanagan, na magta-transporma sa takbo ng iyong iniisip, gagawin, at paiiralin sa buhay. Isang pirasong katalusan ng mahalagang bagay na sumasanib sa iyong diwa - na mangingibabaw at tatanglaw sa buong pagkatao mo: Ang iyong Ispirito.

   Linggo ng umaga, nakagawian na namin ang magsimba sa bahay, nang ikuwento ito ng aking maybahay. Habang inaayos ang sopa na uupuan at binubuksan ang bibliya, ay sinasalitan niya ng mga pagsasalaysay tungkol sa Ispirito. Iniabot ko sa kanya ang notebook na pagsusulatan niya ng mga maririnig sa mga pastor (apat na istasyon ito sa telebisyon), patuloy pa rin ang kanyang pagpapahayag. Upang huwag kong malimutan ay mabilis kong isinulat ang mga ito sa papel. Kapag may naririnig naman siyang makabuluhan at naiibigan, ay isinusulat niya kaagad ito.Tulad ng lagi niyang ipinagbibilin, “Magsulat nang hindi malimutan, at ang pagka-ulyanin ay hindi ka pasukin.” 

Narito ang buod ng salaysay niya;

 Ang Ispirito ng Iyong Sarili
   “Walang anumang bagay na hindi nanggaling mula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang Ispirito na nasa kaloob-looban mo.
Siya ang kaibuturan, siya ang iyong supremong Ispirito, na namamahay sa iyong sarili.
Wala ng hihigit pa sa kanya, siya ang iyong kataas-taasang kaganapan.”
“Siya ang iyong KAISIPAN.
Siya ang iyong KAMALAYAN.
Siya ang iyong KABATIRAN.
Siya ang iyong KATOTOHANAN.
Siya ang iyong KALIGAYAHAN.
Siya ang iyong KAPAYAPAAN.
 . . .at kung pagsasamahing lahat ang mga ito;
Siya ang lumilikha ng nakatakdang KALUWALHATIAN ng iyong sarili.”

“Ikaw ang lahat ng mga ito, Pilian, IKAW ang ISPIRITO mo!”

“Kung maaari lamang, aking Ama, ipaalam mo sa aking higit pa
    Kung SINO ang ISPIRITO na ito na nasa akin.”

“Nais kong ituwid ang anumang aking naiisip.
Nais kong namamalayan ang bawa’t sandali.
Kailangang mabatid ko ang nararapat para sa akin.
Makita ang makatotohanan, sa mga bagay at pangyayari.
Upang malasap ko at maging maligaya.
Manatiling mapayapa sa tuwina at tinatamasa ang lahat.
   Oh, aking Ama, tulungan mo po akong wagas na masumpungan ang aking nakatakdang kaganapan. Nais kong maranasan ang KALUWALHATIAN na ito!

“Oo, aking minamahal na anak, gagawin ko,” ang bigkas ni Bathala.
Unawain mong lahat ang aking ipapahayag na aking kalooban sa iyo.”

Ang Punong-kahoy
“Putulin mo ang isang ugat ng punong-kahoy at ito’y magkakatas.
Subalit patuloy itong nabubuhay. Tabasin mo naman ang tuktok ng punong ito;
ito ay magkakatas din, subalit mabubuhay. Tulad ng ating dumadaloy na dugo ay pipiliting ampatin. Ang Ispirito ay ang buhay na sinusupurtahan ang puno, na nananatiling matibay at matatag. Tinatamasa nito ang mga nakapag-bibigay buhay na kanyang natatanggap mula sa Ispirito. Kung wala na ang Ispiritong ito sa puno, mamamatay na ang puno.”

 “Kung ang isang dahon sa sanga ng puno ay napigtal kahit saglit, ito ay malalanta.
Kung ang isang sanga naman ng puno ay nabali at natanggal, ang sangang ito man ay malalanta.
Alisin ang lahat ng mga dahon ng puno, at ang buong puno na ito ay mamamatay.
Ang katotohanan, mahal kong anak, kapag ang kamatayan ay dumating at ang Ispirito ay lumisan na mula sa katawan, ang katawan ay mamamatay.
Subalit ang Ispirito ay hindi mamamatay o kailanman maglalaho.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang kaibuturan ng iyong sarili.
Siya ang wagas na KATOTOHANAN; siya ang supremong Ispirito mo.
Ikaw ang Ispirito na nasa katawan mo, Pilian, ikaw siya.”

“Hindi ikaw nasa mundong ito para hanapin ang Ispiritong ito. Ikaw ay isang Ispirito na nasa iyong sasakyang katawan na ginagamit sa paglalakbay upang gampanan mo ang iyong KALUWALHATIAN.”

“Oh, aking iniibig na Ama, bigkasin at ipaalam mo pa nang higit ang tungkol sa Ispirito ko.”

“Oo, aking iniirog na anak, ipaa-alam ko,” ang pangako ni Bathala.

“Dalhan mo ako ng hinog na bungang mangga.”

“Narito na po ang bungang mangga, aking mahal na Ama.”

“Biyakin mo ito, at ano ang iyong nakikita?”

“Kulay dilaw na kalamnan at magaspang na buto lamang po, at wala ng iba pa.”

“Amuyin mo,” ang utos ni Bathala.

“Mabango, may halimuyak po na nakakasiya,” ang wika ni Pilian, “tila masarap na po ang pagka-hinog nito.”

“Tikman mo,” ang tugon ng Ama.  
“Malinamnam po at nais ko nang kainin,” nagagalak na bigkas ni Pilian.

“Ang amoy na iyong nalanghap ay hindi mo nakikita, mahal kong anak.
Ang linamnam na iyong nalasap, ay hindi mo mahahawakan.
Ang lahat ng mga ito’y nanggaling sa iyong Ispirito. Ang linamnam nito ay dati ng nasa iyo, wala sa mangga. Nalalasap mo lamang ito kapag may kinain ka at nalasahan ito, at napukaw mo ang panlasa na nakalaan para dito.”

“Kung nais mo pa ng mangga; Siya, na Ispirito mong ito ang nagpapaisip sa iyo. Kung hilaw ang bungang mangga, mangangasim ka, at kung hinog naman ito,  pinatatakam ka. Walang kinalaman ang mangga sa nangyayaring panlasa mo."

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Ispirito mo.
. . . at ang butong natira ay may buhay, lilikha siya ng isang punong mangga na magbibigay ng marami pang mga bungang mangga.
Ang ispiritong ito ang katotohanan, siya ang supremong Ispirito mo na nagaganap sa iyo. Napapatunayang lahat ang mga ito. Kapag wala na sa iyo ang Ispirito na ito, magdidilim ang iyong paningin, mawawalan ka ng malay, at kung hindi ito makakabalik sa iyong ulirat ay mamamatay ang iyong katawan.”

“Ikaw ito, Pilian, ikaw mismo ang iyong sariling Ispirito.

“Nasa iyong kaibuturan, sa iyong utak, naglalagi ang Ispirito na ito, at may nagpapadala ng mga mensahe para dito. Ito ang kailangan mong alamin upang maunawaan ito,” ang pahayag ni Bathala. “tulad ng nakikita mo sa telebisyon, nasa iyong kapasiyahan lamang kung aling istasyon ang nais mong mapanood. Ang utak mo ang antenna, at may nagpapadala ng mga panoorin at inpormasyon para dito. Kung may sarili kang mapagmasid at sumasagap na Ispirito, mayroon higit na makapangyarihan na tinatanggap ito; at ito ang Dakilang Ispirito. Alam mo ba ito, ha, Pilian?

“Sige na aking minamahal na Ama, dagdagan mo pa ang aking nalalaman upang higit kong makilala ang aking Ispirito na nakapangyayari sa aking sarili.” Ang pagsusumamo ni Pilian.

“Oh, aking sinisintang anak, hindi mo na kailangan pang pakiusapan ako. Gisingin mo lamang ang iyong sarili sa tuwina at ang Ispiritong ito, na nasa iyo ay magpapakilala. Matagal nang nakakubli sa puso mo ito, laging kumakatok na pagbuksan mo upang makawala. Bumubulong, nagpapaala-ala, kusang nakikialam sa iyong mga kapasiyahan. Kapag nakatulog ka, ay humihingi Siya ng atensiyon mo sa iyong mga panag-inip. At kung minsan kapag nagagalit ito sa iyong pagwawalang bahala sa kanya, binibigyan ka ng mga bangungot.”

“Sa iyong mga pagdarasal, inaakala mong hindi ka sinasagot niya. Hindi niya maaaring gawin ito para sa iyo, sa dahilang Ikaw at ang Ispirito mo ay IISA. Kaya nga, bilang kasagutan ay kinakausap ka niya sa mga problema, mga bagabag, mga paghamon at mga pagkalito na nangyayari sa iyo. Inihahalang ang mga ito sa iyong daraanan, upang gisingin ka. Hinahamon ang iyong kakayahan na makilala mo Siya. Kasama na rito ang mga panag-inip at mga bangungot na kanyang mga kasagutan sa iyong mga dasal na ito.”

“Hindi Niya ito ipinagkakaloob sa iyo nang hindi mo makakaya. Hindi ka pa ipinapanganak, talos na Niya ang lahat ng iyong mga angking katangian at mga kakayahan. Siya ang may likha nitong lahat. Itinakda na Niya ang iyong KALUWALHATIAN. Nasa iyo lamang kapasiyahan upang ito ay mapasaiyo. Walang imposibleng bagay sa Kanya. Humiling ka at ikaw ay bibigyan, kumatok ka, at ikaw ay pagbubuksan. Sa kanyang mansiyon ay maraming pintuan at napakaraming silid. Nakasulat ito.”

  “Magpatuloy pa kayo, aking ama, lalo po akong nasasabik na lubusan kong makilala ang aking Ispirito,” ang masiglang pakiusap ni Pilian.

“Dalhan mo ako ng isang dakot na asin, aking mahal na anak,” ang utos ni Bathala, “magdala ka na rin ng isang palangganang tubig.”

“Narito na po ang asin at ang palangganang may tubig.”

“Ano ang nakikita mo sa tubig, Pilian?
“Wala po akong nakikita,” ang may pagtatakang sagot ng anak, “wala pong kulay ang tubig.”

“Ibuhos mo ang asin sa palangganang may tubig,” ang utos ng ama, “haluin mong mabuti.”

“Nahalo ko na po.”
“May nakikita ka pa ba? Ang tanong ni Bathala.
“Ganoon pa rin po, malinaw pa rin at walang kulay po ang tubig,” ang hindi mawaring sagot ni Pilian sa ipinagagawa ng Ama.

“Ngayon naman ay tikman mo ang tubig sa may gilid ng palanggana na ito,” ang utos ng Ama, “ano ang nalasahan mo?”

“Maalat po.”
“Dito ka naman sumipsip sa bandang ito ng tubig,” ang sumunod na utos, “ano ang nalasahan mo?

“Ganoon din po,” ang tugon ni Pilian, “maalat pa rin ang tubig.”

“Doon naman sa gitna ng tubig, lasahan mo,” ang muling utos ng ama, “ano ang lasa?”

“Walang pagbabago,” ang paliwanag ni Pilian, ”sadyang maalat ang tubig na ito kahit saan mang panig ako tumikim, aking mahal na Ama.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, lahat ng bagay na hindi mo nakikita ay nariyan lamang sa iyo. Tulad ng hangin, hindi mo ito nakikita, ngunit labas-masok sa katawan mo. Binubuhay ka nito sa buong buhay mo. Lahat ng mga bagay na hindi mo nakikita ang siyang pinakamahalaga at nangingibabaw na katotohanan sa lahat. Tulad ng pag-ibig, pagmamalasakit, pang-unawa, pag-asa, pagmamahal, atbp. At upang ang mga ito ay iyong makuha, ay kailangan mo munang maibigay. Hindi mo maibibigay ang mga bagay na wala sa iyo.”

“Sa lahat ng mga bagay, mga pangyayari, mga pagkakataon, ay naroon ang mga ito. Siya ang asin ng tubig; Siya ang hangin ng buhay. Anuman ang iyong ginagawa, pakikipag-relasyon, pinapangarap, at tinatalunton sa iyong buhay, ang Isipiritong ito ang nagpapakilala ng lahat ng mga ito para sa iyong tunay na kaganapan.”

“Walang bagay na hindi nagmula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay na iyong maiisip, mamamalayan, mababatid, mapatotohanan, magpapaligaya, at magpapayapa; ang lahat ng mga ito ay ang KALUWALHATIAN ng iyong Ispiritong tinataglay.”

“Siya ang iyong KATOTOHANAN, siya ang iyong supremong Ispirito.
“Ang pinakamahalaga sa lahat upang wagas na mapasaiyo ito, may isang sekreto na karamihan sa atin ay ipinagwawalang bahala at laging kinakalimutan. Ito ang susi, ang ituon ang ating mga sariling Ispirito sa Pinakamakapangyarihan sa Lahat, ang Dakilang Ispirito na pumapatnubay at bumubuhay sa ating mga sariling Ispirito. Siya lamang ang higit na nakapangyayari at nakakaalam ng lahat.”

“At alam mo ba, mahal kong Pilian, ikaw, ang iyong Ispirito at Dakilang Ispirito na ito ay IISA? Nauunawaan mo ba na ang Ama, ang anak, at ang Banal na Ispirito ay IISA?
Alam mo rin ba na kapag pinagsanib mo o pinag-isa, ang iyong Isip, Katawan, at Ispirito ay magkakaroon ka ng Kaluluwa? Ito ang nagpapakilos sa iyo.”

"Mula sa kamangmangan, matiyagang pagsasanay, masikhay na pagtuon nang walang anumang pagkagambala, unti-unti ang iyong isip, katawan, at Banal na Ispirito ay magsasanib at mabubuo ito na maging eksperto ka sa ginagawa mo. Mayroon ka ng kaluluwa para dito. Napansin mo ba na bago ka makasulat ng iyong pangalan ay binubuno mo ang lapis? Ngayon, kahit na nakapikit ka ay makakaya mong maisulat ito. Dahil nagising mo ang iyong kaluluwa para dito."

“Aking minamahal na Ama, ipaalam mo pa sa akin ang aking Ispirito, sige na aking Ama”

“Oo, aking minumutyang anak, katungkulan ko ito sa iyo,” ang maliwanag na pangako ni Bathala.

“Mayroong isang lalaki sa lalawigan ng Bataan ang piniringan sa mata upang walang makita.
Inakay at dinala siya sa isang tahimik na kaparangan. Pinaikot na nakaharap sa hilaga, pinaharap sa silanganan, pinaharap sa timog, at sa huli ay pinaharap naman sa kanluran. At iniwan, hinayaang mag-isa sa kinatatayuan nito.
   Lumipas ang maraming sandali sa kalagayang ito, ay nainip na at naghihiyaw ang lalaki, “Hoy, narito pa ako na iniwan ninyo at hindi nakakakita!”
   Hanggang sa may lumapit at inalis ang piring sa kanyang mga mata at nagwika, “Hayan, idilat mo ang iyong mga mata, at sundan ang nais mong landas.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, kung walang nakapiring sa iyong mga mata, at magagawa mong idilat ang mga matang ito, magigising kang tuluyan. Ang iyong isip ay magkakamalay, mababatid mo ang katotohanan, ito ang magpapasaya sa iyo na hahantong sa iyong kaligayahan, papayapa ang iyong kalooban at tahasang magaganap ang iyong nakatakdang KALUWALHATIAN.
Huwag mong hayaan na piringan ka ng iba. Iwasan mong magsuot ng may “gradong salamin” ng mga pakikialam, pagpuna, pamimintas, mga kundisyon, at mga paghatol sa iba. Sa kalaunan, ito ang malalasap mo at siyang magpapahamak sa iyo. Iwasang patigasin ang iyong mga panuntunan na magpaparalisa sa iyo. Hanapin ang iyong liwanag at pagliyabin ito na nagnining-ning.
Ikaw na nagpadingas; at ang liwanag na nag-apoy dito, ay siyang tatanglaw saan man nais mong magtungo. Hindi ka kailanman mabibigo. Sa mga ibat-ibang pook, mga pamayanan, sa lahat ng mga taong iyong nakilala at sinamahan, ay masusumpungan mo sa unang pagkakataon, na makauwi ka kung saan ka nagmula. Ang makamtan mo ang wagas na Kaluwalhatian ng iyong sariling Ispirito.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Kanya.
Walang anumang bawa’t bagay na hindi nanggaling sa sarili mong Ispirito.
Siya ang Katotohanan, siya ang iyong supremong Ispirito.
Pinapatnubayan at Pinagpapala ito ng Dakilang Ispirito.

Ikaw ang lahat ng ito, mahal kong Pilian, ikaw at ang Dakilang Ispirito ay IISA!

Marami pong salamat, aking mahal na Ama, lagi ko pong susundin ang lahat ng inyong ipinagbilin, ayon sa Inyong Kalooban.”

-------
Hindi ko matutuklasan ang Diyos sa aking sarili at ang aking sarili sa Kanya, hangga’t wala akong kagitingang harapin ang aking sarili kung sino ako. Hindi ang makita natin sa ating mga sarili, maunawaan, at magkamalay, nang mabatid ang mga mapurol, limitado, kinakapos, at lagalag na mga kaluluwa natin, hindi ang mga ito, bagkus ang matuklasan ang kapangyarihan ng Dakilang Ispirito sa pagkabuhay kay Kristo mula sa pagkamatay at “Sa iyo na isinasanib Niya upang maging tahanan ng Diyos sa Ispirito,”   Efeso 2:22 KJV

Panatilihin ang Bukluran ng Ispirito
   4 Kaya nga, ako ang bilanggo ng Panginoon, ay nagsusumamo sa inyo na lumakad kayo nang karapatdapat na pagkakahirang kung saan kayo ay tinawag. 
  2   na may lubos na pagkukumbaba at maamo, mapagtiis, nagpaparaya sa isa’t isa sa pag-ibig.
   3   nagsisikhay na mapanatili ang pagkakaisa ng Ispirito sa buklod ng kapayapaan.
   4   Mayroong isang katawan, at isang Ispirito, kahit na kayo ay tinawag sa isang pag-asam  ng pagkakatawag sa inyo.
   5   Isang Panginoon, isang pananalig, isang binyag.
   6   Isang Diyos at Ama sa lahat, siya na nangingibabaw sa lahat, at sumasanib sa lahat, at sa loob ng lahat na nasa iyo.   Efeso 4:1-6 KJV


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



Monday, April 23, 2012

Pakialamero Ka ba?


 Hangga't wala akong kinalaman o kabatiran 
sa anumang bagay; ay wala akong karapatan
na panghimasukan ito.


Corregidor Island
   Ikinuwento ito sa akin ng anak kong si Karlo nang minsan ay pinag-uusapan namin ang isang uri na kaugaliang hindi magawang iwasan ng ating mga kababayan. Ang palaging personal na mag-usisa at pakialaman ang iba. Ayon sa kanya, “Katulad ng pagmamaneho sa kotse, kung lagi kang nakatingin sa iba, at hindi sa daan, lalo na sa back view mirror, malaki ang posibilidad na mabangga ka.”
   Narito ang buod ng kanyang kuwento:

Ang Pantas at si Moises
   May isang matandang pantas na naninirahan sa tuktok ng bundok ng Mariveles, sa Bataan. Ayon sa maraming nakakakilala  sa pantas, pinagkalooban ito ni Bathala ng kaluwalhatian. Isang taga-Balanga, si Moises ng barangay Kupang, ang matiyagang naglakbay upang humingi ng payo at patnubay sa pantas. Nagagalak na tinanggap si Moises ng matanda sa kanyang maliit na dampa sa pusod ng kagubatan.
   Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Moises at sinabi ang kanyang pakay, “Nais ko pong sumunod sa inyo upang ako’y magkaroon ng patnubay sa inyong mga itinuturo.”

   Nag-aalangang tumugon ang matanda, “Hindi mo magagawang pagtitiisan ang ugali ko,” at sumenyas kay Moises na umalis na, ngunit hindi ito tuminag at nakatayo lamang sa may bungad.
   Nagsalitang muli ang matanda, Papaano mo mauunawaan ang mga ginagawa ko, kung ito’y hindi mo maintindihan at nahihiwagaan ka, lalo na sa aking mga sinasabi.”

   Matatag na nagpahayag  si Moises, “Kung ito’y kalooban ni Bathala, makikita ninyo na pasensiyoso at palaaral ako. Wala akong kakayahan na hindi ko sundin ang anumang ipag-uutos ninyo.”
   Ang tugon ng matanda, “Kung talagang nais mong sumunod sa akin, at hangad na matuto ng aking mga itinuturo, kailangang huwag kang magtatanong o mag-uusisa ng kahit anumang bagay, hangga’t hindi kita kinakausap tungkol dito. Maliwanag ba, ha?

   “Buong puso po, at sing-liwanag ng kristal na susundin ko kayo! Pangako ko po iyan!” ang matatag na sagot ni Moises.

Corregidor Island
   Kinaumagahan, maaga ba ay bumaba na sila ng bundok at nagtungo sa may dalampasigan, sa bayan ng Mariveles. Sumakay sa isang malaking bangka at naglayag patungo sa isla ng Korehidor. Biglang napahiyaw si Moises sa nakitang ginagawa ng matanda, nang papalapit na sila sa daungan. “Anong kalokohan ang ginagawa ninyo,” ang may pag-aalalang pakiusap ni Moises, “Bakit may gulok kayo at binubutas ninyo ang sahig ng bangka?”

   “Hindi ba sinabi ko sa iyo,” ang tugon ng matanda, “Ang tumahimik at magtiis ka sa anumang aking ginagawa, at huwag kang magtanong o mag-usisa man lamang!”
   “Pasensiya na po kayo at nakalimot ako,” ang pagsisising sagot ni Moises, “Huwag na po kayong magalit, at hindi ko na ito uulitin pa.”

   Nagpatuloy ang kanilang paglalakbay hanggang sa may nakasalubong silang isang lalaki. Biglang sumugod ang matanda at tinaga ng gulok ang lalaki hanggang sa mapatay ito. Napanganga si Moises, nangalog ang mga tuhod sa pagkabahala, hindi makapaniwala sa nasaksihan,“Bakit ninyo pinatay ang inosenteng lalaki, wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Isa pala kayong kriminal!”
   “Hindi ba pinakiusapan kita,” ang usig ng matanda, ”ang huwag pakialaman ang ginagawa ko, at maging ang huwag magtanong?”

   Ang nababagabag na si Moises ay nagpaliwanag, “Sakalimang ulitin kong muli na magtanong, kung maaari lamang, ay iwanan na ninyo ako. Sapagkat ako’y makulit, madaling makalimot, at hindi nararapat na inyong makasama pa.”
Malinta Tunnel
   Pailing-iling ang ulo ng pantas at nagpatuloy ito sa paglalakad. Bagama’t pinanghihinaan na ng loob si Moises ay nagtiyaga pa rin itong sumunod sa matanda. Hanggang makarating sila sa maliit na pamayanan sa Korehidor. Nagkataong maraming turista na nagsidating at nawiwili sa paglilibot sa makasaysayang mga tanawin. Nang may ilan dito ang nagtanong sa kanila, kung nasaan ang Malinta Tunnel, ayon sa mga turista, ito ang pook na nagsilbing kanlungan ng pamahalaang Commonwealth ng Pilipinas, sa panahong ng digmaang Hapon-Amerikano. Napakalayo pa nito, maraming sasalungahin at lulusungin pang mga daan. Subalit hindi lamang sinagot ito ng matanda kung saan ito matatagpuan, bagkus sinamahan pa ang ilang turista na makita ito. Humihingal at nanggagalaiti si Moises, matapos maihatid nila ang mga turista. Nagpupuyos sa galit, “Sana naman kung nanaisin ninyo lamang, puwede kayong humingi ng bayad, tulad ng mga giya (tourist guides) na narito sa Korehidor, Sayang lamang ang pagpapagod natin.” ang panghihinayang nitong pasaring sa matanda.

   Sa tinurang ito ni Moises, malungkot na napailing ang matandang pantas at maramdaming nagsalita ito, “Dumating na ang sandaling kailangan nating magkahiwalay. Ngunit bago ito mangyari, ipapaliwanag ko sa iyo ang mga bagay na hindi mo ganap na maintindihan.”

   "Una: Bakit ko binutas ang bangka? Dahil kung matutuloy pang maglayag ang mga mangingisdang naghatid sa atin, makakasalubong sila ng mga tulisan na aagaw ng kanilang bangka at papatayin pa sila upang sapilitan makuha at gamitin ito sa pagdadala ng masamang droga sa Bataan.
   Pangalawa: Bakit ko pinatay ang lalaki? Isa siyang kriminal na nagtatago sa Korehidor. Marami na siyang pinatay sa Kamaynilaan, at dalawa na ang napatay niya sa bayan ng Mariveles.
   Pangatlo: Bakit ko inihatid ang mga turista sa hinahanap nila? Kailangang gawin ko ito, sapagkat nakita ko ang grupo ng mga kabataan na nakikipagkaibigan sa kanila, mga miyembro ito ng Ativan gang na bumibiktima ng mga turista sa pamamagitan ng paghahalo ng droga sa kanilang inumin, upang mahilo at makatulog. At kinukuhang lahat ang mga pera, mga alahas, mga dalang kagamitan at anumang mapapakinabang sa mga turista. Kahit na isumbong mo sila sa pulisya, hindi magawang hulihin ang Ativan gang na ito."

   At nagpatuloy ang pahayag ng matandang pantas, "Bilang paala-ala sa iyo, lahat ng nalalaman kong kaluwalhatian na ito ay dulot ni Bathala. Ang aking mga ginawa ay hindi nagmula sa akin, tagalikha lamang ako, ayon sa Kanyang kalooban.
   At siyanga pala, sa aking kaalaman, kailangan mo pang magpatuloy na matuklasan ang iyong sarili, kilalanin mo kung sino ka, at maunawaan itong ganap, bago ka pumalaot sa mahiwagang kaganapan sa iyong paligid." At matapos ito ay tumalikod na ang matandang pantas.

-------
Maging sa pagbasa ng mga artikulo na nasa mga pahinang narito, kung ikaw man ay nahihiwagaan din at hindi maunawaang lubos ang tinutukoy ng mga ito. Wala kang kakayahan na matarok ito, hindi ito para sa iyo. At kung hindi ka pa nagigising, at patuloy na hindi maintindihan ang mga ito, ikaw ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.
Salamat po.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Natagpuan Mo na ba ang Hinahanap Mo?


  
Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Sapagkat sa bawa’t isa na humiling ay makatatanggap, at ang humahanap ay may matatagpuan, at siya na kumakatok ito’y pagbubuksan.                                                                                                                                (Mateo 7:7-8) KJV

   May isang dalaga na may mamahaling kuwintas na palaging nakasabit sa kanyang leeg. Isang araw, sa kanyang malabis na katuwaan at pagmamadali sa dinaluhan niyang kasayahan, ay nakalimutan niya ito. Nang kanyang maala-ala na kapain sa kanyang dibdib ay wala siyang nasalat. Lubha siyang nag-alala at humahangos na umuwi kaagad ng bahay. Anumang paghahanap ang matindi niyang gawin ay hindi niya makita ang kuwintas. Binuksan niyang lahat ang mga lalagyan, mga taguan, at ginalugad ang mga panig na maaaring napaglagyan niya, ay wala pa rin sa mga ito. Tinanong lahat ang mga kaanak at kasambahay, mga kailala at mga kaibigan,  pati na ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang kuwintas. Ang mga sagot ay pawang hindi, at wala silang nalalaman tungkol sa kuwintas.
  Lulugo-lugo at tumatangis siyang nagtungo sa isang matalik na kaibigan.  Inihimutok niya dito ang masaklap niyang kapalaran. Nang imungkahi nitong salatin sa kanyang dibdib ang kuwintas at baka nakasabit ito nang hindi niya namamalayan.

   “Nagawa ko na ito, kinapa ko na nang maraming ulit, wala sa dibdib ko,” ang lugaming tugon nito sa kausap. Subalit, hindi sumuko ang kaibigan at muling nagtanong sa kanya.

   “Sinubukan mo naman bang kapain diyan sa likod mo, baka napihit lamang ang pagkakasabit ng kuwintas?” At mabilis nga niya itong kinapa . . .

   Bigla ang pagkagulat nito at napahiyaw, “Ay, narito pala!” sabay kamot sa ulo, “Napakatanga ko naman at kung sinu-sino pa ang aking tinanong, pinuntahan, at mga pinakiusapang matulungan ako. ‘Yon pala nandito lamang at laging nasa akin!”

-------
Karamihan sa atin ay tulad nito, may higit na mamahalin at napakahalagang bagay na nasa atin, subalit hinahanap natin ito kung saan-saan, kahit kani-kanino, ginagawa ang lahat, sinusuyod, at ginagalugad ang lahat ng maisipan, matagpuan lamang ito. Maliban sa ating sarili. Gayong kailanman ay hindi ito nawawala. Nakatago at naghihintay lamang na tuklasin ito. Kung kakapain at sisisirin lamang kung ano ang nasa ating kaibuturan, matutuklasan natin ang mahalagang bagay na ito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Baliw Ka ba?


   
  Simula nang tuklasin ni Daniel ang kanyang kaluwalhatian, marami ang nagulat sa kanyang pagbabago. Dati-rati’y malimit na nakikiumpok siya sa mga kasamahan, ngayon ay bihira na. Maging sa pananalita ay hindi na tulad ng dati na marahas at padalos-dalos, ngayon ay marahan na at magiliw pa. Madalas ay nakikinig ito sa mga mungkahi ng mga kakilala, ngayon ay nagpapaliwanag na kung ano ang mabuti para sa kanya at sa kanilang lahat. Hindi na rin sumama sa mga kabarkada sa mga panoorin at walang saysay na pagliliwaliw. Laging nakangiti., at kung hindi kumakanta ay sumisipol ng kung anu-anong himig na nagpapasaya sa kanya. Pati na ang kanyang mga kapitbahay na kilala siya mula sa pagkabata ay nangamba sa kanyang ipinagkaiba kaysa dati.
   Napansin nilang lagi itong nag-iisa at nagkukulong sa kuwarto na tila may kinakausap. At kapag tinatanong, ang sinasagot ay “Hanapin ninyo ang inyong mga sarili upang hindi kayo maligaw, at “Narito ang inyong katotohanan! ”Itakwil ninyo ang inyong mga paniniwala, sumama at sumunod sa akin.” Lalong nagulat ang mga tao, at nagpasiya silang dalhin si Daniel sa mental ospital, doon sa bayan ng Mariveles, at ipasuri. Anumang pagtutol nito, ay nawalang saysay sa dami ng kumaladkad sa kanya.
   Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kaanak at mga kaibigan ay nangabiglang lahat. Hindi nila mapagtanto kung bakit nangyari ito sa kanya. Nagpasiya silang pasyalan ito sa ospital.
   Pagkakita sa kanila ni Daniel ay nagtanong ito, “Sino kayong lahat?” at tumalikod. Lumingon at nagtanong muli, “Bakit kayo narito?”
   Nagugulumihanan man ay sumagot ang mga bisita, “Kami ang mga nakakakilala at higit na nagmamahal sa iyo!”
   Napakunot ang kilay ni Daniel at nagsimulang pukulin sila ng ilang bagay mula sa lamesa. Nagtakbuhan ang lahat, nanlulumo at umiiyak. Talagang totoo! Nasisiraan na ng bait si Daniel!”
   Nang biglang tinawag sila ni Daniel na magsibalik, “Hindi ba narinig kong sinabi ninyo na ako’y kilala ninyo at higit na minamahal? Bakit ilang pagbato ko lamang ay nagsitakbuhan na kayo? Anong nangyari sa matapat na pagmamahal na mairog ninyong iniuukol sa akin? Nagtakbuhan na rin tulad ng pagtakbo ninyong palayo sa akin? Kung talagang minamahal ninyo ako, magagawa ninyong magtimpi, umunawa, at magmalasakit, kaysa intindihin ang maliliit na kirot na nararamdaman ninyo!”

-------
Mahigit ng dalawang libong taon ang nakaraan. May isang tao na nagpahayag ding tulad nito. “Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo.” Subalit marami sa kanila ang hindi matanggap ito, kinutya at inusig siya. At nang siya ay hulihin, maging ang kanyang mga disipulo ay nagtakbuhan, ang isa ay ipinagkanulo at ipinagpalit siya sa pabuya na baryang pilak, ang isa naman ay tatlong ulit siyang itinakwil. Marami ang nakinig sa udyok ng mga pinuno ng kanilang simbahan, sama-samang umusig at nagbubunyi nang ipako siya sa kurus.
   Ganito rin ang nangyayari sa ating lipunan. Inuusig, ikinukulong, dinudukot, at pataksil na pinapatay ang ating mga mamamayan nang walang kalaban-laban, kapag nagnanais ng reporma at makatarungang pagbabago. Binabansagan silang mga rebelde, terorista at inahahalintulad sa mga tulisang NPA at Abu Sayaff, upang maging lehetimo ang pagpatay. Hindi kataka-taka na patuloy ang pamiminsala ng mga tulisang ito, kahit na katakot-takot ang mga heneral sa ating hukbong sandatahan (AFP) at sobrang dami ang mga heneral sa kapulisan (PNP), at mayroon pa silang mga pamantasan upang magpakadalubhasa, ang  PMA, Philippine Military Academy at PNPA Philippine National Police Academy. Sa ubod ng dami na mga heneral na nagtatapos sa mga pamantasang ito, at isiping hindi kasama ang kanilang mga sundalo at mga tauhan; ay hindi matalo ang maliliit na pangkat ng NPA at Abu Sayaff. Para saan ang mga heneral na ito? Ang mapanatili lamang ang walang pagkakapantay sa ating lipunan? Sino ang makakalimot kay Major General Jovito S. Palparan, Jr., ang "berdugo" ng mga estudyante, mga magsasaka, mga mangingisda, mga manggagawa at mga anakpawis? Sino ang nasa likod sa lahat ng ito? Hindi niya makakayang gawin itong mag-isa. May mga nag-utos at kumandili, patuloy na kumakandili at nagpapairal nito hanggang sa ngayon. Sino sila? Bakit nila ginagawa ang maramihang pagpaslang na ito sa mga kababayan natin?
   At kung ipinaglalaban mo ang pangangalaga ng kalikasan, katulad ni Dr. Gerry Ortega, ng Palawan, ay ipapa-patay ka ng Gobernador ng lalawigan at katuwang pa ang alkalde nitong kapatid. Sino ang makakalimot sa 57 biktima ng pagpatay ng mga Ampatuan sa Maguindanao? Nais lamang ng mga biktima na mapanatili ang sagradong karapatan sa pagboto. At marami pang tulad nito. Bakit patuloy ang mga pagpatay sa mga nagnanais ng pagbabago sa ating lipunan? Bakit, para saan, at sino ang mga makikinabang para dito?

Kung may mga katanungan; ay may mga kasagutan. At ang katotohanan ang siyang magpapalaya, hindi lamang para sa atin, bagkus para sa ating bansa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, April 22, 2012

Bungisngis #022

 Mga Liham ng â±£akiusap at PaOnawa  

 ₱ara sa iyo ₱a₱a,
   Sa ₱amantasan ko ay may ₱roblema. ₱apel doon, ₱agsasanay dito, ₱abili nito, ₱abili doon, ₱angangailangan diyan, at ₱angungulit ₱a ng ₱ropesor. ₱agpasok ko ₱a lamang may ₱agbabayaran na. Ka₱ag ₱alaging may ₱roblema at ₱atuloy na ganito, hindi ko ₱a ma₱aayos, at ma₱aya₱a ang mga ₱roblema na ito, ₱alagay ko ₱a₱auwiin na ako.

₱akiusap ng inyong ₱anganay na anak,
                                                                           abling

Ang sagot sa liham:
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------o

                                                                                                                  Oktubre, 2OOO
To: PablitO
  O, aking PablitO, mOla nang Omalis ka, hOmirap na ditO sa OlOngapO, sa tOtOO lang, kOlang kami sa Olam, sa Omaga, tOyO na isda ang Olam namin, sa hapOn, galOnggOng naman. BOkas ganitO Olit. PapaanO na ngayOn? Wala na akOng pOndo para ditO sa sOlat mO.
   PakiOsap kO sa iyO, maghanap-bOhay ka na para sa iyO at hOwag Omasa.

PaOnawa ng iyOng mga MagOlang

TOribiO SerO at LeOnOra SerO
  nOmerO OchO-Ocho PaseO deBrunO
  SitiO tOyO, LOngsOd ng OlOngapO

Kapag nais ay may paraan, ngunit kung ayaw ay may dahilan. Kung nasa ay paggalang, unahin ang sarili na igalang.
 
Hanggang sa muli na namang bungisngisan, 
laging subaybayan.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan