Makakabuting alamin natin muna ang ating mga
sarili, kaysa simulang makialam sa iba.
Isang maestro
karpintero na kasama ng kanyang mga katulong ang naisipang akyatin ang bundok
ng Mariveles sa lalawigan ng Bataan, sa paghahanap ng troso na magagawang
tabla. Nakakita sila ng dambuhalang punong-kahoy; kahit na maghawak kamay ang
limang katao at paikutang yakapin ang puno ay hindi pa rin nila mapagdugtong ang
mga dulo ng kanilang mga kamay. Sadyang nakakalula ang laki ng puno at halos
maabot na ang ulap sa pinaka-tuktok nito.
“Huwag na nating pag-aksayahan pa ng panahon
ang punong ito,” ang utos ng maestro karpintero. “Mauubos ang ating oras, at kailanman ay hindi natin mapuputol at
maibubuwal ang puno na ito. Kung nais nating gumawa ng bangka; sa laki at bigat
ng punong ito, tiyak lulubog lamang ang bangka. Kung ang gagawin naman natin ay
gusali, kailangang tibayan nating maigi ang mga tabla na gagawing dingding, bubungan, at mga
haligi para lalong tumibay. Iwanan na natin ang punong ito, dahil kung ito ang ating
uunahin, wala tayong matatapos.”
Nagpatuloy
sa paghahanap ng kailangang katamtamang troso ang grupo, nang magpahayag ang isang
kasamahan, “Sayang naman ang malaking
puno na iyon kung walang kabuluhan kahit kanino.”
“Diyan ka nagkamali,” ang
pakli ng maestro karpintero. “Ang
punong-kahoy na iyon ay tunay sa kanyang naging kapalaran. Kung siya katulad
lamang ng iba, matagal na siyang naputol at naging troso. Dahil may naiiba
siyang kagitingan at katapangan, nagawa niyang maging kakaiba, at mananatili
siyang buhay, nakatayo at lalong matatag sa mahabang panahon.”
Nasa ating pagturing sa ating sarili kung nais nating maging agila sa himpapawid o maging ibong pipit na nagtatago sa matinik na siit. Nasa ating mga katangian at mga kakayahan kung anong kalidad sa buhay ang nais nating marating. Hanggat nakatingin at naghihintay sa iba, mananatili kang kopya at pamunasan ng iba.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment