Tuesday, March 30, 2021

Papaano Mo ba Ituring ang Sarili Mo

 

Makakabuting alamin natin muna ang ating mga sarili, kaysa simulang makialam sa iba.
Isang maestro karpintero na kasama ng kanyang mga katulong ang naisipang akyatin ang bundok ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, sa paghahanap ng troso na magagawang tabla. Nakakita sila ng dambuhalang punong-kahoy; kahit na maghawak kamay ang limang katao at paikutang yakapin ang puno ay hindi pa rin nila mapagdugtong ang mga dulo ng kanilang mga kamay. Sadyang nakakalula ang laki ng puno at halos maabot na ang ulap sa pinaka-tuktok nito.
   “Huwag na nating pag-aksayahan pa ng panahon ang punong ito,” ang utos ng maestro karpintero. “Mauubos ang ating oras, at kailanman ay hindi natin mapuputol at maibubuwal ang puno na ito. Kung nais nating gumawa ng bangka; sa laki at bigat ng punong ito, tiyak lulubog lamang ang bangka. Kung ang gagawin naman natin ay gusali, kailangang tibayan nating maigi ang mga tabla na gagawing dingding, bubungan, at mga haligi para lalong tumibay. Iwanan na natin ang punong ito, dahil kung ito ang ating uunahin, wala tayong matatapos.”
   Nagpatuloy sa paghahanap ng kailangang katamtamang troso ang grupo, nang magpahayag ang isang kasamahan, “Sayang naman ang malaking puno na iyon kung walang kabuluhan kahit kanino.”
   “Diyan ka nagkamali,” ang pakli ng maestro karpintero. “Ang punong-kahoy na iyon ay tunay sa kanyang naging kapalaran. Kung siya katulad lamang ng iba, matagal na siyang naputol at naging troso. Dahil may naiiba siyang kagitingan at katapangan, nagawa niyang maging kakaiba, at mananatili siyang buhay, nakatayo at lalong matatag sa mahabang panahon.”

   Nasa ating pagturing sa ating sarili kung nais nating maging agila sa himpapawid o maging ibong pipit na nagtatago sa matinik na siit. Nasa ating mga katangian at mga kakayahan kung anong kalidad sa buhay ang nais nating marating. Hanggat nakatingin at naghihintay sa iba, mananatili kang kopya at pamunasan ng iba.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Planong Nakabitin Laging Nabibimbim

 


Mga produkto tayo ng ating nakaraan, ngunit hindi kailangan 
na maging bilanggo tayo nito.
Ang layunin sa bawat hakbang at mga kabanata na nagaganap sa ating buhay ay ang maunawaan na nililikha nito na kasama ang Ultimong Tagalikha. Kung wala kang kabatiran tungkol sa bagay na ito, inilalagay mo lamang ang iyong sarili sa isang kahapis-hapis at nakakaawang kalagayan. Kapag sa sarili mo lamang ikaw laging nakatuon, patuloy kang nakikipagsapalaran anuman ang maging kahinatnan nito. Natanggap ko na hindi ko ito makakaya na magawang mag-isa. Hindi ako makakaligtas sa mundong ito kung ang sarili ko lamang ang paniniwalaan ko. Wala akong sapat na kakayahan na gampanan ito. Wala akong kapangyarihan na magawa ito, Kahit sinuman ay walang kapangyarihan na makagawa nito. Sino sa atin ang may kapangyarihan na piliin ang kanyang magiging mga magulang? Papaano mo magagawa o mapipigil man lamang ang punlay na nanggaling sa iyong ama at pumisa sa itlog ng iyong ina upang lumitaw ka sa mundong ito? Hindi ba isang malaking kababalaghan ito? Napakaraming mga pagpili at mga kapasiyahan ang mga nagdaan at pinagtagpo ang lahat ng mga kaganapan, para lalangin ka at narito sa mundong ito, ngayon. Ito ay himala at isang pagbubunyi.
   Kapag kinikilala mo ang misteryo ng paglalang, lahat ng mga kaganapan sa pinagmulan nito, saliksikin mo man nang maraming ulit at piliting maunawaan para mabatid ang lahat ng mga ito, pawang mga katanungan lamang ang tanging maiiwan na walang mga kasagutan. Kailangan na malaman mo ito, ang katunayan na narito ako at humihinga pa, ang siyang mahalaga. Ikaw na nariyan na ang siyang mahalaga. Lahat tayo, ...ngayon, sa mga sandaling ito, ang mahalaga.  
   Walang bagay sa aking buhay ang naganap dahil sa suwerte o kapalaran, wala. Anuman ang mayroon ako, ito ay nanggaling sa biyaya at pagpapala, karamihan ay mula sa banal na kaganapan. Hindi ako naniniwala sa suwerte. Sa ganang akin, ang suwerte ay isang preparasyon para masunggaban ang oportunidad kapag tinukso ka nito. Magiging mapalad ka kung ikaw ay nakahanda sa anumang oportunidad na dumarating sa iyo.
Hindi mo magagawang tuparin ang iyong layunin kung lagi kang nakatuon sa pagpaplano.
 
Jesse Navarro Guevara  -Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Ang Buhay Mo ay Isang Sermon


 Hindi na kailangan pa ang marami mong mga pananalita, ang iyong sariling buhay ay sapat ng sermon upang maipakita kung sino kang talaga.
Ang pangalan niya ay Teryo. Bagama't traysikel drayber siya, may suot na kupasing kamiseta at sinulsihang pantalon na maong, at may sapin sa paa na tsinelas na magkaibang kulay, ang mga ito ang kadalasan niyang suot sa hanap-buhay at pagpasok sa kolehiyo tuwing gabi. Sa araw na ito ng Linggo, ay muling naiinis na nag-anasan ang mga nakaupo sa kapilya, nang huling dumating si Teryo nang nasa kalahatian na ang sermon ng pastor, ganoon pa rin ang pananamit, gusot ang buhok at naghihikab pa.
   Wala itong maupuan sa likuran, at sa kahahanap ay napagawi sa may unahan, hanggang sa makalapit sa pulpito. Nang walang makitang bakante na mauupuan ay tumabi sa dingding at pasalampak na umupo sa lapag. Lumakas ang mga anasan, ngunit walang naglakas ng loob na magsalita para pagbawalan si Teryo. Napahinto ang pastor sa kanyang sermon, at lalong dumami ang mga nagbulungan kung bakit walang umiimik at pinapayagan ito. Nababalisa ang pastor kung papaano niya ito maisasaayos nang hindi mapapahiya si Teryo, nang isang matandang lalaki na may tungkod ang tumayo mula sa likuran, may mahigit na 80 taon na gulang ito, magilas, uliran, at maginoo. Paika-ikang naglalakad, humahawak sa sandalan ng mga upuan, at patungo siya kay Teryo sa harapan.
   Marami ang muling nag-anasan at nagsabing, "Hindi natin masisisi ang matandang lalaki, kung  anuman ang gawin nito kay Teryo." May nagsalita pa ng, "Ano ba ang dapat nating asahan sa isang matanda, kung anuman ang pagkatao nito, kundi ang unawain na sadyang ganito ang mga kabataan ngayon, wala nang pagpapahalaga pa sa mga alituntunin ng simbahan!" May ilang saglit din bago makarating ang matanda sa kinauupuang lapag ni Teryo.
   Tahimik ang lahat, at ang maririnig lamang ay ang palatok ng tungkod ng matanda. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa gagawin ng matanda. Hindi mo rin maririnig maging ang paghinga ng sinuman. Hindi rin maipagpatuloy ng pastor ang kanyang sermon, hangga't hinihintay ng lahat ang gagawin ng matanda. Nang makarating ito kay Teryo ay binitiwan ang tungkod, itinukod ang kaliwang kamay sa dingding, unti-unting sumalampak at umusod patabi kay Teryo. Nakangiting ginaya ang pagkakasandal ni Teryo sa dingding, tumatangong tumingin sa pastor at tumahimik. Nais niyang may makasama at makatabi si Teryo sa araw na ito.
   Bawa't isa ay nagbara ang lalamunan sa emosyong nagaganap, may ilan ang nangilid ang luha sa nasaksihan. Hindi nakahuma ang pastor, siya man ay nabigla sa nangyari. At mabilis na nagpahayag ito, "Anumang sasabihin ko tungkol sa aking sermon sa araw na ito, kailanman ay hindi na ninyo maa-alaala o matatandaan man lamang. Subalit ang inyong nasaksihan kangina, kailanman ay hindi na ninyo malilimutan. Maging maingat kung papaano kayo mabuhay. Ang inyong buhay ay siyang tanging Bibliya lamang--na babasahin kailanman ng maraming tao."
Ang mahalagang SERMON na iyong magagawa ay ang iyong HALIMBAWA.
 

Jesse Navarro Guevara   -Lungsod ng Balanga, Bataan